(Photo credit: Reynaelena)

Setyembre 26, 2009, alas–otso ng umaga sa orasan ko, isang maulang Sabado na umaga na naman ang bumungad pagmulat ng aking mata habang dalawang tinig ang nariring ko nun: ang tunog ng radio ko na hip-hop pa ang kantang umeere, at ang boses ng nanay ko. “Anak, papasok ka pa ba ngayon?”

Agad akong bumangon, kumain ng almusal, naligo, nagsuot ng uniporme at naghanda para pumasok sa kaisa-isang subject ko nung araw na iyun. Pero dahil maulan nung araw na iyun, nag-alangan na kong umalis kasi naman nasiraan pa ako ng payong ilang araw bago nun. Sakto lang din at uuwi ang mga magulang ko papuntang Bulacan, kaya nakisabay ako.

Paglabas ng barangay, sa kalsada sa tabi ng Ilog Marikina agad naming napansin ni Nanay na hindi na yata normal ang taas ng tubig sa nasabing daluyan ng tubig. Pareho kaming kinukutuban na may hindi magandang mangyayari sa araw na ito. Kaya nasabi na lang niya sa akin nun na “Anak, ‘wag ka na lang kaya pumasok?” Sagot ko naman, “’Nay, bakit po?”

“Hindi maganda ang araw na ito e.”

“Ha?”

Sumabat si Tatay, “Ano ba kasing gagawin n’yo ngayon?” Sagot ko nama’y, “May klase ako. Hindi ko pa nga natatapos ang assignment ko para sa araw na ito e.”

“Sige, pumasok ka na lang din.”

Bumaba ako sa bungad ng flyover ng Katipunan Avenue at agad tumakbo papunta sa istasyon ng Light Rail Transit Line 2. At yan ay sa kabila ng nagbabadyang lakas ng ulan, pasalamat lang ako na may dala akong jacket nun.

Pagbaba ko nga sa platform ay kaaalis lang ng tren. Malas, maghihintay na naman ako ng panibagong limang minuto para lang makasakay. Delayed pa yata ang sumunod na dumating nun. Asar!

Pagdating sa Legarda station ay nagpatila, kahit tila ayaw tumigil ang buhos ng ulan nun sa oras na alas-9:15 ng umaga. Nakaorder na ko ng ilang swakto donuts sa isang stall sa istasyon na iyun dahil nagutom na naman ako ulit. Hanggang sa mag-aalas nueve y medya na at wala pa ring pagbabago sa panahon. Dito ako nagdesisyon na makisabay sa ibang tao na papasok din tulad ko. Buti na lang marami din ang naka-payong at kapote nun.

Dali-dali akong pumasok sa pamantasan, at tumambay ng saglit sa harapan ng opisina ng kolehiyo namin nang malaman ko na maaga palang na-dismiss ang klase ng section A. Iyun kasi ang unang klase sa asignatura na Radio Production nun na hinahandle ng isa sa mga tinaguriang “Propesor ng Bayan” na si Ricky Rosales. (Tunog pamilyar ba? Oo, kung nakikinig ka ng AM radio). Iyun din ang paboritong major subject ko nung mga panahon na iyun.

Nung nabakante ang class room agad akong pumasok, iniwan ang gamit at tinanggal ang jacket na basang-basa na rin. Alas-9:40 pa pala. Shemay, singkwenta minutos pa pala ‘kong maghihintay.

Hanggang dumating ang 10:30 sa tika ng orasan at iilan lang kaming nasa klase nun. Hindi rin naganap ang dapat sana ay Speech class namin dahil bawat isa sana sa amin noon ay dapat magdedeliver ng isang speech bilang takdang gawain para sa araw na iyun. Unti-unti  nang nagsulputan na papasok sa klase ang mga kararating lang. Ayon sa kanila, hirap daw pumasok ngayon.  Aba, ikaw ba naman ang mastranded ng ilang beses sa baha, at masiraan ng sasakyan e.

Napagdesisyunan pala nung araw na iyun na isuspinde ang klase epektibo alas-dose ng tanghali. Pero wala na rin e. Paglabas ko kasi ng unibersidad ay agad tumumbad sa mata ko ang baha sa kalye ng Enrique Mendiola pati na rin ang hindi mahulugan ng karayom na tao na naistranded na rin sa gitna ng tubig baha. Kasama ko pa pala ang mga kaklase ko na babaeplanopa umuwi ng Bulacan noong araw na iyun. Nagpasya kami na sa kabilang gate kami lalabas at sa daan naming dun nakikita naming na lubog na sa baha ang ilang mga hallway sa paaralan. Yung iba, tumawid gamit ang mga lamesa habang sa kabila, tumatawid din kami sa kabila ng napakadulas na semento nun at may kasama pa kaming mga ipis na lumilikas din. Hanggang sa nakarating na kami sa labasan.  Doonkami nagkaghiwa-hiwalay. Akala ko tapos na ang kalbaryo ko sa paglabas. Hindi pala.

Author: slickmaster | Date: 09/(19-)20/2012 | Time: 1:16 a.m.