(Photo Credit: Iowagames.org)

Fast forward… autoplay… click

Ohh.. wow! Ganda niyan ah!

Siyempre magaling ako pumili.

Kamusta ‘yung iba n’yo pang nabili?

Di ko pa tapos ayusin lahat, medyo magulo pa, kalilipat lang kasi namin. Kaielan ka ba uuwi para mabisita mo naman ‘yung bago nating condo?

O, akala ko ba sa Alabang kayo lumipat ?

Di na, pinarentahan na lang namin, sayang naman kasi, sampu ‘yung rooms dun eh iilan lang naman kami. Dito na lang kami stay sa bago nating condo.

Alin ba dun?

Ano ka ba! Dito sa may condo natin sa Ayala kami nag-stay para malapit sa mall. Alam mo naman ‘yung dalaga natin, puro gala, di na nga ‘yan kumakain sa bahay, palagi na lang nasa mall kasama ‘yung mga barkada nya. Ayun, panay ang babad sa sinehan. Ilang beses pa pinanood ‘yung Alamat ng Passport The Movie, palabas na kasi sa sinehan.

Si Junior naman, binata na rin at medyo mailap na sa ‘kin, parang manok, bihira lang din sa bahay. Masyadong busy, dati puro karera ng kotse, ngayon naman nahilig sa karera ng kabayo, pinagalitan ko nga nung isang linggo dahil nakita kong may bago na namang kabayo, ewan ko ba sa anak mo’t nahilig sa ganyan, lahat na lang kinakabayo kahit maputik.

Pagsabihan mo nga ‘yang mga anak mo na medyo umiwas sa gastos, hindi biro ang mga perang pinapadala ko sa inyo, turuan mo mag-ipon. Ako nga ang daming kabayo dito, minsan gusto ko rin mangarera, pero kinakamay ko na lang para mas malaki ang mapadala ko sa inyo, isa pa, marami tayong hinuhulugan diyan sa ngayon.

Ano ka ba! Hayaan mo na ‘yung mga bata, diyan mo na nga lang sila napapaligaya, hayaan mo na sila sa mga luho nila.

Ikaw, kamusta ka naman diyan, ano’ng pinagkaka-abalahan mo ngayon?

Nahilig ako ngayon sa gardening, panay nga ang padilig ko every weekends, masarap pala magtanim sa mga lupa, masaya siya at satisfying lalo na tuwing binabasa ang mga bulaklak, kaya nga eto’t napapasubo ako sa ganitong libangan kahit madalas akong maputikan. O, teka, andiyan na pala si Mrs. Smith, may lakad pala kami.

O, saan na naman ang punta mo?

Magsho-shopping lang tapos deretso sa peryaan, magbi-bingo lang kami, maganda raw grand prize ngayon, yung bagong labas na kawali, stainless daw, uuwi rin naman kami pagkatapos, o, teka, eto yung panganay mo at kausapin mo’t aalis na kami, bye!

Hello, o ano? Paalis ako Dad.

Saan naman punta mo?

Kasama ko ‘yung mga barkada ko, maglalaro lang kami ng paint ball.

Ano ‘yun?

Heller, dad! Di mo alam ‘yun, ikaw kasi ang tagal mo nang hindi umuuwi dito. Paint ball, ‘yun yung nagtitirahan ng mga pangkulay, para lang kayong naglalaro sa putikan, ‘wag ka mag-alala mayroon namang proteksyon sa katawan kaya ‘di ako gaano masusugatan. Safe ako.

Mayroon bang ganung laro?

Oo naman, masaya ‘yun lalo na kung marami kayo, kainis nga lang kasi lagi kami talo, lagi kasi ‘kong tinitira sa likod.

Tama na nga ‘yan, tumawag pala sa akin yun principal n’yo, palagi ka raw absent at nang-aaway ng teacher, ikaw ha, magtino ka diyan sa eskuwelahan na yan at ako ang napapahiya sa mga ginagawa mo, matuto kang gumalang sa mga teacher mo.

Oo na, paulit-ulit mo na lang sinasabi sa kin na dati kang teacher dun at kakilala mo lahat ng teacher ko kaya dapat mag-aral ako nang mabuti, magtino, at gumalang sa kanila, kabisado ka na ‘yun. Epal lang kasi talaga minsan, lalo na kapag bagong teacher.

Kahit na, dapat gumagalang ka pa rin sa kanila.

Ginagawa ko naman eh! Minsan kasi nakakainis kapag maraming pinapagawa. Saka isa pa, binabayaran naman natin serbisyo nila kaya nga dun ako nag-aral, ang laki kaya ng tuition ko kaya dapat intindihin nila kami. ‘Pag ako nainis, ipapatanggal ko ‘yung mga epal na teacher sa school. Isang hirit ko lang kay ninang, pagbibigyan na ‘ko niyan, siyempre priority pa rin kami no!

Hay, naku ewan ko sa ‘yo. Asan ba si bunso?

Naku, wag mo na tanungin sa’kin ‘yung putik na ‘yun, kaaway ko ‘yun. Baka lasing na naman ‘yan, putik siya! Puro alak na lang laman ng bituka, alam mo Dad, nag-aadik pa ‘yan, nahuli kaya ‘yan ni Mommy sa kuwarto niya. Dapat  ‘yun ang pagsabihan mo dahil ako, good girl ako.

Tooot… tooot… ayan na, umpisa na… putik!