www.deviantart.com/vhm_alex

(Photo Source:  Deviantart)

Taimtim siyang nakatingin sa nagpapawis na babasaging baso ng juice na nasa harapan niya habang iniikot-ikot ang straw na kanyang hawak. Nakaantabay naman ang nangangawit kong kaklase na tangan ang video camera, ganoon din ang nakabukas kong voice recorder. Hinihintay namin ang sagot sa huli naming tanong sa kanya.

“Bakit ako naging prostitute?”

Pag-ulit niya habang sumilay sa mga labi niyang pinintahan ng matingkad na pula ang isang maliit na ngiti.

Simple lang. Gusto ko ng pera. MAS maraming pera.”

“Kung ganun, bakit hindi ka naghanap nang trabaho para may extra income ka?” sunod kong itinanong.

Mariin niya akong tiningnan at biglang napuno ang tahimik na kuwarto ng kanyang halakhak.

“Hindi ba’t trabaho din ito? Trabaho ang pagbibigay ng panandaliang aliw. Trabaho ang maghubad at maglantad ng kahalayan. Yun’ nga lang, hindi siya maituturing na marangal dahil hindi ito naayon sa lipunan. Pero sa Amsterdam, legal ang prostitusyon. May benefits pa sila. Weirdo ba? Dahil magkaiba ang pananaw ng lipunan nila sa atin.”

“Kung ganun’, sinasabi mo ba na hindi mo ikinahihiya na isa kang prostitute?”

“Dahil nga mali ang prostitusyon para sa atin, malamang sa hindi, kailangan kong ikahiya ang trabahong ito. Kaya nga kapag nagseserbisyo ako kapag gabi, para mapagtakpan kung sino ako, hindi ko tunay na pangalan ang ginagamit ko.”

LUNA

Iyan ang pangalan ng kinausap ko para sa documentary namin sa Broadcast Journalism. Pinili kasi ng grupo namin ang walang katapusang isyu ng pagbebenta ng mahalay na laman at dahil ako raw ang may pinakamakapal na apog kaya’t kahit labag sa manipis kong mukha, ako ang inatasan nilang host ng buong show.

Isa sa mga natatanging karakter na nakadaupang-palad namin ay si LUNA.

Hindi siguro dadalaw sa isip mo kapag sakaling makita mo siya na isa pala siyang “babaeng mababa ang lipad.” Lalo’t ang itsura niya ay mukhang naglalakad na anghel na hindi makabasag nang Chinaware. Pasok siya sa kwalipikasyon ng kagandahan ayon sa panlasang Pinoy. Matangkad, makurba ang katawan at maputi. Mukha siyang manika na napapaligiran nang ka-inosentehan.

Kung tutuusin, may kaya ang pamilya ni Luna. Nag-aaral siya sa isang prestiyosong unibersidad.Kumakain nang higit pa sa tatlong beses sa isang araw. Natutugunan ng pitaka ng kanyang mga magulang ang gastusin higit pa sa pang-matrikula sa paaralan.

Ngunit, bakit nga ba niya pinatulan ang madilim na daigdig ng pagbibigay-aliw?

Ayon sa kanya, ito ay dahil hindi kasya ang SAPAT. Walang labis, kaya’t para sa kanya, lagi itong kulang. Pero bakit pa nga ba siya naghahangad ng higit pa?

Isang malalim na buntong-hininga ang nilabas niya bago ito nasagot. Tila hinahanap niya ang mga salitang dapat mamutawi sa kanyang bibig. Ang naging kasagutan: natulak siya sa magarbong pamumuhay nang mga itinuturing niyang mga kaibigan. Nagpasilaw siya sa ningning na dala ng mga sangkaterbang bitbit na shopping bags. Nasarapan siya sa panlasa nang mga mayayamang dila. 

At ito ay hindi niya naranasan ng nasa loob siya nang puder ng kanyang pamilya. Animo’y batas-militar din kung mag-palakad ang kanyang ama. Kaya’t nang makalabas siya sa kulungang hatid ng kanyang mga magulang, tiniyak niya sa sarili na dapat niyang maranasan ang tunay na kalayaan.

Walang mag-babawal. Walang manghuhusga.

Siya lang mismo ang magpa-patakbo sa sariling ikot nang buhay niya. Ngunit may harang. Wala siyang pera pantustos sa pinili niyang kalayaan. Wala siyang pambili ng kagarbuhan.

At dahil nauubusan siya ng palusot na puwedeng sabihin para makahingi ng datung, bumukas ang isang oportunidad na nasa katauhan ni Hendrix (hindi niya tunay na pangalan). Mula siya sa mayamang angkan. Busog ang laman ng bulsa niya kaya’t kumapit nang mariin si Luna sa kanya. Ito ay nagsimula sa isang simpleng katanungan na nasabi ni Hendrix habang lulon sa alak.

“Balita ko, virgin ka pa pa raw. Puwede bang patikim?”

“Sira ka ba?!”

“Ayaw mo? Madali lang naman akong kausap. Kaso sayang din itong ten thousand pesos kung sakali.”

Napalunok si Luna. Mabilis na nagkalkula ang utak niya. Malaking halaga din ang sampung libo. Kaya kahit sumisigaw ang dangal niya, pinatahimik niya ito. Sumang-ayon siya.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon, dumami ang mga gabi na kailangan ang kanyang serbisyo. Hindi lang si Hendrix ang naging suki niya kundi pati mga kabarkada nito. Dumating pa nga sa punto na sa isang buong lupon  ng mga Adan ang naghihintay na lamunin ang nag-iisang siya sa loob ng kuwarto. Dumami din ang parokyano niya dahil magaling daw siyang gumalaw sa kama.

“Pero ikaw ba mismo, do you like sex?”

Diretsahan kong tanong. Nilihis niya ang tingin sa akin. Saka umiling.

Kahit kailan, hindi ko nagustuhan. Kakaiba ang sarap kapag nasa bandang climax pero alam ko sa sarili ko na ayoko ng ginagawa ko. Kaso, mas malakas ang desire ko for money. Kung tutuusin, mas malaki pa ang sinasahod ko sa mga call center agents. Ang isang gabi sa akin, binubuno nila for 15 days. Wala pang tax.”

Ang agarang pagkuha ng ninanais niya ang lalong bumulag upang manatili siya sa kanyang “propesyon”. Hindi dahil kailangan niya, pero ito ang hangad niya. Ang “suweldo” niya ang pinambibili sa isang malawakang shopping spree. Magaganda at mamahaling mga damit. Matataas at makukulay na mga sapatos. Mga bagong gadgets. Binusog niya ang kanyang kasiyahan sa pamamagitan ng mga materyal na bagay na hindi niya mabibili kung magiging pamantayan ang pinapadala ng kanyang mga magulang.

Pero ayon sa kanya, hindi siya tulad ng iba na nakatambay sa lansangan, suot ang alindog, gamit ang maikli at hapit na mga damit at naghihintay ng bibingwit na parokyano. Kumbaga, nasa upper middle class siya ng hierarchy ng mga prosti. Dagdag pa niya, kumbaga sa isang libro, best-seller din siya. Hindi siya naghihintay na may dumagit sa kanya. Sa katunayan, siya ang HINIHINTAY. Minsan pa nga, nakakatatlo siyang kliyente sa isang gabi hanggang sa pagsikat ng bagong umaga. At kapag nga walang pasok, isang buong araw siyang nagpapalapa sa ilalim ng mga kumot.

Pero minsan din, halos wala siyang trabaho. Sa ganoong pagkakataon daw, doon niya lang tunay na naangkin ang kanyang basag na pagkatao. Kung saan tahimik siyang hinehele  ng gabi at walang lumilibot sa kanyang pagod na katawan.

“Hindi ka ba natatakot sa STD o AIDS dala ng trabaho mo?”

“As much as possible, safe naman. Masuwerte nga ako kasi hindi ako nadapuan ng mga ganyan. Saka, may patakaran din kasi ako. Kapag ayaw ng customer ko na mag-condom, mas mataas ang singil ko. Tapos kapag hindi siya nag-withdrawal, may patong din iyon. Yung iba naman na mahilig sa bondage o fetish, iba din ang presyo ko doon.”

Hangga’t maari rin daw, ayaw niyang dumako sa punto na mabubuntis siya dulot ng isang gabing pagtatalik. Kahit na ba malaki ang responsibilidad nito, kung sakali daw na mangyari iyon, hindi niya kayang kumitil ng bagong buhay sa loob niya.

“Hindi ko kaya yun’. Pag nangyari yun’, doon na siguro ako talaga hihinto.”

Pero hindi lahat ay panay kasiyahan sa gitna ng madilim na daigdig na tinahak niya.

Mayroon din siyang sinuko.

Iyon ang sarili niyang pagkatao.

Naunang nawala ang mga tinuturing niyang mga kaibigan na sa huli ay nagpakalat ng balita kung saan siya ang headlines. Naiwan siya sa kanyang sariling anino. Walang kumakausap. Walang nakikiramay sa kanyang pagtangis sa wasak niyang sarili. Wala ring may balak na siya ay isalba.

At sa puntong iyon, tila nawalan ng silbi ang ligayang dulot ng kakapalan ng kanyang busog na pitaka.

“Yun’ na siguro yung turning point ko. Yung’ tipong kahit naliligo ka sa pera, puros branded gamit ko, una ako sa latest, pero parang hindi na masaya. Oo nga, mabubuhay ako pero ang laki ng kulang sa sarili ko. Kasi kung araw-araw naman na sinusuka ka ng paligid mo, wala ring silbi yung’ existence mo.”

Kaya’t sa tinagal-tagal niyang pagtangkilik sa kakaibang trabaho, suong ang sarili niyang katawan, doon lang siya nagising sa malalim niyang pagkakalugmok. Hindi na niya namalayang nabulag na siya sa bangin at parang mahirap bumangon muli. Pero masakit man, kailangan niyang tumayo sa sarili niyang paa. Tutal, siya lang din ang puwedeng magligtas sa kanyang nalihis na kaluluwa kasama ang patnubay ng Panginoon na tumatambay sa langit. Naging mahirap man ang proseso ng pagbabago, unti-unti ay nabubuo na niya ang nawala niyang pagkatao.

“Iniisip ko nga noon kung paano magko-cope up. Pero alam mo, nabuhay naman ako kahit walang sobrang pera. Mas masaya nga ako ngayon, kasi hindi na ako magpapaalipin sa pera.”

“How about your parents? Nalaman ba nila?”

“Ang galing nga eh. Ang laking pasabog nito sa school, pero kahit Dean ng college ko, hindi ako pinatawag. Siguro, iniisip nila na tsismis lang yun’. No proof.  So ,hindi rin nalaman ng parents ko. Pero after this interview, uuwi ako sa amin ;tutal mahaba ang bakasyon. Ako na mismo ang magsasabi sa kanila. Handa na rin ako sa consequence.”

“I see. Batid namin na pinagsisihan mo ito, but what is your biggest regret?”

Tiningnan niya ako at nangiti,

“Siguro iyon yung panahon na una kong binenta ang sarili ko. I realized na walang definite price ang dangal ko. Yet my virginity is worth ten thousand pesos. Ang liit naman ng singil ko.”

(Ang panayam na ito ay naganap noon pang 2010. Pagkatapos nito, napag-alaman namin na pinalipat si Luna sa ibang unibersidad sa Maynila at hindi na sa siyudad ng Baguio. Ngayong taon na ito ay natapos na niya ang karerang binuno. Bago ito maisalin dito ay personal kong hiningi ang kanyang permiso upang maisalaysay ang kanyang buhay. Sa ngayon, hanggang Facebook ko na lang siya nasisilayan. Mukha namang naging maganda na ang naging takbo ng panibagong kabanata ng kanyang buhay.)