(Photo Credit: Generalhowitzer.hubpages)

Isa sa masayang bahagi ng buhay ng maraming anak , lima silang lahat, ay yung bang kapag nagkakaroon kayo ng bonding moments, tapos ay magkukuwentuhan kayo sa inyong mga naging karanasan o happenings. At least, doon ay nakikita ninyo ang bawat isa kung ano ang ginagalawan n’yong mundo.

So ako naman ay nakikihalubilo rin sa mga kuwentuhan lalong-lalo na kapag ang pinag-uusapan ay yung mga ginagawa ko nung ako ay bata pa.

Nag-umpisa kami sa mga nilalaro namin nung bata pa kami; kinukuwento ko na nung bata ako ay larong, text, trumpo, jolens, syato, tumbang presyo, luksong baka o patintero na ako ang patotot o dili kaya’y sungka at taguan-pung ang aming mga laro noon. Sa ngayon sila ay naglalaro ng PSP, computer games o ano mang electronic gadgets.

Sa aking mga anak ay minsan lang nagkaroon ng interest sa mga sports, Oo, yun mga lalaki ko ay nagkaroon ng hilig sa larangan ng basketball at swimming, pero hindi rin tumatagal. Ni hindi man sumasali sa mga sportsfest o competition. So sasabihin ko sa kanila nung bata ako ay masyado akong sports-minded. Lahat ng tournament sa Basketball, volleyball, chess, pelota, tennis, bowling at kung ano ano pa ay sinalihan ko. Tapos bibiruin ako na parang hindi daw totoo. Sa Martial arts, nagkaroon ako ng basic training sa karate, taekwondo at arnis. Tapos magtatawanan sila at sasabihing, “Oo na, dad, nagawa mo na iyon.” Parang feeling nila na hindi sila para sa mga sports activities.

Sa halos maghapon na nasa bahay sila ay pinipilit ko rin silang sumali sa mga organisasyon kaysa manood ng telenobela o maglalaro ng online gaming. Ikukuwento ko sa kanila na nung bata ako ay active ako sa choir, youth organization, mga civic works, drama club, block rosary o legion of mary. Para sa kanila, parang hindi possible ang mga ganoon sa panahon ngayon na halos kanya-kanyang buhay at wala nang pakialamanan.

Tapos sinasabi ko na kung ayaw ninyo ng ganoon ay idevelop ninyo ang creative side ninyo, magsulat, gumawa ng blog, magbasa, o sumali sa mga literary contests, sabay kuwento na nung bata ako ay sumasali ako sa mga school newspaper, gumagawa ng tula at short stories, sumasali sa mga contests at nagwawagi naman.

Ayun, sasabihin na naman nilang “super dad ka talaga” sabay tawanan. Yun bang tipong mahirap paniwalaan.

Bakit nung panahon noon na kung saan mas simple ang buhay ay mas marami kang nagagawang mga bagay kaysa ngayon na sa age of technology ay parang sa social networking na lang ang friends, o twitter o online gaming? Na ang lahat ng galaw ay umiikot sa cellphone texting o bbm o viber. Di nab a uso yung automatic na kapag mga 3 pm na ay sabay-sabay kayong lalabas ng bahay at alam na kung saan magkikita para maglaro?

Heto na ba ang buhay ng mga kabataan sa panahon ngayon? Sana maranasan din ng mga bata ang panahon natin noon na masarap gawin at gunitain dahil ang pagiging bata ay minsan lang darating sa ating buhay.