Countdown
“Mahal kita kaya maghihintay ako. May pag-asa naman, di ba?” Iyan ang linyang kanyang binitawan habang binabagtas ng barkong aming sinasakyan ang malawak na karagatan patungong Maynila. Hindi ko alam kung matatawa o maiinis ba ako sa pagtatapat niya—mukha namang seryoso at ni-rehearse pa ‘yata niya nang ilang libong beses. Ano nga ba ang isasagot ko sa mala-million dollar question niya?
Humigpit lang ang pagkakahawak ko sa railing, bumuntong-hininga at tinitigan siya nang mabuti. Hindi naman siya mahirap magustuhan, kung physical features, personality at attitude lang rin naman ang pagbabasehan, malayo na ang agwat niya sa ibang manliligaw ko—kaso may problema. Siya ang bestfriend ko. Ang saklap,’ di ba? At sa ganitong mga bittersweet-love-story, nakalolokang Q & A ang naging palitan.
G: Seryoso ka noh?
B: Hindi ba halata?
G: Bakit ako?
B: Bakit hindi?
G: Alangan kaya.
B: Perfect kamo.
G: Perfect ang?
B: Tayo.
G: Tayo?
(mahabang katahimikan)
B: Mahal kita kaya maghihintay ako. May pag-asa naman diba?
G: Paano kung wala?
B: Imposibleng wala. (confident ang mokong)
G: Sigurado ka?
B: Matagal na.
G: Kelan pa?
B: Dun sa mangga.
G: Yung araw na yun?
B: Sabi ko, ikaw na.
G: Kapapanood mo ng movies yan, ano? (ang hirap sumeg-way at mag-change topic)
(Nakatitig lang siya, walang imik, maraming pa siguro s’yang sasabihin—kailangan ko na bang sagutin? Hindi pa ako sigurado. Hindi rin ako handa.)
B: Maghihintay ako… (sabay banat sa dalawang pisngi ko) Halika na, naghihintay na si Nana sa baba.
Isang tanong, walang sagot. Seryoso na naging malabong usapan. Hindi naman siya nagalit, baka nagdamdam, baka ganun nga (although hindi ko naman siya ni-reject). Kahit noon pa, patay-malisya at deadma to the max nalang ako sa mga pasaring niya at panliligaw kina My, Nana at Kuya.
B: Kailan kaya ako sasagutin niyan? (sabay nguso sa direksyon ko)
K: Naku, Tol. Daming may prospect dyan kaya bakuran mo na. Ikaw din, maunahan ka pa.
N: Jusko! Ang babata nyo pa.
M: Mag-aral munang mabuti ha?
B: Roger, My! Ako pa.
K: (Mom)My? Nice one, Tol! Welcome to the family.
Pinagmamasdan ko siya habang nakikipagkwentuhan sa kanila, talagang at home na at home ang mokong—to the point na maging backer pa niya si Kuya. Hindi na niya nabanggit o natanong uli yung nangyari sa barko, kuntento na siguro siya sa ganitong set-up. Walang hassle, walang conflict, laging masaya. Naniniwala ako na may takdang panahon para sa lahat ng bagay at hindi ito minamadali—kasama na rin dito ang namumuong paghanga ko para sa kanya. Sana makapaghihintay siya. Sana.
Mabilis na lumipas ang apat na taon, ga-graduate na rin ako. Gaya ng naipangako kina My, Nana at Kuya, nagtapos ako ng may mataas na parangal—inspirado kasi. Mayroon pang isang tao na gusto kong pag-alayan ng medalya bukod sa kanila—siya. Sa wakas masasagot ko na rin ang tanong niya, may limang taon na ring lumipas, “may pag-asa naman diba?”
Alam kong nasa paligid lang siya, nakatanaw at proud sa naging achievement ko. Hindi tuloy ako makapaghintay na matapos ang Graduation Ceremony at makita siya—may isang taon na rin nung nagpaalam siya para mag-aral ng kolehiyo sa Maynila at tuwing bakasyon ko lang siya nakakasama.
Ayan na. Ilang minuto nalang at ihahagis na namin ang sombrero, makikita ko na siya. Masaya, excited, kabado at puno ng antisipasyon—siguro nga minahal ko na siya noon pa man—at mamahalin pa sa mga susunod na taon. Puno ako ng panalangin na sana nakapaghintay siya, na ako pa rin ang mahal niya.
“Attention, graduates. You can throw your caps at the count of ten along with the fireworks. Congratulations.”
Ten. Huh? Pamilyar yung polo shirt.
Nine. Kapareho lang siguro nung birthday gift ko sa kanya.
Eight. Imposible, may ka-holding hands kaya yung tao. Hindi siya yun. Wala naman siyang nabanggit sa akin.
Seven. Masayang event ‘to. Focus lang. Nakangiti si My, Nana, at…
Six. Si Kuya? Baka nasa ibang pwesto at vini-videohan ako.
Five. Humarap ang pares na magka-holding hands. Malamang excited sa fireworks.
Four. Girlfriend? Tama bang nakikita ko—masaya silang dalawa?
Three. Hawak ko na ang graduation cap. Unti-unting nanlalabo ang paningin ko kahit anong pigil ang gawin ko.
Two. “Si _____ nauna ng umiyak oh. Mami-miss talaga natin ang HS! Napaka-memorable! Okay lang yan, tears of joy.”
One. Kasabay ng paghagis ng ilang daang graduation cap sa ere at ilang daang indibidwal na masayang magsisipagtapos sa gabing ito ay ang… una kong kabiguan.
“Mahal kita… maghihintay ako.”
©skye2012 | 09:36 | 240812
©Copyright 2012, Filipino | Definitely Filipino™. All rights reserved. Copying of any article from this Definitely Filipino blog without permission, is strictly prohibited. DISCLAIMER: All articles are opinions of their respective authors and not necessarily of the site owner and Definitely Filipino.
You may also like these articles:
Who Wants To Be A Filipino.. I Do!!
Roger And Friends- Kaugalian ng Pinoy Vol 2 "My Friends Makes Mura When They See Each Other&quo...
Roger & Friends - Kaugalian ng Pinoy Vol 4 "Usisero nga ba ang mga Pinoy?"
In memoriam, Lourdes "Chit" Estella-Simbulan (1958-2011)
The Year of Living Definably
Ano ba Talaga?
Lifetime Sonnet
You Were There (Part 5)







Recent Comments