Prostitute ( Photo Credit: Calbuzz)

PROSTI, G.R.O, BABAENG BAYARAN o BABAENG MABABA ANG LIPAD, ang karaniwang tawag sa mga babaeng katulad nila. Nagtatrabaho sa isang masikip,madilim,mausok at puno ng iba’t ibang uri ng taong naghahanap ng panandaliang aliw o ligaya. Ang kanilang serbisyo ay may kaakibat na pera.  Kapag tini-table sila ng mga parokyanong punong-puno ng pera ang bulsa kahit hindi nila masikmura ang itsura, tuloy parin sila sa pagbibigay ng ligaya.

Kapag naman inilalabas sila at dinadala sa isang lugar na kung saan ay doon ginagawa nila ang serbisyong may katapat na malaking pera,  napapagod man sila at nasusuka pagkatapos ng pakikipag-dwelo sa kanilang mga customer,  ay hindi mo sila makikitang nalulungkot o nasasaktan o di kaya’y napapagod man lang. Sa kapal ng kanilang make-up,  dito nila ikinukubli ang tunay nilang nararamdaman at pagkatao. Ang mga babaeng katulad nila ay kadalasang minamaliit at tampulan ng tukso, nilalait at binabalahura. Sa tingin ng iba,  wala silang kwenta, salot sa lipunan at nakakahiya ang mga katulad nila.

Pero kung wala silang kwenta, bakit nga ba sila nakilala sa tawag na babaeng nagbibigay ng panandaliang aliw? Mababa ang lipad? Pero nakakalipad, nagbibigay ng aliw kahit panandalian lamang. Dapat ba talagang husgahan ang katulad nila? Laitin, mamaliitin at gagawing katawa-tawa ang kanilang pagkatao? Mga tanong na bumabagabag sa aking isipan.  Gustuhin ko mang malaman kung ano ba talaga ang pakiramdam ng isang katulad nila,  wala akong kakayanan na tuklasin ang totoong sagot sa aking katanungan. Dahil wala akong kaibigan o kilala man lang na katulad nilang nagtatrabaho sa lugar na kung saan madalas na pinupuntahan ng mga lalaking naghahanap ng panandaliang aliw. Ibig ko mang malaman ang kasagutan sa mga tanong na bumabagabag sa aking isipan.  Mas ninanais ko na lamang na ilagay ang aking sarili sa kanilang kinalalagyan.

Kaya’t tanong ko sa aking sarili, ”PAANO KAYA KUNG AKO SILA ? MAHIRAP BA MAGING KATULAD NILA?”

Ipinikit ko ang aking mga mata at nilawakan ko ang aking imahinasyon sa pamamagitan nito ako ay dinala sa lugar kung saan madalas natin silang nakikita. Sa mga beer house. Mausok at siksikan.  Magkahalong amoy ng alak, usok ng sigarilyo at iba’t ibang amoy ng taong lasing at ang iba sa kanila ay mga bangag na. Magkahalong ingay ng musikang pang-aakit, o ginagawang pampagana sa mga nag-iingay na customer.  Halos hindi na magkarinigan. Nakakabinging pag-uusap sa pagitan ng customer at bugaw,  mga taong naglalakad kasama ang  kanyang alagang babae na maganda,  sexy at magaling daw sa kama.

Nagmumukha kang pagkain na nilalako.  Tinataasan ang presyo, nanghihingi pa ng discount ang iba. Hati-hati kayo sa perang makukuha mo. Ang iba naman, magdamag na nakadilat ang mata sa paghihintay ng customer na kukuha sa kanila. Sa aking imahinasyon,  hindi ko makayanan ang ganitong sitwasyon. Sadya palang napakahirap ang maging katulad nila. Pambihirang buhay ang masadlak sa ganitong gawain, upang matugunan lamang ang kalam ng sikmura.  Kailangan mong sikmurain ang ganitong gawain. Nang dahil lamang sa kakarampot na kita,  pakapalan na lang ng mukha.

Kaya pala sa pagkakaalam ko at pagkakadinig sa mga nakalap na impormasyon sa iba,  ang tulad daw nila ay karaniwang gumagamit ng droga,  nagpapakalasing o di kaya’y tumitira muna at humihithit ng droga. Hindi rin natin masisi kung bakit sila nagkakaganito. Malamang, dahil sa hirap ng buhay at dala ng matinding pangangailangan,  kaya nila pinasok ang ganitong gawain. Kadalasan sabi nila, tamad daw ang katulad nilang walang mahanap na ibang trabaho, gusto ng madaliang pera. Pero hindi madali maging katulad nila. Walang tamad ang makakagawa ng trabaho na katulad ng sa kanila. Gising sa gabi,  puyat naman sa umaga.

Hindi lang sila nabibigyan ng pagkakataon na magbagong buhay, pero sa tingin ko,  marami sa kanila ang gustong magkaroon ng ibang trabaho. Gustong magbagong-buhay.  Ramdam kong may mga pangarap din sila. Para sa mga taong nanghuhusga sa kanila,  bago sana natin gawin yun o magbitiw ng mga masasakit na salita para sa mga tulad nila,  tumingin tayo sa salamin at tanungin natin ang ating sarili kung dapat ba talagang kamuhian sila? Pandirihan?  Laitin? Dapat ba talagang ipamukha sa kanila, na wala silang kwenta?

Sa mga asawang nanghuhusga,  bago mo sambitin ang salitang ”PUTA,” Sana maisip mo rin baka isang araw,  isa sa mga anak mo ay maging katulad nila, o malaman mo na lang na ang asawa mo ay isa sa mga naghahanap ng kanilang serbisyo. Panandaliang aliw habang ikaw ay wala. Habang tayo ay nakapikit at nagiging bulag sa katotohanan, dilat naman ang kanilang mga mata at uhaw ang kanilang mga kaluluwa at naghihintay ng iyong pang-unawa.

Habang tayo’y nakatindig at taas noong pinaninindigan ang ating mga prinsipiyo sa buhay, ang katulad nila ay habang buhay na nakayuko at paminsan-pinsan kang tinitingala dahil ikaw ay nakakaangat. Lahat tayo ay may karapatan dito sa mundong ibabaw. Dapat magkaroon ng pantay-pantay na pagtingin sa ating kapwa. Mahirap manghusga sa taong di natin kilala, at hindi magandang magpaka-BANAL ang taong hindi marunong mag-DASAL at walang magandang ASAL.

” Ang pagtanggap ay hindi paraan ng pagkukunsinte.  Ito ay bahagi ng pagiging tao. Sapagkat TAO din sila anng isinilang.  TAO din sana natin sila kung tratuhin. Hindi dahil nasasadlak sila sa ganyang gawain,  may karapatan na tayo na sila’y MALTRATUHIN.”