where is the love? (Photo Credit: blog.galvintan.com)

Abala si Angeline sa pagbabasa ng kanyang natanggap na text mula sa kanyang ka-textmate nang dumating ang kaibigan n’yang si Lovely na pasimpleng sinusubok ang kanyang ginagawa.

“Ano yan?”  biglang hila sa hawak hawak nitong cellphone. Mabilis na napasigaw nang malakas si Angeline habang pilit na binabawi sa kanyang kaibigan ang inililihim n’yang bagong pag-ibig, patuloy naman sa pagbabasa ng unang talata si Lovely habang inilalayo ang cellphone sa kaibigang patuloy sa pagmamakaawang h’wag n’ya itong pakialaman at h’wag basahin, dahil ang totoo’y nahihiya siya sa kanyang sarili.

 Hi Angel, namiss kita agad. Masaya ako’t sinasagot mo ang mga text ko. Alam mo, kahit sa text pa lang kita nakikilala, nararamdaman kong napakabait mong tao.  S’ya nga pala, natanggap ko na sinend mo sa aking picture,  siguro mas maganda ka sa personal?

Mapang-asar ang paraan nang pagbabasa ni Lovely sa text message ng isang lalaking hindi n’ya pa nakikilala, hinigpitan pa n’ya ang pagkakahawak dito nang sa ganoon ay hindi ito maagaw sa kanya ni Angeline. Itinaas niya ang kanyang kamay, tumingala, at nagpatuloy sa pagbabasa. Kailan ba tayo magkikita? Sabi mo, malapit ka lang sa Plaza? Sa Linggo na tayo magkita, please. Para diretso simba na rin tayo, ililibre kita, ano bang gusto mo? “at sino naman si Christian aber?”  Unang tanong ni Lovely. “Saan mo naman nakilala ang lalaking ‘yan?” Pangalawang tanong.  Ilang taon na s’ya? Pangatlong tanong. “G’wapo ba ‘yan?” Pang-apat. “Boyfriend mo na ba s’ya? Ha?” Panglima. “Makikipagkita ka ba sa kanya sa Sunday?” At huling tanong, tumahimik lamang saglit si Angeline habang pinanlalak’han ng mga mata ang kaibigang mausisa. “Nanliligaw pa lang s’ya sa akin, Lovely, kaya walang kami.” Tangi n’yang sagot sa mga tanong ng kaibigan.

 “Eh sino nga ba si Christian?” muling usisa ni Lovely. Nakipagtitigan muna si Angeline sa kanyang kaibigan at nginitian nang makahulugan bago inamin ang katotohanan. “Textmate ko lang, binigay ng dati kong kaklase yung number n’ya sa akin. G’wapo daw kaya tinext ko.” Paliwanag n’ya.

“Sabi n’ya, maganda ka raw? Lalo na siguro sa personal. Manloloko ang lalaking iyon, paano naman magiging maganda ang babaeng maraming tagihawat sa noo, payat, maitiim, bulag ang isang mata, sakang at bungi?” Panlalait ni Lovely. Totoo ang mga sinabi n’ya, marami ngang taghiyawat sa noo si Angeline, malnourished, negra, may diperensya ang kanang mata, may pagkasakang kung maglakad at bungi-bungi ang ngipin.

May lakas ng loob si Lovely na sabihin nang harap-harapan ang mga iyon dahil tunay na kaibigan ang turing n’ya kay Angeline. Balewala na rin naman kay Angeline ang mga iyon, tanggap n’ya sa kanyang sarili na ganoon nga ang tamang pagpapakilala sa tulad n’ya. “Pangit ako” parati n’yang sambit sa sarili sa tuwing haharap s’ya sa salamin. “Pero maganda naman ang aking kalooban.”  Oo, totoo iyon, napakabait n’yang babae kumpara sa nakararaming magaganda.

 “Pero, best, h’wag ka sanang magagalit sa akin ha. Sinabi n’yang maganda ako kasi picture mo ang sinend ko sa kanya. Sorry talaga” Biglaan n’yang paliwanag sa kaibigan. “Naku! Alam ko na ‘yan sis, hindi ako magagalit sa’yo. Ano? Magpapanggap ba akong ikaw para sa kanya? makikipagkita ba ako sa kanya sa linggo bilang proxy mo? Bilang ikaw kunyari? Napanood ko na ‘to sa tv eh, maraming beses na. I-kwento mo sa akin ang lahat ng napag-usapan n’yo para hindi tayo mahuli, ok? Gusto mo lang namang maranasang kiligin at umibig kaya mo ito ginagawa diba?” Napalingon sa kanya si Angeline dahil sa sinabi nito, bahagyang nasaktan noon si Angeline. Hindi dahil sa mapanlait na mga salitang iyon, kundi dahil alam n’ya sa kanyang sarili na walang lalaking magkakagusto sa kanya, dahil sa kanyang hitsura. At ang tanging paraan lamang upang maging masaya s’ya ay ang pagtakpan ang katotohanan, magsinungaling sa sarili, at magpanggap sa katawan ng iba.

 Linggo ng hapon, alas kuwatro, sa Plaza, sa tapat ng simbahan, nakatayo at nakasandal sa bakod ng maliit na fountain ang magkaibigang handa nang makipagkita kay Christian. Mapupunang si Angeline ang tunay na kinakabahan, s’ya naman kasi dapat ang haharap sa lalaki dahil s’ya ang tunay nitong kapalitan ng mga text messages. Pero wala s’yang lakas ng loob upang ipakilala ang kanyang sarili, kaya tinanggap na lamang n’ya ang katotohanan na sa mga oras na iyon, hanggang titig lamang ang kanyang magagawa mula sa malayo habang kausap ng kaibigang si Lovely ang lalaking mabilis n’yang inibig kahit sa text lamang. Ipinakilala naman ni Lovely si Angeline kay Christian, nag-hi si Christian sa kanya, nangumusta, nakipagkamay, nagpakilala sabay baling ng tingin kay lovely. Patagong kinilig lamang si Angeline noon sabay takip ng kapiraso ng bandana sa kanyang nagpapawis na noo. Ramdam niyang si Christian nga ang lalaking iyon, ang ka-text n’ya mula pagkagising hanggang bago matulog. Masaya para sa kanya ang araw na iyon, pero hindi maalis sa kanyang isip ang pagsisisi. Siya dapat ang kausap ni Christian, hindi si Lovely. Siya dapat ang tumatawa nang malakas, hindi si Lovely. Siya dapat ang tunay na Angeline,  hindi si Lovely.

 Takot siyang aminin ang katotohanan, dahil baka bigla na lamang itong maglaho at hindi magpakita. Subalit nang magkabukingan na nga, ganoon nga ang nangyari. Inamin ni Lovely ang totoo kay Christian noong minsang napadpad ito sa bahay nila Angeline. Ipinagtapat n’yang si Angeline ang tunay na Angeline at hindi s’ya. Sinabi pa nitong matagal na s’yang iniibig ng kanyang kaibigan. Hindi natanggap ni Christian ang mga paliwanag ni Lovely, nagalit ito. Ipinamukha n’yang sinungaling silang dalawang magkaibigan. Na pinaikot-ikot lamang s’ya at pinagkakaisahan.

“Sino kayo para gawin ang mga ito sa akin? Maayos akong nagpakilala sa inyo, naging totoo ako. tapos lolokohin n’yo lamang ako?” hinaing ni Christian.

“Pero Christian, hindi namin intensyon ang nangyari, wala kaming masamang balak sa iyo.” Paliwanag ni Lovely. Sa mga sandaling iyon ay tahimik lamang sa tabi si Angeline habang kunyari ay nakikipagtext sa kung sino, pero ang totoo’y hindi naman. Kinakabahan s’ya sa mga sinasabi ni Christian, aminado s’yang kasalanan n’ya ang lahat lahat.

“Gusto lamang ni Angeline na. . . “ Hindi na naipagpatuloy ni Lovely ang kanyang sasabihin nang bigla muling nagsalita si Christian. “Hindi ko pala kayo mapagkakatiwalaan, sa umpisa pa lang. Ayaw ko sa mga taong sinungaling, LALO ka na.” Sabay turo sa nakaupong si Angeline. Biglang nanginig si Angeline dahil sa panduduro sa kanya ni Christian. Naiyak na lamang s’ya nang tuluyan nang umalis ang lalaking kanyang iniibig, walang lingon lingon, walang paa-paalam.

 Lubha s’yang nasaktan sa nangyari, ipinangako n’ya sa sariling hindi na muli siyang iibig pa. Mabilis n’yang nakalimutan si Christian tulad ng kanyang nararamdaman. Itinatak na lamang n’ya sa kanyang isipan na isa lamang iyong pagsubok sa buhay na kailangang pagdaanan ng sinuman. Ipinagpatuloy n’ya ang kanyang buhay, masaya kahit walang minamahal. Masaya, dahil may kaibigan naman s’yang laging nandiyan at handang dumamay, si Lovely.

 Unlimited text si Angeline, ka-reregister lang. Nagpapaka-busy na naman s’ya sa katetext sa kung sinu-sino. Ang laman ng mensahe n’ya? “Kamusta? Puwedeng makipagtextmate?” kung kani-kanino n’ya iyon isinend. Nanghula lamang s’ya ng mga numbers at yun na yun. Tatlo lamang sa labing-anim n’yang tinext ang nagreply. Ang isa ay may asawa na, paliwanag sa kanya. Ang pangalawa ay pulis daw, pero tumawa nang hahaha. Ang panghuli naman ay. . . . .“NASL please!” Ang reply sa kanya.

(may karugtong po….)