No License (Credits: .inonit.in/blog)

Pauwi na ko kanina galing sa pagbili ng gamit sa malapit na mall, nang tumunog ang cellphone ko. Isa sa dating students ko ang tumatawag, naging malapit naman siya sa akin kaya hindi na ako nagtaka na tumawag siya. Sinagot ko ang tawag niya, at isang nanginginig na boses ang bumungad sa akin.

“Sir! Hindi po ako pumasa sa board!”

Hindi agad ako nakakibo. Hindi ko kasi alam ang tamang salita na sasabihin ko sa kanya. Nag-usap pa kami sandali, siya na rin ang kusang nagpaalam dahil ayon sa kanya, tatawagan pa niya ang Mama niya na nasa ibang bansa. Pagdating sa bahay, dali-dali akong nagbukas ng FB, sigurado ako, na dito sa site na ito, mabilis kong malalaman kung sino-sino ba ang dapat kong batiin ng “congratulations”.

At tulad ng dapat asahan, punong-puno ang news feed ng balita tungkol sa Nursing Board Exam. Madami ang natuwa, dahil natupad ang hinihiling nila, pero mas madami ang hindi pinalad.

Bilang isang instructor, nagiging mahirap din para sa akin kapag sumasapit ang ganitong pagkakataon. Alam ko kasi ang buhay na pinagdaanan ng bawat estudyante ko, alam ko ang hirap nila, ang pagtitiyaga. Alam ko ang pagsasakripisyo ng magulang nila, at alam ko din kung gaano ang takot nila sa pagharap sa isa na yata sa pinakamahirap na pagsusulit para sa mga taong nagnanais maging propesyonal.

Tuwang–tuwa ako kapag may nakikita akong pangalan ng nakapasa, naiisip ko, sa wakas, magsisimula na silang tumupad ng pangarap nila. Sa wakas, buong pagmamalaki nilang maiaalay sa magulang nila ang nakuha nilang tagumpay. At sa wakas, luha na ng kaligayahan ang ibibigay nila sa kanilang mga magulang. Pero sa bawat pangalan na hindi ko nakikita, nalulungkot ako, na parang bahagi ng pagkatao ko bilang tagagabay nila ang nabigo, na may parte sa akin ang nanghihinayang.

Alam kong wala akong karapatan na sabihing naiintindihan ko ang pakiramdam ng mga hindi pinalad.  Hindi ko yun maiintindhan kahit kailan. Kahit pa sabihin na magkamukha ng sitwasyon ang dalawang tao, hindi ito kasiguraduhan na magkamukha sila ng mararamdaman. Para sa mga hindi pinalad, hayaan ninyo na ako ang magsulat ng mga bagay na hindi ninyo mabanggit sa iba ng harapan. Hayaan niyo na magbahagi ako ng ilang kaisipan na maaring magpagaan kahit kaunti, sa sitwasyon ninyong kinalalagyan.

Huwag na nating tanungin kung ok ba sila, dahil hindi sila ok. Masakit sa kanila ang nangyari lalo at masakit din yun sa mga taong nagmamahal sa kanila. Mahirap kasing tanggapin na nabigo mo ang mga taong pinapahalagahan mo, masakit at malungkot.  Pwede kang umiyak, wala namang masama. Pakawalan mo lahat ng panghihinayang at disappointment. Huwag kang masyadong magalit sa sarili mo. Tamang tanggapin mo na may pagkukulang ka, tanggapin mo na di pa sapat ang ginawa mo, dahil sa pamamagitan noon, maaring maging handa ka ulit sa pagsubok sa susunod na pagkakataon..

Huwag ikumpara ang sarili sa iba. Magkakaiba ang tao. Magkakaiba at may kanya-kanya tayong pagkakakilanlan. Mas maganda na sa panahong ito, mag-ipon ka ng tapang at lakas na tanggapin ang katotohanan, mahirap talaga, pero kailangan tanggapin at kayanin.  Dahil wala namang ibang paraan para harapin ang sitwasyon na kinalalagyan mo ngayon.

Huwag nang isipin pa kung ano ba ang ginawang pagkakamali. Hindi na ito ang oras nang sisihan. Para sa akin, wala kang ginawang mali. Maaring may kulang o sobra kang ginawa, pero walang mali. Hindi lang siguro sakto yung timpla ng paghahanda mo para sa exam mo. Hindi bale, may kasunod pa naman. At least, nasubukan mo nang timplahin yung sarili mo, may ideya ka na panu ang gagawin mo sa susunod.

Wag mong kakalimutan na sa gitna ng pagkabigo na nararamdaman mo, may mga tao pa ding walang tanong na handang tumanggap sa iyo. Mga taong hindi marka o grado sa paaralan, o score sa exam ang basehan para mahalin at tanggapin ka. Sa bawat sitwasyon na kakabilangan mo, tandaan mo na pamilya at totoong kaibigan ang mananatili sa panig mo. Huwag mong pasaning mag-isa ang dinadala mo, hayaang mong mapalibutan ka ng mga taong nagmamahal sa iyo. Ano man ang mangyari, hindi magbabago ang tingin nila sa iyo.

Panghuli, huwag kang mawawalan ng tiwala sa Panginoon. Sa lahat ng pangyayari sa buhay mo, tandaan mo na may plano siyang nakalaan para sa ’yo.

Remember that God answers our prayers in three ways, He says yes and gives you something good… He says no, and gives you something better…. He says wait, and gives you the best…

Tatagan mo lang, dadating din ang panahon na para sa ‘yo, wag ka lang susuko…”