where is the love (Photo Credit: blog.galvintan.com)

Unlimited text si Angeline, ka-reregister lang. nagpapaka-busy na naman siya sa katetext sa kung sinu-sino. Ang laman ng mensahe niya? “Kamusta? Puwedeng makipagtextmate?”

Kkung kani-kanino niya iyon isinend. Nanghula lamang siya ng mga numbers at yun na yun. Tatlo lamang sa labing-anim niyang tinext ang nagreply. Ang isa ay may asawa na, paliwanag sa kanya. Ang pangalawa ay pulis daw, pero tumawa ng hahaha. Ang panghuli naman ay. . . . .“NASL please!” Ang reply sa kanya.

Kumabog nang malakas ang dibdib ni Angeline. Muli, kinabahan siya. Sinagot n’ya ang tanong ng nagtext. “Angeline, 23, Female, Quezon City. You? NASL Please!”  

Mukhang tanga lamang si Angeline na nakatitig sa screen ng kanyang cellphone habang hinihintay ang magiging sagot nito sa kanya. “Jimmy, 24, male, Quezon City.”

“Saan ka sa Q.C.?”  tanong agad ni Angeline.

“Sa Proj. 6, Quezon City, ikaw?”  sagot naman ni Jimmy.

“Ah, talaga? Dito ako sa Anonas, malapit sa Aurora Boulevard, way patungong EDSA, Cubao.” Matapos nilang makapagpakilala sa isa’t isa, inamin ni Angeline ang tunay niyang hitsura.

Sinabi niyang hindi siya maganda, maraming taghiyawat sa noo, payat, maitiim, bulag ang isang mata, sakang at bungi. Ngunit, mabuti siyang tao at may busilak na kalooban, sabay tawa. Maaga n’yang ipinagtapat ang mga iyon, dahil natuto na siya sa nakaraang chapter ng buhay niya. Ayaw na niyang muli pang maranasan ang pagsisisi sa huli, mabuti nang sa umpisa pa lamang ay malaman na niya ang katotohanan.

At least, kahit hindi niya magustuhan si Angeline, hindi pa siya lubhang masasaktan. Maaari pang magawan ng paraan at maagapan. Ang naging problema lang, hindi naman naniniwala sa kanya si Jimmy. Pinagtatakpan lamang daw ni Angeline ang tunay niyang kagandahan, nagpapaka-humble lamang daw siya. At dahil doon, mas lalo siyang nagugustuhan ni Jimmy.

Dumating na ang araw na pinakahihintay, ang kanilang pagkikita. Nakablusang bughaw na may ribbon sa balikat si Angeline, nakalugay ang mahaba, makintab at tuwid nitong buhok, may tamang lapat ng make-up sa mukha, pantalong medyo fitted sa kanyang hita pababa at flat na sandals. Nakatalikod siyang nakatayo sa may entrance ng isang mall sa Quezon City habang naghihintay sa pagdating ni Jimmy. Ibinilin niyang nasa labas siya ng entrance ng main mall, naka-blue, nakalugay ang mahabang buhok at may dalang shoulder bag na kulay pink.

Limang minuto na ang nakalipas simula nang takdang oras ng kanilang pagkikita, late si Jimmy. Papalapit na siya sa entrance ng mall nang matanaw niya ang isang babaeng umaakma sa paliwanag ng ka-text na si Angeline. Naka-blue ang babaeng iyon, mahaba ang buhok at may shoulder bag na nakabitin sa kanyang balikat. Kasalukuyang nakatalikod si Angeline, hinihintay ang pagdating ni Jimmy.

Kung gugulatin ba siya nito o sosorpresahin? Hindi pa niya alam. Patawid na sana si Jimmy ng kalsada nang biglang may pumaradang isang magarang kotse sa kanyang harapan, hindi siya agad nakatawid, hinintay niya pa munang umandar ang sasakyang iyon bago s’ya lumakad. Nang umarangkada na iyon, nakahanda na siya sa paghakbang. Subalit bigla siyang napahinto at napatalikod nang biglang humarap ang babaeng kanina niya pa pinagmamasdan.

Suwerteng hindi siya nito nakita kaya nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad papalayo sa main entrance. Si Angeline ang nakita niya. Hindi siya makapaniwala sa kanyang ginawang katangahan. Kung bakit ba hindi siya agad naniwala sa mga ipinaliwanag ni Angeline tungkol sa kanyang hitsura. Simula noon, hindi na nagpakita pa si Jimmy kay Angeline.

Mahigit dalawang oras at kalahati ring naghintay doon si Angeline, nagbakasakaling darating pa rin si Jimmy kahit late na.  Halos pagbahayan na nga siya ng mga alikabok at usok ng mga sasakyang nagdaraan, pero wala siyang nasilayang katagpo. Inindian siya ni Jimmy. Late na ito nang magtext sa kanya, wala na raw dahilan para magkita pa sila.

“Dahil ba sa aking hitsura?” sagot niya kay Jimmy. Hindi na ito nagreply pa sa kanya. “Tulad ni Christian, pareho lang sila, mga manloloko.” Sambit niya sa hangin. Muli n’yang naramdaman ang sakit noong una siyang umibig kay Christian. “Bakit ba ang bilis kong umibig sa tao? Tanong niya sa kanyang sarili. “Ang bilis-bilis kong maniwala sa matatamis nilang sinasabi? Dahil ba hanggang ngayon ay hindi pa rin ako natututo? O baka naman wala lang talaga akong alam sa ganitong larangan kaya palagi akong naloloko? Pagpapatuloy niya habang nakatitig sa dumidilim na kalangitan.

Kasabay ng kanyang pagiging malungkot ang biglaang pagdilim ng paligid. Lubos ang kanyang pagdaramdam dahil sa nangyaring kabiguan. Dinamayan ng kalangitan ang kanyang matinding kalungkutan. Kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha ang biglaang pagbuhos ng malakas na ulan. Hindi niya iyon nagawang pigilan, hinayaan na  lamang niyang bumalong ang likidong iyon upang maibsan kahit pansamantala ang sakit sa kanyang puso at isipan.

Humikbi siya, kahit pinagtitinginan na siya ng mga taong nagdagsaan sa kanyang kinatatayuan upang makisilong at maghintay sa pagtila ng ulan. Nanatiling nakatindig si Angeline sa kanyang kinatatayuan habang bahagyang nadadanggil ng iba ang kanyang nanginginig na katawan, wala siyang pakialam, tanging sarili lamang niya ang kanyang nakikita sa lugar na iyon. Tulala, nag-iisa at lumuluha. Tunay ang kanyang pagdaramdam, kahit simpleng bagay lamang iyon, masakit pa rin iyon para sa kanya. Dahil nga nagmamahal siya, at mabilis s’yang umibig sa lalaking nagbibitaw ng mga salitang kaiga-igaya para sa kanya.

Kahit malakas ang ulan, nagpasya siyang umalis at magpakabasa na lang. damang dama niya ang malalaking patak nito sa ulo, balikat at likod, masakit! Pero hindi niya iyon iniinda, nagpatuloy lamang siya sa paglalakad patungong sakayan sa kabilang kalsada. Basang-basa na siya ng ulan at wala siyang balak na huminto sa kanyang ginagawa. Pinagtitinginan na rin siya ng mga mga taong sa wari’y naaawa rin naman sa kanya.

Napahinto sandali si Angeline nang maramdaman niyang tila hindi na niya nararamdaman ang mga patak, nagtaka lamang siya dahil naririnig niyang patuloy lamang sa pagbagsak ang malakas na ulan. Pinakiramdaman niya ang paligid, napatingala, at nakita niya nga ang isang malaki at makulay na payong na sumasalag sa bawat bagsak ng ulan.

Marahan niyang nilingon ang taong nasa kaliwa niyang bahagi, lalaki. Walang reaksyon ang mukha nito, hindi masaya, hindi malungkot, hindi takot, at hindi rin naman galit. Wala lang, parang isang bagong gising na gusto pang ipagpatuloy ang kanyang paghimbing. Nakatitig lamang ito kay Angeline, napatitig na rin siya sa lalaking ekstranghero. Matagal silang nagkatitigan, naputol lamang iyon nang marinig ni Angeline ang malalakas na busina ng mga sasakyang halos nagkabuhol-buhol na dahil sa kanilang pananatili sa gitna ng kalsada.

Nagmadali silang dalawa sa pagtawid, hawak ng lalaki ang payong,  napasigaw si Angeline nang biglang hampasin ng malakas na hangin ang dalang payong ng lalaki, dahilan upang mapahawak na rin siya rito. Sa hindi inaasahang pagkakataon, kamay ng lalaki ang kanyang nahawakan sa halip na ang tangkay ng payong. Napabitiw siya agad rito at inilipat sa payong ang pagkakahawak. May kung anong imahinasyon ang biglang naglaro sa kanyang isipan noong sandaling iyon, may konting kurot at pagkabuhay ng loob.

“Napakabait naman ng lalaking ito, hindi niya ako kilala pero nag-aalala siya sa akin. Salamat sa kanya, kasi kanina ang lungkot-lungkot ko, pero ngayon, medyo naging magaan na ang pakiramdam ko. Feeling ko, bigla- bigla na lang akong na-comfort ng taong ito. Sino ba ito? G’wapo siya, pero katulad rin kaya siya nina Christian at Jimmy na tagapagpaasa ng tulad kong hindi maganda? Hindi naman siguro, baka mabait naman siyang tao, tinulungan niya nga ako eh. Baka isa siyang tagapagligtas? Saviour ba? Saviour ko? Di ba sa fairy tale, may pangit na biglang gumaganda dahil sa halik ng poging Prince Charming? Siya na ba ‘yon? Siya na ba ang magpaparamdam sa akin ng tunay ng kahulugan ng PAG-IBIG?”