Audrey hepburn nun (Photo credit: Asksistermarymartha.blogspot.com)

Audrey hepburn nun (Photo credit: Asksistermarymartha.blogspot.co

Palalim nang palalim ang gabi. Makauwi na, baka hinahanap na ako ni Nanay. Tamang-tama; natapos na din ang sulat ko para kay Jenny. Ihuhulog ko na bukas ng umaga.

Kinaumagahan, inihulog ko na yung sulat ko para kay Jenny. Umabot ng isang buwan akong naghihintay ng sulat na manggagaling sa kanya.

Isang hapon, pagod na pagod akong galing sa trabaho. Bago pa ako makapasok ng bahay, sinabi na ng mama ko na may sulat ako galing Canada. Natuwa ako at nasabik na mabasa iyon. Tinanong ko agad ang mama ko, kung nasaan yung sulat, kinuha ko at dumiretso ako sa kwarto ko pra doon ko babasahin. Hindi maipaliwanag na ngiti ang nabubuo sa aking mga labi, noong makita ko na galing nga kay Jenny ang sulat na para sa’kin. Binuksan ko agad ito at binasa ko.

 Dear Iceburn,

Napalibutan ng katanungan ang madilim na mundo ko. Kasama ang mga katanungan mo na hindi ko malaman kung saan ko huhugutin ang isasagot ko. May mga bagay-bagay na humaharang sa matuwid na dinaraanan ko. Na kahit anong pilit ko na ihakbang ang kanang paa ko, hinihila naman ako ng mapait at masakit na sinapit ko.

Mga pangako mo lang ang naging lakas ko, para manatili at malabanan ang kalungkutan dito sa malayo. Umalis ako at iniwan kita noon, pero binaon ko naman ang pangako at pagmamahal mo.  Magkalayo man tayo, lagi ko naman katabi ang larawan at mga sulat mo. Natanggap ko yong huling sulat mo.  At balak kong sagutin noon yon pagkauwi ko galing sa trabaho. Para maintindihan mo kung bakit hindi ko na nasagot ang sulat mo, basahin mong mabuti ang kuwento ko.

Sa hospital kung saan ako nagtatrabaho, mayroong sa aking nanligaw at nagkagusto. Isa din siyang nurse katulad ko. Makulit at mapilit siya kahit na hindi ko pinapansin. Pero kahit gaano siya kakulit, hindi niya ako napasuko sa pagiging tapat ko sa ’yo. Minsan, hinahatid niya ako sa apartment na tinutuluyan ko.  May sarili kasi siyang sasakyan at nadaraanan din niya ang tinutuluyan ko.

Setyembre 10, 1991, martes ng gabi. Ang petsang hindi ko malilimutan.  Alas diyes ng gabi noong makauwi ako galing trabaho. Dahil sa sobrang pagod ko ay dumiretso ako sa kuwarto at nahiga, nakatulog nang hindi namamalayan.

Hindi ko pala nailock ang pinto ng aking apartment. Kaya nakapasok ang demonyong katrabaho ko.  Hindi ko na maalala ang lahat ng nangyari noon. Pinilit kong lumaban, pero masyado siyang malakas para sa tulad kong isang babae.  Sumigaw ako noon, pero tinakpan niya ang bibig ko ng panyo. Hanggang sa ako ay nahilo.

Wala na ang demonyo noong magkamalay ako. Wala na din ang isang bagay na iniingatan ko na iaalay ko sana sa ’yo. Nagdilim na ang mundo ko noon. Hindi ko na alam ang mga nangyayari sa paligid ko. Lumabas ako at naglakad papalayo. Hindi ko alam kung saan ako tutungo, nawawala ako sa sarili ko. Hanggang sa bigla na lang huminto ang mundo ko, nawalan na ako ng malay.

Nang magising ako ay nasa loob ako ng pagamutan. At isang madre ang nagbabantay sa akin. Sinabi niya na nabunggo niya ako. Tinanong niya ang pangalan ko at ng aking pamilya. Kung taga saan ako. Pero hindi ko maalala kung sino ako. Kung taga-saan.  Kung anong nangyari. Pinatira ako ng mabait na Madre sa monastery, inalagaan at itinuring na kapamilya niya. Doon ako nanatili habang nagpapalakas ng katawan.  Dahil nga sa ‘di ko maalala ang pangalan ko, binigyan nila ako bagong pangalan.

Monica, iyan ang ipinangalan ng madre sa akin. Bagong pangalan, bagong buhay, bagong pamilya,  bagong mundo. Sa pananatili ko sa tirahan ng mga madre, nag-iba ang aking pananaw, nag-iba ang paniniwala at nag-iba na rin ang layunin ko sa buhay. Naimpluwensiyahan nila ako, pinangaralan, tinuruan at naging katulad din nila.

Pagkaraan ng napakahabang panahon, bumalik din ang aking alaala. Pero dahil sa pait ng sinapit ko noon, pilit ko na itong kinalimutan. Ayaw ko nang balikan pa ang dating ako. Ayaw ko nang balikan pa ang sakit na dulot ng kahapon ko. Masaya na ako sa bago kong buhay.  Masaya na akong kapiling ang mga bago kong pamilya.  Masaya na akong nagsisilbi sa Panginoon.

Wala na ang dating ako. Wala na si Jenny na minahal mo. Wala na ‘yung kasintahan mo na umalis nang buong-buo. Wala na ‘yung kasama mo noon na bumuo ng mga pangarap. Wala na ‘yung nangako sa ’yo na babalik upang ipagpatuloy ang iniwan niyang pagmamahalan n’yo.

Oo, babalik ako ng Pilipinas.  Babalik ako diyan, pero hindi para sa’yo.  Babalik ako diyan para sa Panginoon.  Para sa isang misyon.  Ako kasi ang napiling ipadala diyan. Para ikalat ang magandang balita. Para ipakilala at ilapit ang Panginoon sa mga malalayo sa kanya.

Huwag mo nang hintayin si Jenny dahil hindi na siya darating.  Si Sister Monica ang darating. Bagong pangalan, bagong buhay at bagong anyo. Ngunit ang pagmamahal ko sa ’yo ay hindi nawala. Mayroon pa ngang naidagdag.  At iyan ang Panginoon.  Mahal kita, ngunit hindi na bilang kasintahan. Kundi bilang kapatid. Dahil iisa ang ating ama. At walang iba kundi ang Poong Lumikha.

Laging nagmamahal kasama ang Panginoon,
Sister Monica

Nagmistulang talon ang dalawang mata ko pagkabasa ko sa sulat ni Jenny. Hindi na halos ako makakita dahil umaapaw na ang luha mula sa mga mata ko. Nagdilim ang paligid ko. Nanghina ako. Ang sakit-sakit naman ng sinapit ko. Hindi ko na alam noon ang aking gagawin. Nagkulong ako sa aking kuwarto. Hindi na ako kumain noong gabi na iyon. Tinatawag ako ng mama ko, pero sinabi ko na busog ako. Hindi din ako nakatulog.

Noong naramdaman kong tulog na ang mga magulang at kapatid ko, lumabas ako ng bahay. Hatinggabi na iyon. Tapos, tumakbo ako nang tumakbo nang tumakbo. Kung saan-saan ako nakakarating. Pinagod ko nang pinagod ang sarili ko. Hanggang sa hinang-hina na ako at hindi na makatakbo pa. Umupo ako ng mga ilang minuto. Noong medyo nakakuha na naman ako ng lakas, tumakbo ulit ako. Hanggang sa makarating ako sa isang nilayasang-kubo, doon sa malayong-malayong lugar sa ’min. Doon ako nanatili at nagpahinga.

Masama na ang pumapasok sa isipan ko noon. Gusto ko nang pigilan ang aking paghinga. Gusto ko nang tapusin ang buhay ko. Habang nakaupo ako at malalim ang iniisip doon sa kubo na iyon, may napadaan na isang matandang lalaki. Madumi ang damit, madungis ang itsura, may buhat-buhat siyang isag bulig ng saging. Parang pagod na pagod na siya. Napahinto siya sa harapan ko, at tinanong kung may tubig daw ba ako. Nauuhaw daw siya. Tinignan ko sa loob ng kubo kung may tubig ba doon, wala akong nakita kaya sinabi ko sa matanda na wala. “Hindi ka tagarito no?” Tanong ng matanda sa ’kin, nahalata niya yata ako.

Nararamdaman niya daw na may mabigat akong dinadala. Hindi ako nakapagsinungaling sa kanya. At dahil para bang may bumubulong sa ’kin na kuwentuhan ko siya, ganun nga ang ginawa ko. Ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari. At ito ang sinabi niya sa’kin.

“Pangarap, pagsubok, pangako, paglimot at pagkakabigo. Minsan, ganyan ang pag-ibig, hindi mo alam kung hanggang saan, hindi mo alam kung hanggang kailan. Hindi mo alam kung sino ang nakatakda para sa ‘yo. Hindi mo alam kung ano ang nakatakda para sa ‘yo. Ano mang pagsubok ang dadaan sa buhay mo, maging matatag ka lang. Binigay lang sa ‘yo ng Panginoon ang mga bagay na ‘yan para sukatin kung hanggang saan ang iyong kakayahan. Lumaban ka, magtiwala at manalig sa Kanya. Magtiwala ka sa iyong sarili, magtiwala ka sa iyong kakayahan, dahil hindi naman Niya ibibigay sa ‘yo ‘yan, kung alam Niyang hindi mo malalagpasan.”

“Umuwi ka na, siguradong nag-aalaa na ang iyong ama at ina. Siguradong hinahanap ka na nila ngayon. Huwag mong pahirapan ang sarili mo, gayun din ang mga magulang mo. Huwag kang mag-alala, lilipas din ang lahat ng sakit na nararamdamn mo ngayon.”

Natauhan ako sa sinabi niya, na-realize ko na dapat ko nga itong labanan, dapat nga akong maging matatag. Sabay kaming umalis sa kubo na iyon. Naghiwalay kami dahil hindi pareho ang daanan namin pauwi. Nalimutan ko palang magpasalamat sa matanda. Noong lingunin ko siya upang pasalamatan sana, wala na siya. Kaya nagpatuloy na lang ako sa paglalakad, pauwi sa ’min.

Mula noon, hindi ko na natutunan ang umibig pang muli. Naging sarado na ang puso ko at hindi na natingin sa mga babae noon. Hindi ko alam, pero para bang nawalan na ako ng ganang magmahal noon. Naging isa ako sa mga hindi nangarap at naghanap ng babaeng makakasama sa kanilang pagtanda. Kaya heto ang sinapit ko, singkuwenta anyos na ako sa susunod na buwan. At may isang bagay nang hindi ko maitatanggi, isa na akong matandang binata.

Wakas.