Photo Credit: A. Chavez)

Rrriiiiiiiiinnnnnnnnggggggggg….

Tunog ng alarm mula sa aking cellphone. Alas 3:30 am na pala. Kailangan nang bumangon at papasok na. Unahan kami sa shower room at 10 lang yun sa 48 na gagamit, yung iba nga sa may inodoro na naliligo, may bitbit na balde at tabo. Tapos mahina pa ang tubig dahil marami ang gumagamit. Nakakainis naman kung kailan nagmamadali tsaka pa sabay-sabay sa banyo.

Bihis na, dali, kahit gusot pa ang damit (‘di kasi uso ang plantsa), takbo na sa mess hall at kailangang magbreakfast…naku ang haba pa ng pila. Ano ? Sardinas na hindi ginisa at hardboiled egg ang ulam? Sige na nga, kaysa naman walang makain.

Bumubisina na ang bus…last trip na papuntang site…takbo bilis takbo baka maiwan kahit bagong kain. Buti na lang at nakaupo rin kahit sa dulo. Singhot singhot..ano ba naman itong ibang lahi, hindi na naman nakaligo, para tuloy akong masusuka. Konting tiis na lang darating na kami sa site.

Ayun nandito na kami sa bundy clock, pila ulit ng mahaba..malas ko naman 5:09am; hanggang 5:08am lang ang cut off, bawas na ang isang oras ko. Oo nga pala, may tool box meeting pa kami sa grupo ko..hala takbo ..naku nasita pa ako ng safety, kulang daw ang safety equipment ko, naiwan ko ang working gloves ko. Nilista ang pangalan ko at bibigyan daw ako ng warning letter. Nahuli lalo ako sa meeting, ayun napagalitan mg aming supervisor, hindi daw ako bibigyan ng overtime dahil late ako.

Heto na nasa trabaho kaso nalilito ako, may utos si leadman, tapos si foreman, si general foreman, si supervisor, pati si superintendent, lahat sabi siya ang unahin…anong akala nila, ako si Superman? Takbo dito, gawa doon, kumpuni diyan. Para akong manok na kumikilos na putol ang ulo. Teka, nauuhaw na ako, makainom ng tubig. Ano? Hindi pa dumarating yung igloo na may tubig?

Hay, salamat dumating na ang truck at nagbaba na ng igloo, makaiinom na ng malamig na….bakit ganoon walang lamig? Anong nangyari, eh pasensiya na po, hindi nakakuha ng yelo, mamaya pa ang dating. Tiis na lang, ano pa ba ang magagawa?

Oooppps…lunch break na, takbuhan sa bundy clock..pila..takbuhan sa bus…pila..pagdating sa mess hall….pila ulit. Ay sir..sorry ho, kinapos ang ulam..puwede, sardinas muna kasi matatagalan pa ang luto. Okey lang dahil kumakalam na ang tiyan. Makabalik na ng kuwarto na kahit ilang minuto makapagpahinga. Malas talaga, ayaw lumamig ang aircon. Bumusina na naman ang bus, aalis na at balik trabaho. Buong maghapon na naman na subsob sa trabaho at pagdating ng alas 5, uwian na..dahil wala daw akong overtime. Di bale at least may time akong magtext sa pamilya ko.

O asawa ko, kumusta na kayo? Heto, mahal ang bilihin, kulang ang perang padala mo na 20 mil, dami gastusin, pasaway si junior, si Kuya hindi pumapasok, si Ate lagi doon sa boyfriend niya, si Bunso iyak nang iyak dahil gutom, naniningil sa kuryente, ang renta sa bahay, yung bumbay sa mga appliances na inutang natin. Wala ka na bang maipadala? Buti ka pa diyan, walang problema, sarap ng buhay mo. Ako, lahat, nasa akin ang mga pasanin.

Sige..gagawa ako ng paraan..o ingat na lang kayo…love you. Naghintay..walang sagot..siguro wala ng load. Utang na lang ako doon sa may patubong 20% kada buwan…kawawa naman pamilya ko, para naman sa kanila ito kaya nga ako nag-abroad, ayaw ko silang mahirapan…baka ano pang isipin ng mga kapitbahay ko kapag nakita nilang mukhang naghihirap ang pamilya ko. Bahala na si Batman..bahala nang matambakan ng utang ..bahala na lahat, basta sila ay mabuhay nang maginhawa….BAHALA NA!