Image by Theeradech Sanin from freedigitalphotos.net

Image by Theeradech Sanin from freedigitalphotos.net

Ang pangalan ko ay hango sa isa sa mga pinakamahalimuyak at maalindog na bulaklak…ang rosas. Maraming nagsasabi na katulad ng bulaklak na ito, ako’y tunay din na kaaya-aya –maganda.

Marahil, dahil na rin sa kagandahang ito, ako’y parang isang bulaklak na pinitas…nang sobrang aga!

Ako’y maglalabing-tatlong taong gulang pa lamang ngayong Setyembre. At halos kasabay ng aking pagpasok sa pagkadalaginding, ako’y magiging isa na rin daw ina.

Ang bata sa aking batang sinapupunan ay may anim na buwan na, ang aking tiyan na ‘di na mapigilan sa paglaki at ipit na ipit sa mga hapit kong damit ay maya’t-mayang gumagalaw.

Sabi nila, sa ika-siam na buwan ay lalabas ang bata, lalaki daw ito. Yun ang sabi ng doktora. Ang hindi niya sinabi ay kung papaano ito lalabas. Hindi naman ako kinakausap ng mga matatanda, lahat sila ang kinakausap ay si Inay. Hindi naman siya ang buntis!

Maaaring kayo’y nagtataka, halos ‘di makapaniwala, ang iba sa inyo’y naiisip ang mga anak na babaeng kasing-edad ko, at natatakot. Paano kung mangyari din ito sa kanila? Hindi malayo, ngunit huwag kayong mag-alala, ito’y maaari namang maiwasan.

Kung gano’n naman pala, bakit ito nangyari sa akin? Sa mga susunod na buwan, ako’y magiging isang ina…isang batang ina!

Eh kasi nga, kasalanan ni Inay!

Si Inay na hindi ako binantayan, na lagi akong iniiwan sampu ng aking mga kapatid para maghanapbuhay at kumita ng pera. Lagi niyang sinasabi na kailangan niya iyong gawin upang makakain kami, upang may pambili ng damit dahil kami’y lumalaki na, upang hindi kami palayasin ng may-ari ng inuupahan naming bahay.

Si Inay na hindi kami maipagtanggol mula sa aming abusadong ama at wala kaming magawa kundi ang matutong maglayas nang sa gayon ay maiwasan naming malatay kapag si Itay ay lasing at wala sa katinuan.

Iniwan na kami ng aming ama, matagal na siyang ‘di umuuwi at ‘di namin alam kung nasa’n siya. Hindi na siya hinanap ni Inay, ‘di na rin namin siya gustong makasama pa. Gayunpaman, kahit wala na ang kinatatakutan naming abusado’t lasengong  ama, ‘di na rin mawala sa aming magkakapatid ang maghanap ng kalayaan. Ang maging malayang gawin and nais namin, at balewalain ang pag-aaral o ang mga bilin ni Inay…

Sana, kung si Inay ay naging mas mahigpit, hindi ko ito sasapitin.

Hindi sana ako tumigil sa pag-aaral. Hindi sana ako napasama sa mga taong walang hinangad kundi ang pagkakitaan ang aking kamangmangan. Bata pa ako, ano ang alam ko?

Sana kung binantayan ako nga aking ina, hindi ako napariwara. Napigilan sana niya ang aking pagrerebelde. Sana, mas pinagtuunan niya ng pansin ang unti-unti kong pagkalihis ng landas kaysa sa kalam ng aming sikmura!

Kung naging magaling siyang ina, hindi sana ako naging puta sa murang edad ko.

Ngunit nangyari na ang lahat…wala na akong magagawa.

Ang nais ko lamang ngayon ay sana matapos na ang lahat upang muli ko nang makita ang mga kaibigan ko. Matagal ko na ring ‘di sila nakakasama, mula nang mangyari ito sa akin. Nasaan na kaya sila?

Alam kong maiintindihan nila ako, dadamayan at sasabihing hindi ko kasalanan ito, kundi kasalanan ni Inay.

Nais ko nang makita ang mga kaibigan ko. Hindi nila ako magagawang sampalin dahil lamang sa pagsindi ko ng sigarilyo! Hay, nais ko na muling maging malayang gawin ang nais ko. Nasasabik na ulit akong sumindi. Pesteng buhay ito!