Image Credit: Funnyjunk

Si Rowena. Girlfriend ko na kinailangan pumunta sa malayong lugar upang mag-aral.

Ito ang huli niyang mensahe, hindi na yun nasundan pa ng kung anumang mga balak para maipaliwanang ang mga pangyayari tungkol sa aming dalawa. Nawala na lang siya bigla at hindi na muling nagparamdam na para bang nag
“Instant Transmission” siya sa planetang Kepler2-B.

Hindi ko alam ang mararamdaman ko sa panahong iyon. Malulungkot ba ako
dahil hindi na ako magigising na may mga matatamis na pambungad ng
“Good Morning” na may mga “I Love You” pa sa dulo, idagdag mo na ang smiley.

Sasaya ba ako dahil sa wakas, makakapag DOTA na ako nang hindi na humihingi ng pahintulot at permit o waiver na nagmula sa kanya. O iiyak na parang bata na
hindi binigyan ng kendi ng mga magulan?

Marahil dulot na rin ng pagiging tula ang malalakas na ugong ng gitara at hampas ng tambol, nabasag lang ang aking pagkatulala nang yayain ako ng aking kaibigan upang magpa-picture.

*Click*

Michelle: ayos!
Andrew: guwapo ko diyan ah.
Michelle: mukha mo!
Andrew: (ngumiti)

Si Michelle, kaibigan ko noong highschool pa  kami Tinagurian kaming loveteam sa klase dahil palagi kaming magkasama tuwing recess at tanghalian noon. Madalas lang naman talaga akong sumama sa kanya dahil madalas niya akong ilibre ng pagkain. Joke.

Nasanay na din naman kami sa mga pangungutya ng mga kaklase.

Tatlong taon din kaming hindi nagkita simula nung kami ay tumuntong sa kolehiyo.

Kailangan niya kasing mag-aral sa Maynila. Kaya ayun, naging Yin ang Yin Yang, nagsolong maglakad ang puto nang walang dinuguan  at pansamantalang nalungkot si Tom sa pagkawala ni Jerry.ichelle: Kumusta ka na? Tagal nating di nagkita ah.

Andrew: Oo nga eh. Kumusta pag-aaral mo dun?
Michelle: Okay lang naman.
Andrew: Ah. Kelan balik mo?
Michelle: Hindi na ako babalik. Dito ko na tatapusin ang pag-aaral ko.
Andrew: Edi mabuti. Makakatipid na naman ako tuwing lunch.
Michelle: (tumawa) Hindi ka pa rin pala nagbabago. Na miss kita.
Andrew: Ako rin, na miss ko sarili ko.
Michelle: (sumimangot)
Andrew: Biro lang. Na miss din kita.
Michelle: (ngumiti)Labas tayo minsan.
Andrew: Sige. Basta ba libre mo eh.
Michelle: (ngumiti) Sige na nga.
Andrew: Kailangan ko ng umuwi, medyo masama kasi pakiramdam ko. Inaantay na din ako ng mga pinsan ko.
Michelle: Ingat Mr. Photogenic.

Umuwi na ang binata at derechong humiga sa kanyang kuwarto na tila di pa rin makapaniwala sa mga nangyari.

Hindi lahat ng ending ng love story ay masaya tulad ng sa mga “Disney Films” kung saan palaging nakakatuluyan ng prince ang kanilang princess. Kung sa bagay, ibang-iba nga naman talaga ang mundo ng realidad kesa sa mga pantasyang may nag-akda, kung saan dragon na nagbubuga ng apoy, wicked stepmother and evil sisters, sorcerer at drowsiness lang ang pangunahing hadlang at kalaban, at halik ng taong iyong pinakamamahal ang pangunahing lunas kapag ikaw ay nasugatan.

isipin no? Kung saan hindi mo na kailangan pang pumunta ng botika para bumili ng gamot. Isang ‘mwah-mwah tsup-tsup’ lang ng iyong labidabs, tanggal na ang cancer, sakit ng ulo, almoranas, lagnat, kabag (dahil sa katakawan mong kumain ng takuyaki at meatbread), tuberculosis at pigsa sa pwet. Pero sa huli, kailangan pa rin nating tanggapin ang katotohanan na dadanas tayo ng sakit upang gumaling, madadapa upang matutong tumayo, manghihina bago lumakas, at umibig at mabigo upang mamulat sa realidad ng buhay.

Pero ganun na lang ba kadali na kalimutan ang lahat na nangyari sa aming dalawa? Sana may rewind button ang radyo ng buhay ko, baka sakaling maging okay din ang lahat.

Pero sabi nga ng isa sa pangunahing tauhan sa paborito kong pelikula, “Baka kaya tayo iniiwan ng mga taong mahal natin, kasi baka mayroong bagong darating na mas OK, na mas mamahalin tayo, yung taong hindi tayo sasaktan at paaasahin, yung nag-iisang taong magtatama ng mali sa buhay natin, nang lahat ng mali sa buhay mo.” Siguro nga, tama siya.

Pero kung dumating man agad-agad ang taong papalit kay Rowena, sana lang, kaya ko din siyang mahalin nang buong-buo pabalik. Dahil sa ngayon, maaaring barya lang ang aking maibigay.

At dahil sa kanyang pag-iisip, nakatulog na ang binata ng hindi niya napapansin.
At sa kanyang pag gising, isang mensahe galing sa di-kilalang numero ang tumatak sa kanyang cellphone.

“Uy kumag! Labas tayo mamaya.  Michelle”

*to be continued*

Enhanced by Zemanta