That’s mine (Photo Credit: vimeo.com)

Isa itong paligsahan nang pagpapakita ng kahalagahan ng pagmamahal. Ang mga kalahok sa patimpalak: sina Harold, Kelvin, Rome at Sherald. Lahat sila ay magkakaibigang nagkagusto sa iisang babae lamang, sino ang magwawagi sa kakaibang paligsahan na ito? Alamin natin ang kwento.

Tinawag na ng MC ang mga kalahok, nagsilapitan naman ang apat na lalaki.

“Nakikita niyo ba ang hawak hawak ko?” Tanong ng MC sa mga kasali.

“Opo” Sagot ng apat na lalaki.

“Ano ito?” Muling tanong ng tagapagpalaro.

“Piso” Sagot ng hindi magkakasabay na nagsalita.

“Ano’ng gagawin natin sa piso?” Tanong na naman ng palatanong na babaeng tagapagsalita.

“Ewan po” Sagot ng mga lalaking palasagot.

“Ok, ganito ang gagawin natin ha, makinig kayo. Oo, piso nga ang hawak ko. Pero hindi lang ito basta piso, gagawin nating mahalaga ang bagay na ito. Kunyari, ito ang inyong pinakamamahal. Sa paanong paraan niyo siya ipaglalaban?

Nagkatitigan ang mga kalahok, nag-isip silang lahat.

“Ihahagis ko ito sa loob ng malaking kwartong ito, at bibigyan ko kayo ng isang minuto upang pag-agawan ang napakahalgang piso. Kahit anong paraan, pwede niyong gawin. Depende kung papaano niyo ipaglalaban ang inyong minamahal. Kapag nasa kamay na ito ng isang kalahok, maaari pa rin itong agawin ng  iba. Iyon ay kung kakayanin nila. Kapag naubos na ang oras, ang lalaking may hawak nito ang siyang mananalo at tatanghaling PINAKAMAPAGMAHAL NA LALAKI SA ARAW NA ITO.” Paliwanag ng tagapagsalita.

Sa sandaling iyon ay nagkaroon na ng ideya ang apat tungkol sa palaro, may kanya kanya na silang naisip na diskarte kung papaano mapapasakamay ang napakahalagang piso. Ilang saglit lang, nag-umipisa na ang palaro. Inihagis ng MC ang piso sa gitnang bahagi ng kwarto.

Ready Set Go!” Sigaw ng babae.

Nag-unahan na sa pagtakbo ang apat na lalaki, papalapit sa naghihintay na piso. Naunang nakahawak sa piso si Rome, subalit nabitawan niya agad ito nang tabigin ni Harold ang nakapatong na kamay ni Rome sa piso. Pumatong naman si Kelvin sa likod ni Harold habang pinag-aagawan nila ang piso, nakatayo lamang sa gilid nilang tatlo si Sherald; nag-aabang ng tamang pagkakataon. Napasakamay na ni Harold ang piso, nagtatakbo siya sa loob ng malaking kwarto. Hinabol naman siya ng tatlong pang kalahok, naabutan nga ni Rome si Harold. Ibinagsak niya ang katawan ni Harold sa sahig, lubha itong nasaktan kung kayat naihulog niya ang hawak na piso. Si Kelvin naman ang nakapulot ng nahulog na piso, mabilis niya itong natago sa kanyang kaliwang kamao at tinakpan pa ng kanang kamao. Sinugod siyang muli ni Harold, hawak ni Harold ang kamay ni Kelvin habang pinipilit na bukahin isa isa ang mga daliri nito, pero wala siyang nagawa. Hinawakan ni Rome si Kelvin sa balikat at itinumba pahiga sa lapag, kinagat naman ni Harold ang braso ni Kelvin. Dahilan upang makuha niya ang piso, subalit gumulong iyon sa madulas na sahig. Hinanap nina Kelvin, Rome at Harold ang piso, pero hindi nila nakita. Napansin na lang nila na nasa kaliwang bahagi na ng kwarto si Sherald, tahimik lamang habang nakabuo ang kanyang dalawang kamao.

Mabilis na tinungo ng tatlo ang kaibigang si Sherald, kabadong nakatayo naman siya habang naghihintay sa pagsugod ng kanyang mga kaibigang katunggali. Hinawakan agad ni Harold ang kanang kamao ni Sherald, si Kelvin naman ay sa kaliwa. Pinipilit nilang binubuksan ang palad ni Sherald, ngunit mariin ang kanyang pagkakatiklop dito. Lumuhod si sherald, at pilit na itinago ang dalawang kamao sa kanyang tiyan. Ipinatong rin niya ang kanyang ulo sa sahig, upang maproktektahan ang kanyang minamahal.

Malapit nang matapos ang oras, labinlimang Segundo na lang ang natitira. Wala nang maisip na paraan ang tatlo, kung kayat pinagsusuntok nila si Sherald. Hindi naman natinag sa sakit na nararamdaman si Sherald, mahigpit niya pa ring itinatago ang piso. Umiiyak si Rome habang sinasaktan ang kaibigang si Sherald,  hindi na kasi niya alam ang kanyang gagawin. Galit na galit naman si Harold habang hinihila niya ang halos masira ng damit ni Sherald, umaasa pa rin siyang may ilang sandali pang nalalabi upang mapasakanya ang kanyang pinakamamahal. Tumahimik naman bigla si Kelvin, iniwan ang tatlong nag-aagawan sa piso. Hindi na siya nakiagaw pa, nagtungo na lamang siya sa isang sulok. Mapula na ang buong katawan ni Sherald dahil sa mga hataw na kanyang natatanggap mula sa dalawa, tagaktak na rin silang tatlo ng pawis.

Parang biglang naging marahan ang lahat ng pangyayari, hindi nila namalayan na ang oras ay tapos na. wala silang narinig na pito, dahil sa kanilang pagpupumilit na makuha ang piso. Nilapitan sila ng tagapagsalita, at ipinaalalang tapos na ang lahat; at ang nanalo ay si Sherald. Lumayo na sina Rome at Harold kay Sherald, subalit nanatiling nakahiga lamang sa sahig ang nanalo; hindi gumagalaw, pero patuloy lang sa paghingal. Itinayo siya ng MC, at inalalayan. Nang naipahayag na ang nanalo, isa isang tinanong ng MC ang mga kalahok ukol sa patimpalak.

Bakit ka umiyak Rome?” Tanong ng MC.

Rome – “Umiyak ako, dahil hindi ko alam kung alin ang pipiliin ko. Gusto kong mapasaakin ang piso dahil ito ay sumisimbolo sa taong mahal ko, pero wala akong nagawa upang ipaglaban siya. Ang masakit pa, kaibigan ko yung karibal ko sa kanya. Umiyak ako dahil mas pinili ko ang mahal ko kaysa sa kaibigan ko, nagawa ko rin silang saktan para lang patunayan ang pagmamahal ko sa piso. Wala akong kwentang kaibigan, sarili ko lamang kaligayahan ang isinaalang-alang ko sa larong ito.”

“Ikaw Harold? Halatang nagngingitngit ka sa galit habang inaagaw ang piso. Bakit?” Tanong ng MC.

Harold – “Sa akin dapat iyon, nandaya si Sherald. Galit ako dahil hindi napasaakin ang piso, mahal na mahal ko siya. Wala akong pakialam kung may masaktan man akong iba, basta mapasaakin lang ang pinakamamahal kong babae. Ako dapat ang nakapulot noon, inagawan lang ako ni Sherald. Mang-aagaw siya sa totoong buhay, hindi siya patas lumaban. Kung talagang kaibigan niya kami, dapat kilala niya kung sino sa amin ang tunay na karapatdapat para sa piso; ako iyon, hindi siya.

“Kelvin, napansin kong nakikipag-agawan ka pa sa umpisa, pero bakit bigla ka na lang huminto sa huli?” Tanong ng MC.

Kelvin – “Huminto ako dahil mahal ko siya, subalit mas mahalaga sa akin ngayon ang kaibigan. Kaya handa akong ipaubaya siya sa iba, alam ko kasing magkakasakitan lamang kaming magkakaibigan kung pati ako ay makihahati pa. kahit anong gawin ko kasi, isa lang naman ang magwawagi sa amin sa puso niya. Hindi lang naman nag-iisa ang piso sa mundo, alam kong may ibang nakalaan para sa akin. Yung alam kong hindi lang ako ang nagmamahal sa kanya, pati rin siya ay nagmamahal sa akin. Kaya masaya ako para kay Sherald, dahil siya talaga ang deserving sa lahat. Hinayaan niya lamang saktan siya ng iba, pero hindi siya nagpatalo sa bawat pagsubok. Naging matatag siya upang makamit ang kanyang ninanais. Hindi man naging sapat ang pagpapahalaga ko sa piso, ipinagpalit ko naman siya sa tatlong kaibigang alam kong lagi lang nandyan sa piling ko.

“At ang panghuli, Sherald. Hanga ako sa ipinakita mong tatag sa pakikipagtunggali, paano mo ito ginawa? O ano ba ang mga dahilan kung bakit ganyan kang manindigan? Tanong ng MC.

Sherald – “Unang-una, hindi ko gusto ang larong ito. Ayaw ko ng pakikipagtunggali, lalo na sa mga kaibigan ko. Pero wala naman akong magagawa, nangyayari ang ganito sa totong buhay. Siguro, kung may isang dahilan man ako kung bakit ko ipinaglaban ang piso; iyon ay ang pagkakataon. Kung hahayaan ko lamang itong maagaw ng iba, kailanman ay hindi ko na ito makukuha pa. Oo, mahalaga para sa akin ang kaibigan. Pero kung tunay nila akong kaibigan, maiintindihan nila kung bakit ko ipinaglaban ang piso. Lahat kami nagmamahal, lahat kami ay may kanya kanyang paraan upang ipakita sa tao ang aming pagmamahal, sa ibang paraan ko nga lang idinaan. Hindi ako mandaraya, alam ko lang ang tamang panahon kung kailan ako dapat gumawa ng aksyon. Naghintay ako nang matagal upang makuha ang tamang pagkakataon, nagpaubaya na nga ako sa umpisa eh. Pero nang napasaakin na ito, hindi ko na talaga pinakawalan. Itinatak ko sa puso’t isip ko, na mahal ko siya. At lahat gagawin ko, mapasaakin lang siya. Handa akong masaktan, handa akong masugatan, handa akong mapagod, dahil tunay akong nagmamahal; iyan ang aking paninindigan.”

MC – “Hanga ako sa inyong katatagan at bawat paraan ng pagmamahal, tunay nga kayong nagmamahal. Basta ito lang ang inyong tatandaan, at itatatak niyo sa inyong puso’t isipan. Ano mang pagsubok ang dumating sa inyong pagkakaibigan, please, sana sa huli, manaig pa rin ang maganda ninyong pagsasamahan. Pahalagahan ninyo ang inyong pagkakaibigan, dahil mahirap humanap ng tunay na kaibigan.”