Jealous-friends (photo credit:funfused.com)

Bigla na lang naging malamig ang lahat. Ikaw ba ang problema? O ako? Hindi ko alam. Parang kanina lamang ay masaya tayong nag-uusap, natatawanan, nagbibiruan.

Nagtanong ka kung bakit. Sasabihin ko ba? Baka lalo lamang masira ang gabi. Pinilit mong sabihin ko ang dahilan ngunit mas pinili kong manahimik. Hindi mo ba alam ang ginawa mo kaya’t nagtatanong ka kung bakit? At kung alam mo ba’y may pakialam ka sa nararamdaman ko?

Bakit?

‘Yan din ang tanong ng isa kong kaibigan sa akin kanina nang nakita niya akong malungkot na nakatitig sa litrato mong may kasamang iba. Hindi ko siya kilala, pero bakit masakit?

“Oh, bakit? Nagseselos ka ba?” sabi ng kaibigan ko.

“Ha? Hindi, ay oo, ay, hindi ko alam eh,ah.. siguro,” sagot ko.

Nagseselos nga ba ako?

Ganito ba ang pakiramdam na iyon? Mahirap huminga, masakit sa dibdib, mabigat sa puso. Kung ito nga iyon, ayoko nang magselos.

Hindi ko naman siya kilala ah. Baka nga kaibigan mo lang? O kaya ay kamag-anak? Baka naman nagkaroon kayo ng oras upang muli ay magkita? Baka naman may reunion na naganap?

Nais sana kitang tanungin, ngunit walang lumalabas na salita. Ayoko kasing malaman mo, ayoko kasing magpahalata. Unang-una kasi, wala naman akong karapatan, dahil  para sa ‘yo alam ko na ako ay isang matalik na kaibigan lamang .

May mali ba sa nararamdaman ko? Ayoko kasi ng ganito, lalo na kapag magkasama tayo. Gusto ko sa akin lang ang oras mo, sa akin lang ang mga ngiti mo, sa akin lang ang mga mata mo. Mali ba ako? Masyado ba akong nangangarap? Masyadong nag e-expect na para sa akin lang ang mga ‘yan? Siguro nga, siguro nga.

Huminga ako nang malalim saka malakas na ibinuga ang hangin. Dahan- dahang tinapik ang dibdib gamit ang aking mga palad na para bang nagsasabing  “ayos lang yan, ayos lang yan”. Naghihintay na sana’y mabawasan ang sakit at kabigatan.

Nagseselos nga ba ako? Ito nga ba iyon? Kung maaari ay ayoko nang maramdaman. Pero paano?

Huminga ulit ako nang malalim, bumuga ng hangin, tinapik ang dibdib. Ngunit wala parin.

Pakiusap sa susunod ay pabayaan mo na lang na ganito ako.  Pakiusap, sa sa susunod ay huwag mo na akong tanungin dahil talagang hindi ko alam ang isasagot kung bakit ako ganito. Paano ko nga ba kasi sasagutin ang mga tanong mo upang hindi mo mahalata?

Kasi nga sobrang sakit sa damdamin?

Kasi nga sobrang bigat ng puso?

Kasi nga, selos ako.