(Photo Credit: Missindependentmind.blogspot)

Pag-ibig o Paghanga?

Isa akong Simpleng babae; hindi maganda, hindi din naman pangit. May trabahong masasabi kong maganda sa aming bayan, ngunit mas pinili kong umalis at lumayo. Naisiipan kong mag abroad; hindi madali ang buhay OFW ngunit pinili ko ang ganitong buhay. Hinarap ko lahat ng pagsubok at hirap, hindi lang para makatulong sa pamilya, kundi higit sa lahat, para makatakas at lumimot sa aking nakaraan.

Ano nga ba ang nakaraan na gusto kong kalimutan?

Isa akong leader ng isang Church Youth Group. Bilang leader, siyempre, ako ang haharap at kakausap sa mga tao. Pari, madre,at mga kasamahan kong church leaders din. Nung una, kapag may reporting na at kailangan ko na namang kausapin ang mga tao, takot na takot ako, ngunit sa tulong ng isang pari ay dumating ang time na naging ok na sa akin, naging kampanti na ako.

Ang galing kasi ni Father, eh.. napaka-inspiring niya, dami niyang tinuro sa akin kaya dami ko ring natutunan sa kanya. Ang bait-bait niya; ang sweet at galante pa. Lahat ng importanteng okasyon ay hindi niya ako kinakalimutan. Birthday ko, Pasko, New Year at pati Valentines Day ay may regalo ako at may date pa. Huwag niyno dumihan utak n’yo ha, simpleng date lang yun, kain sa labas, nood ng sine o kaya ay pupunta kaming sa Timezone  at maglalaro.

Kapag may magandang eilikula at hindi kami busy, magmomovie marathon kami sa room niya. Lahat ng hilingin ko ay binibigay niya. Di ba, ang sweet niya? Ilang beses ay pumupunta siya sa amin para lang makilala ang pamilya ko.

Kaya dumating ang araw na naramdaman ko na lang na mahal ko na pala siya. Sino ba naman ang hindi maiinlove pag ganyan ang treatment sa iyo? Halos kilalang kilala na nga namin ang isa’t isa at nagkakasundo pa kami sa maraming bagay.

Kaya ako! kahit anong busy ko sa buhay, ang mukha ko ay nakakabit na sa kombento. Hindi kasi kumpleto ang araw ko pag hindi ko siya nakikita.

Kuntento na ako sa ganoong set up. Pag may lakad kami at hinahawakan niya ang kamay ko, waah! para na akong nasa langit. Iniimagine ko na magsyota kami na nagdedate. Yun ang mga masasayang araw ko. Maraming beses nga, kinikilig ako kasi magkapareho pa ang kulay ng shirt namin. Minsan, iniisip kona  soulmate kami at minsan naman, iniisip ko na gusto niyang magmukha kaming couple na naka-couple shirt. hahaha

Masaya na ako sa ganoong kalagayan, I’m in love with him kahit siya hindi. At least, close kami at puwede ko siyang pagpantasyahan.

Hanggang sa isang araw, may kasamahan akong nakagawa ng immoral na bagay at sa tingin ko ay napakabata pa niya para gawin yon. Gusto ko siyang kausapin at pagsabihan kaya lang natakot ako na baka hindi maganda ang masabi ko kaya sinabi ko ang lahat kay Father bilang Director namin. Halos perfect kasi ang tingin ko sa kanya. Akala ko alam niya ang dapat gawin at sabihin doon sa bata.

Doon ako nagkamali dahil iba ang ginawa niya sa gusto kong gawin niya. Sa halip na payuhan niya ay pinagalitan at pinaalis niya at ang masakit sa lahat, nadamay pa ang pangalan ko.  Ewan kung si Fr. ang nagsabi na sa akin niya nalaman (sino pa nga ba?).  Ayaw ko lang isipin na siya ang nagsabi.

At nalaman ng iba naming kasamahan ang nangyari, kaya ayun, lahat ay nagalit sa akin.

Napaalis ako sa grupo; hindi man lang niya ako pinagtanggol. Inisip ng lahat SIPSIP ako. Ang masaklap pa, iniiwasan na niya ako.

Ako naman itong si tanga, habol nang habul, lahat ng papansin ay ginawa ko na pero wa epek talaga.

Masakit ehh. Akala ko, kilalang-kilala na namin ang isa’t isa. Akala ko, nag- mark na ako sa puso niya. Siguro, may sinabi silang hindi maganda tunkol sa akin, pero ang ‘di ko matanggap ay kung bakit ‘di man lang niya ako kinausap at hinayaang magpaliwanag? Bakit iniiwasan na niya ako agad? Sa halos apat na taon naming pagkakaibigan, hindi man lang niya ba ako bibigyan ng importansiya?

Wala akong ibang nagawa kundi ang lumuha. Sa bawat araw na makikita ko siya, ako na lang ang unang umiiwas para hindi na ako masyadong masaktan pag nakikita ko siyang umiiwas. Araw-araw, gabi-gabi, ako ay lumuluha at nagtatanong; nagmahal lang ako, bakit ganito ang dinanas ko?

Para makalimo, naisipan kong lumayo pero mali, kahit malayo na ako sa kanya, siya pa rin laging laman ng puso ‘t isip ko.

Ewan ko lang kung pag-ibig nga ba ito o sobrang paghanga lang..
Tanging dasal ko ngayon, dumating ang araw na humilom ang sugat sa puso ko at mawala na ang sakit nang sa ganun ay mahanap ko na ang taong itinakda para sa akin.