DABDA Ng Pagmu-move On
DABDA. Una ko itong narinig noong estudyante pa ako sa kolehiyo. Ito ay ang 5 stages of grief na ayon kay Elisabeth Kübler-Ross. Isa sa mga naging paborito kong pagtuunan ng pansin noon. Paulit-ulit ko itong binabanggit kapag nagmememorya ako dati; lalong-lalo na kapag malapit na ang exam namin sa Psychiatric Nursing. “DABDA, DABDA, DABDA” upang mas maging madali at hindi ko makalimutan.
Ito raw ay normal na napagdrdaanan ng tao kapag may isang malaking pagbabago na nangyari sa kanyang buhay. Halimbawa ay ang pagkawala ng mahal sa buhay, pagkakaroon ng malubhang karamdaman, malaking pagbabago sa isang relasyon tulad ng paghihiwalay, pagkawala ng trabaho at marami pang iba.
Ano nga ba ang mga kahulugan ng mga letra sa acronym na “DABDA”?
D-Denial
A-Anger
B-Bargaining
D-Depression
A-Acceptance
Hindi rin siyempre maiiwasan na maihambing natin ito sa ating nararanasan pagdating sa break-ups. Tandaan, ang paghihiwalay ay isang napakalaking pagbabago sa buhay ng dalawang nag-iibigan. Normal lang ito na mangyayari sa buhay ng bawat tao. Kung nakaranas ka na ng break-up o nasa estado pa lamang ng pamu-move on, nasaan ka na nga ba?
D-Denial
Ito yung unang mararamdaman mo sa oras na wala na kayo. Kinukumbinsi mo ang sarili mong nasa panaginip ka lamang at magigising ka rin bukas na para bang walang nangyari. Hinidi ka maniniwala sa mga sinasabi niyang iiwan ka na niya. Maghihintay sa mga tawag at text niya na nagsasabing humihingi siya ng tawad. Pinapaniwala ang sarili na okay lang ang lahat sa inyo. Ito yung mga oras na sasabihin mong “Ah, tiwala lang, magkakaayos din kami. Hindi niya kayang wala ako.”
Ito yung oras na ang sakit eh nadadaan mo lang sa paghinga ng malalim, pagtapik sa dibdib at pagpikit.
A-Anger
Galit. Mararanasan mo ito pag napagod ka nang kumbinsihin ang sarili mong ayos lang ang lahat sa inyo.
Nagagalit ka sa iyong sarili at sa kanya. Nagagalit ka sa kanya dahil nasaktan ka niya at unfair siya sayo. Pinipilit mong pakalmahin ang sarili pero hindi mo kaya. Lagi kang naiinis sa maliit na bagay na ayaw mo, nakasimangot, nakakunot-noo at laging nakasigaw. Maghihintay ng tawag o text mula sa kanya pero laging bigo. Saka magsisimulang ipagsabi ang lahat ng negatibong ugali niya. Makakabanggit ng ilang hindi magagandang salita, naka-CAPSLOCK lahat ng text at pasigaw lahat ng tawag. Ang iba pa nga ay nakagagawa ng hindi magandang bagay sa sobrang pagkagalit dahil sa nangyari.
B-Bargaining
Ito ang puntong pinapaniwala mo sa sarili mong ikaw ang may pagkukulang o tinitignan mo ang lahat ng iyong pagkakamali. Humihingi ng tawad upang muling maayos ang lahat. Sinasabi mo pa minsan na gagawin mo ang lahat para lang mabago ang mga ayaw niyang ugali sayo. Humihingi ng isa at huling pagkakataon upang maipagpatuloy ang relasyon ninyo. Itong punto rin yung mga oras na gusto mong makipagkita at makipagusap ulit sa kanya at magbakasakali na bumalik ang dating pakikitungo ninyo sa isa’t isa.
D-Depression
Pagkatapos ng lahat ng pakiki-usap at pagbabakasakali na bumalik ang dati. Ito na ang kasunod. Dito mo mararanasan ang lungkot at sakit ng paghihiwalay. Magkukulong sa kwarto saka muling iisipin ang mga oras na masaya kayong dalawa saka iiyak kapag hindi na kaya.
Sa iba, ito yung mga oras na pinipilit mong lumabas para maging masaya, pinipilt na makipagusap sa iba upang makalimutan siya, o kaya ay kumain ng kumain ng tsokolate at iba pang matatamis na pagkain para lamang maibaling ang atensyon sa iba at ngumiti.
Hindi madaling makalagpas sa puntong ito dahil minsan kahit anong gawin mo ay sadyang masakit pa din. Ito ang highlight ng paghihiwalay pero isa ring palatandaan na malapit mo nang malagpasan ang lahat.
A-Acceptance
Pagkatapos ng lahat ng lungkot at sakit na napagdaanan mo, ito na ang sunod. Ang pagtanggap ng lahat ng pangyayari. Ang pagtingin sa lahat na isang aral na madadala mo sa buhay. Ito yung mga oras na tanggap mo nang wala na siya at nakahihinga ka na ng maluwag.
Sabi nila, ang isang palatandaan daw na tanggap mo na ang lahat ay yung masaya ka na para sa kanya at sa inyong dalawa. Yung puntong pag nagkita kayo ay nasasabihan mo na siya ng “you’re looking great” habang nakatingin ng diretso sa mata.
Ito ang puntong nais marating ng lahat ng nagmu-move on mula sa sakit ng paghihiwalay.
Hindi man pare pareho ang nararanasan ng bawat isang tao ay mahalaga din na sulitin natin ang mga sarili natin at tignan kung nasaan na tayo ngayon nakatayo. Baka naman nasa denial ka pa din pagkatapos ng isang buwan? O nasa bargaining pa din kahit mayroon na siyang iba? Ang mahalaga ay mai-guide natin ang sarili through acceptance upang hindi maging sagabal ang paghihiwalay, kundi maging isang gintong aral na madadala natin sa mga susunod pang karanasan.
Ito para sa akin ang “DABDA” ng pagmu-move on. Nasaan ka na nga ba?
©Copyright 2012, Filipino | Definitely Filipino™. All rights reserved. Copying of any article from this Definitely Filipino blog without permission, is strictly prohibited. DISCLAIMER: All articles are opinions of their respective authors and not necessarily of the site owner and Definitely Filipino.
You may also like these articles:
Follow your heart… Cheesiest advice ever! (But it works)
Bakit Wala Kang Pera?
A Mere Fantasy
A Lesson To Learn
Unfaded Necklace..
Filipina Architect Named in the Top 20 Under 40 Design and Construction Professionals in the USA
5 Things Our Society Should Learn
Fall of Adam 13








lol lesson ko lang ito sa estudyante kelan lang…nice