Walang Paalam Part II: The Flashback
2006. Third Year College ako noon. Yes, wala pa akong bagsak. Wala din akong boyfriend. Ayos lang dahil wala namang batas na nagsasabing bawal ang single sa school.
Tumunog ang phone ko isang weekend na tahimik at ako’y nagninilay. Hindi ko kilala kaya hindi ko pinansin hanggang sa nakulitan ako dahil hanap nang hanap ng taong di ko naman kilala. Naniwala naman siya sa paliwanag ko. Napag-alaman naming dalawa na ang message pala na yun ay para sa kaibigan ng kaibigan ko at akala niya ay ako yun. Naging magkaibigan naman kami pagkatapos siyang ipakilala sa akin.
At gaya ng normal na magkaibigan na parating magkausap, nagkahulugan kami ng loob. Masaya ako sa kanya, ganun din siya sa akin. Pero noong unang taon ng relationship namin, kahit masaya kami hindi kami yung normal na magkasintahan dahil babaero siya. Hindi ako marunong makipaglaro kaya binigyan ko siya ng oras na isiping mabuti kung ano ba ang gusto niya talaga. Hindi ko siya ginambala pagkatapos kong ibigay yung desisyon ko. Pag di pa siya handa magseryoso, kahit mahal niya ko higit kaninoman, pakawalan niya ako. Nahirapan siya. Naiintndihan ko naman dahil naniniwala ako na ‘You cannot change a man overnight.”
Dumating ang araw na kailangan na naming mag-usap. Ako ang pinili niya. Tatalikuran niya ang pambabae para sa akin. Natuwa naman ako. Alam ko na hindi magiging madali, na madaming beses niya akong ididisappoint pero tinanggap ko pa rin. Hindi dahil tanga ako o martir. Tinanggap ko siya dahil nakikita ko na desidido siya kahit mahirap, na kakayanin niya. Ano ba naman yung suporta at tiwala kapalit ng long term commitment?
Gaya ng inaasahan ko, hindi nga naging madali pero in the end, natapos din ang issue namin sa pambabae. Hindi pa yun ang huli dahil marami pa kaming pinagdaanan. Ayaw sa kanya ni mama. Naging seloso siya, ako din madalas inaaway ko siya lalo pag namimiss ko siya. Pero kinaya naming lahat yun hanggang sa magtapos kaming dalawa.
Naiwan siya sa probinsiya, ako naman ay nagpunta ng Manila. Dito nagsimula ang masalimuot na parte ng kuwento.
GOALS. Gusto na niyang magsama kami pero, ako, ayoko pa. 20 lang ako, wala pa akong napapatunayan, bata pa ako, takot pa ako. Wala pa akong naibibigay kay mama. Hindi naman naghahanap si Mama ng pera pero para sa akin, gusto ko munang marating yung priorities ko. Hindi pa ako handa. Tinanggap naman niya yung paliwanag ko. Binigyan niya ako ng engagement ring. Tinanggap ko rin pero malinaw ang usapan na wala munang live-in.
Naging smooth naman ang samahan namin pagkatapos naming mag-usap. Kapag maluwag sched ko ay umuuwi ako para sa kanya. Masaya kami. Walang nagbago. Ganun pa rin siya. Sobra ko siyang minahal. Bakit hindi? Hindi siya yung tipo ng lalake na gusto ko, pero siya yung tipo ng lalakeng papatay at mamamatay para sa akin. Mula noon hanggang ngayon kahit dis-oras ng gabi handa siyang sumalakay kapag may problema ako. Ipaglalaban ako kahit kanino, gentleman kahit mainitin ang ulo.
Kahit kailan, sa apat na taon naming pagsasama, hindi dumapo ang kamay niya sa mukha ko. Hindi niya ako sinaktan physically kahit anong init ng ulo niya. Siya yung tipo na ang binubuksan ay pagkain ko at hindi yung butones ng damit ko. Madami siyang flaws, pero ayos lang tanggap ko dahil higit sa lahat ng tao sa mundo, siya ang tagapagtanggol ko.
Akala ko okay na lahat hanggang sa isang araw nagkalabuan kami. Hindi kami parehas ng point of view. Gusto na niya akong pauwiin, pero hindi kaya ng schedule ko at hindi rin ako makakuha ng mahabang leave. Umiiyak na siya sa telepono, pero wala akong magawa. Gustong-gusto ko ring umuwi, pero hindi kaya ng oras ko. Gusto ko siyang patahanin at sabihing uuwi din ako, maghintay lang siya. Na kailangan ko lang ng pasensiya niya, na makababawi din ako. Dun nagsimula ang away araw-araw.
Naiintindihan ko siya dahil alam ko ang nararamdaman niya. Alam kong nagiging hopeless na siya. Malamang huhusgahan siya ng mga tao na siya ang nagkamali, na hindi niya ako naintindihan. Oo, maaaring tama sila, pero hindi nila alam ang nararamdaman niya. Hindi nila alam ang sakit ng paghihintay nang mga sandaling yun.
Nang makauwi ako, may nagbago na. Hindi na kagaya ng dati. Ramdam ko na mahal niya ako, na na-miss niya ako, pero hindi na kagaya ng dati. Pagbalik ko ng Manila, hindi na siya nagparamdam, balita ko, nawala ang phone niya. Yun na ang huli kong balita. Ilang buwan akong nakikibalita sa kaibigan niya, nagbibilin, pero wala ako natanggap na response.
Hanggang isang araw nabalitaan ko na lang na ikakasal na siya. Hndi ko alam ang gagawin ko. Sinabi sa akin na naka-one night stand niya yung babae at nabuntis agad. Pero duda silang lahat kung sa kanya ba talaga yung bata.
Sa panahong yun, wala akong matakbuhan, pinili kong mapag-isa. Hindi na mahalaga kung kanya man o hindi yung bata. Hindi rin siya nakipag-usap sa akin kaya mas masakit dahil wala kaming closure. Dahil walang paliwanag galing sa kanya. Maaaring naisip niya nung panahon na yun na hindi na mahalaga ang magpaliwanag dahil nasa sitwasyon na siyang hindi puwedeng tumalikod sa responsibilidad. Hinihintay ko tawag niya para magsorry siya, ganun din ako. Para magpaliwanag pero wala. Dinamdam at tinanggap ko lahat ng sakit. Hindi ko alam kung saan ako huhugot ng lakas para matanggap ang sitwasyon na wala nang pag-asa na maging kami ulit. Na hindi na siya magpaparamdam kahit kailan.
Na wala nang sagot lahat ng katanungan ko.
Unti-unti akong nakabangon. Hindi ko nagawang panatilihin ang galit ko sa kanya. Oo, nagkasala siya sa akin, iniwan niya ko sa ere. Niloko, pinagpalit. Nilinlang. Nagtaksil. Lumandi. PI siya. Gago. Pero hindi ko kayang talikuran lahat ng magagandang ginawa niya sa akin dahil lang sa isang gabi ng pagkakamali.
Deep inside napatawad ko siya kahit mahirap. Dahil kahit ganoon ang nangyari, hindi man kami sa bandang huli, naging mabuti siya sa akin sa loob ng apat na taong pinagsamahan namin. Oo, nasaktan ako—SOBRA. Pero hindi ko siya hinusgahan nang dahil lang sa pagakakamali niya. Oo, ang pagkakamaling yun ang nagbigay tuldok sa samahan namin—pero hindi ang pagkakamaling yun ang magdedetermine sa pagkatao niya. Mabuti siyang tao-may kahinaan din siya at the same time. Naging marupok lamang siya para labanan ito pero still, ag dami niyang naituro sa akin, ang dami niyang kabutihang nagawa sa akin na hindi kayang gawin ng kahit sinoman.
Itutuloy
(Up next: The Confrontation)
©Copyright 2012, Filipino | Definitely Filipino™. All rights reserved. Copying of any article from this Definitely Filipino blog without permission, is strictly prohibited. DISCLAIMER: All articles are opinions of their respective authors and not necessarily of the site owner and Definitely Filipino.





Recent Comments