Dolyar…
Buhat ang maleta papasok sa airport, baon ang pangarap para sa pamilya. Sa pagtunog ng makina ng eroplano at pagpapaalala ng mga crew sa eroplano, tanda na rin ng iyong paglisan sa lupang pinangako baon ang tatag ng katawan, talino, pangarap at gabay ng Diyos, subalit ang lahat ng ito ay hindi mo alam kung sapat na ba para mapagtagumpayan mo ang buhay sa lupain ng mga banyaga.
Sa paglipad ng eroplano may halong kaba at pag-aalinlangan sa isip, kung ano ba ang daratnan mo sa lupain ng mga banyaga? Gusto mong sumilip sa bintana ng eroplano habang ito ay papataas, nagbabakasakaling muli mong matanaw ang iniwan mong pamilya sa ibaba, na habang papataas nang papataas ang sinaksakyan mong eroplano, palungkot din sila nang palungkot lalo na ang iyong mga anak na matagal na mangungulila sa iyo.
Iniwan mo ang pamilya dahil sa pangarap at magandang kinabukasan na nais mo para sa kanila. Pangarap na minsan ay walang kasigaraduhan kung matutupad mo ba sa pagkita lamang ng dolyar, magandang kinabukasan na nais mo subalit hindi mo alam kung may naghihintay pa sa iyong pagbabalik. Dolyar na kita ngunit ang kapalit ay pamilya mo, chocolate na ang kapalit ay ngiti ng iyong mga anghel, imported na mga gamit ngunit ang kapalit ay kalungkutan at luha, masasayang mga larawan subalit sa kabila ng mga ngiti ay labis na pangungulila at kalungkutan. Masasarap na pagkain na iyong kinakain, subalit walang lasa dahil sa iyong pag-iisa.
Kailangan ba talaga nating maranasan ito? Ito ba ang kapalit ng mga pangarap mo, na halos hindi ka na makilala ng iyong mga anak, na halos hindi mo na rin maramdaman ang tamis ng pagmamahal ng iyong kabiyak. Ito ba ? Ito ba ang kapalit ng dolyares? Iiwan mo ang iyong anak upang mag-alaga ng anak ng iba? Iiwan mo ang pamilya mo para sa dolyares na ipapalit mo bilang ama at ina ng tahanan.
Ikaw na ilaw ng tahanan, iiwan mo ang iyong bahay para palitan ng kinang ng dolyar ang ilaw ng tahanan. Subalit hanggang saan dadalhin ng kinang ng dolyar ang iyong mga naiwan? Ikaw, haligi ng tahanan, iiwan mo ang bahay para palitan ang haligi ng dolyar. Hanggang saan ang tatag ng haligi na puwedeng gawin ng dolyar? Magawa niya kayang akayin sa tamang landas ang mga naiwan mo? Napapaligaya kaya talaga sila ng mga padala mong dolyar?
Dolyar na ang katotohanan ay halaga lamang ng isang dakot na mamiso….kaya ikaw ay nagtitipid at nagtitiis sa kalungkutan para lamang may maipadala na malaking halaga sa iyong pamilya. Ito ang kinang ng dolyar na handa mong ipagpalit sa pamilya at kasiyahan. Dolyar na hindi lamang pawis at pagod ang iyong pinuhunan; pati luha. Luha na malimit pumatak sa bawat araw na dinadalaw ka ng kalungkutan sa bansa ng mga banyaga.
Ito ang ilang katotohanan sa dala ng kinang ng dolyar. Na minsan ang dalang kinang ay kadiliman sa iyo dahil sa pagkawasak ng iyong pamilya, kinang na ang dala ay kalungkutan at pagtitiis. Sana lang, sa muling pagkinang ng dolyar, kuminang din ang mga pangarap natin. Upang hindi na tayo masilaw pa muli sa dalang kinang ng DOLYAR….
©Copyright 2012, Filipino | Definitely Filipino™. All rights reserved. Copying of any article from this Definitely Filipino blog without permission, is strictly prohibited. DISCLAIMER: All articles are opinions of their respective authors and not necessarily of the site owner and Definitely Filipino.




Recent Comments