Man sitting om the beach (Photo credit: lonelyplanet.com)

Man sitting om the beach (Photo credit: lonelyplanet.com)

Pagkalipas ng maraming taon.

Hindi lahat ng umaga na dumarating ay may hatid na saya. Hindi lahat ng pagsikat ng araw ay maliliwanagan ka. Dahil kahit gaano kaliwanag ang paligid mo, magdidilim din yan kapag uulan na.

Tulad na lang ng ngiti na dati ay madalas mong makita sa mga labi ko. Ngayon, nahihirapan na ako kahit pa pilitin ko. Hindi kasi maitatago na dinaramdam ko ang hindi pagpaparamdam ng mahal kong nasa malayo. Kung bakit pa kasi kami pinaglayo. Wala sanang pagdududa, pag-aalala at kalungkutan akong nararamdaman ngayon.

Hapon na naman pala, matatapos na naman ang makunat na maghapon ko. Punta nga muna ako sa tabing dagat, dala-dala ang aking bolpen at papel. Magpapahangin lang at magsusulat. Maglalabas ng sama ng loob at kalungkutan. At babalikan ang mga masasayang araw naming noon sa tabing dagat na iyon.

Susulatan ko ulit ang aking mahal.

Dear Jenny,

Heto ako’t nakaupo sa tabing dagat ngayon. Pinagmamasadan ang unti-unting paglubog ng araw. Habang ramdam na ramdam ko ang bawat dampi ng malamig na simoy ng hangin, ginugulo naman ng maingay na alon ang aking isipan. Marami kasi akong tanong na hindi ko mahanap ang kasagutan. Kaya ako nagpunta dito, baka kako dito ko matatagpuan.

Tandang tanda ko pa noong naghabulan tayo sa tabing dagat din na ito. Tapos bigla kang napahinto at seryosong tinanong ako. “Hanggang saan at hanggang kailan mo ako mamahalin? Sinagot naman kita, “huwag mong tanungin kung hanggang saan, kung hanggang kailan, dahil ang pagmamahal ko sa ‘yo’y walang hangganan, walang katapusan.” Napakatamis ng ngiti mo noong marinig mo ‘yun mula sa akin.

Nakaupo nga pala ako dito sa buhanginan. Kung saan, isinulat mo noon ang aking pangalan. Saka “I Love You Forever” sa ibaba nito. Gumuhit naman ako ng malaking hugis puso saka sa loob noon, isinulat ko ang pangalan mo. Saka tayo umakyat sa malaking bato na iyon. Doon tayo nagsumpaan na “walang iwanan” at “habang buhay tayong magmamahalan.” Sinigaw mo pa pala ang pangalan ko noon kasunod ng salitang “mahal na mahal kita” dala ng hangin at abot hangang ulap ang kilig at saya ko noon. Langit ang saksi ng mga alaala nating iyon.

Nalungkot ako noong nagpaalam ka sa akin. Na pupunta ka na ng Canada dahil kinukuha ka na ng mga magulang mo.  Kahit alam kong mahirap na mapalayo ka sa akin, inintindi ko ‘yon dahil mahal na mahal kita. Kahit masakit na iiwanan mo ako, wala ako magawa. Kailangan mong sundin ang kagustuhan ng mga magulang mo. Sabi mo , huwag akong mag-alala, dahil pag may pagkakataon na, ako naman ang kukunin mo sa Canada. Babalikan mo ako kapag citizen ka na doon. Pinangako ko sa ’yo na magtitiis at hihintayin ko ang pagbabalik mo dito sa Pilipinas.

Mula noong umalis ka na, bolpen at papel na lang ang tulay nating dalawa. Siyang pumupunas ng kalungkutan ng bawat isa. Buwan-buwan nagpapalitan tayo ng sulat. At paulit-ulit ko itong binabasa nang walang kasawa-sawa. Larawan mo ang tinititigan bago matulog sa gabi at pagkagising sa umaga.  Sapat na ‘yon na upang magkakulay ang bawat maghapon ko.

Pero sa mga sandaling ito, nabalot na ang mundo ko ng lungkot at pag-aalala. Nagsimula pa ito noong hindi mo na sinagot ang huling liham ko. Hindi ko alam kung natanggap mo ba ito. At ilang taon na ang nagdaan. Ilang taon na ding kinakapa ko ang aking ngiti at sigla. Mahirap mag-isip ng kung anu-ano. Para lang akong naghihintay ng lalabas sa lotto. Na umaasang mabubunot ang mga numero ko at mananalo.

Mahirap at masakit pero wala akong ibang magawa kundi ang magtiis at maghintay. At magdasal na babalik ka pa, para ipagpatuloy natin ang iniwan mong pag-ibig na hanggang ngayon iniingatan ko pa. Ang tanong, babalik ka pa kaya? Babalik ka pa kaya na malaya para yakapin ko at muling makasama? Paano na lang ang sumpaan nating dalawa? Paano na lang ang nasimulan nating pangarap at saya? Mauuwi na lang ba yon sa wala? Huwag naman sana natin hahayaan na mangyari yon. Dahil ipinaglalaban ko ang pagmamahalan natin mula noon hanggang ngayon.

Ito ang mga tanong na gumugulo sa aking isipan. Na nagbibigay sa ’kin ng labis na kalungkutan. Ikaw lang ang makasasagot at wala nang iba. Patuloy pa rin akong maghihintay at umaasa. Kahit na walang kasiguraduhan kung babalik ka pa. Tutuparin ko lamang ang pangako ko sa ’yo na hihintayin ko ang pagbabalik mo.

Laging Nagmamahal,
Iceburn

Kapag malungkot ka, may dinaramdam at may mabigat kang dinadala, hindi mo halos nararamdaman ang pag-ikot ng oras. Gabi na pala. Kaya pala bukas na ang mga ilaw sa daan at mga bahay dito sa malapit. Napatingin ako sa kalangitan. Mabuti pa ang mga bituwin naiintindihan ang aking nararamdaman.

Naaliw akong pagmasdan ang mga maniningning na bituwin. Nakakarelax. Biglang may nahulog na shooting star. Kasabay nun ang pagsambit ko ng “Jenny”, ang pangalan ng mahal ko. Siya talaga ang wish ko. Wish ko na sana magparamdam na at maalala niya ako.

Palalim nang palalim ang gabi. Makauwi na baka hinahanap na ako ni Nanay. Tamang-tama natapos na din ang sulat ko para kay Jenny. Ihuhulog ko na bukas ng umaga. Kinaumagahan inihulog ko na yung sulat ko para kay Jenny. Umabot ng isang buwan akong naghihintay ng sulat na manggagaling kay Jenny.

Itutuloy..