http://www.123rf.com/photo_9242145_jack-of-all-trades.html

Ito ang katagang una kong narinig sa aking kaibigan noon.

Lagi ko na iyong naririnig sa kanya, sa tuwina’y nagkukuwentuhan sila ng kaniyang mga kasamahan sa trabaho.  Dahil likas na mahiyain pa ako noon, hindi ako nagkalakas ng loob upang siya ay tanungin; ano nga ba ang ibig sabihin ng bukambibig niyang ito.

Ako’y laki sa hirap.  Sanay na sanay ako sa lahat ng trabaho, walang mahirap sa akin, at lalo nang hindi uso sa akin, ang salitang “hindi ko alam”.

Para sa akin, sobra akong mapalad dahil nagkaroon ako ng trabaho.  Masaya ako, dahil alam ko na mas marami ang katulad ko noon ang walang mapasukan. Kaya naman dobleng sipag ako, dahil na rin kailangan ko ang mabuhay dito sa Maynila; ang hindi umasa sa aking mga kamag-anak.

Lahat ng p’wede  kong gawin ay aking ginagawa.  Tumutulong ako sa iba, kapag tapos na ang mga naka-assign na trabaho para sa akin.  Ayaw ko na ako’y nakatambay lamang, habang pinapanood ang aking ibang mga kasamahan.  Sa madaling salita, mahilig akong mag-voluntary work sa kapwa ko. Para sa akin, hindi kawalan ang lahat ng ginagawa ko, bagkus, dahil sa pagtulong ko ay mayroon akong dagdag na kaalamang natututuhan, bukod pa sa isiping nakatulong ako upang mapadali ang isang trabaho.  Sa madaling salita, hindi ako palaisip o makasarili at walang pakialam sa paligid ko.

Kapag mayroong inuutos sa akin, kahit hindi ko alam ang lugar, ang lagi kong sagot ay alam ko!  Madali lang naman magtanong, di ba? At mas lalong alam ko namang magbasa.

Kapag mayroong gustong ipagawa sa akin ang aking boss, at hindi ko pa alam paano gagawin; ang sagot ko ay “susubukan kong gawin ito, sir, at ipa-check ko na lang sa iyo kung tama ang gawa ko”.

Ang katwiran ko, saan ba tayo natututo? Hindi ba sa umpisang walang alam at ating inaaral upang matuto?  Kaya wala sa bokabularyo ko ang sumagot ng “Hindi ko alam ‘yan at ‘di ko kayang gawin ‘yan!

Kahit ano ang iutos at ipagawa sa akin ang aking boss, supervisor o kahit kasamahan sa trabaho noon, ay hindi ako nagrereklamo.  Hindi iyon pagsisipsip, pagpapalapad ng papel o nagpapalakas sa mga boss at ninuman. Dahil, ang tanging nasa isip ko noon at sinasabi sa aking sarili ay “balang araw, ang lahat ng ginagawa ko ay magagamit ko rin sa aking sarili”

Babae ako, pero marami akong alam at ginagawa na panlalaking trabaho, o gawaing-panlalaki.  Minsan, natatawa na nga lang ako, dahil mas lalaki pa akong kumilos at mag-isip, kaysa sa ibang nakakasama ko o nakaka-trabaho ko.  Ayaw ko sa malamyang kumilos, at mabagal mag-isip. Para sa akin, sayang ang oras at panahon.  Katwiran ko, ayaw kong abutan ng giyera, na laging sinasabi ng lola ko noon.

Nadala ko ang ugaling ito umpisa pa lamang noong nagkaisip ako.  Ayaw ko sa salitang “mamaya na” o “bukas na lang ‘yan”.  Gusto ko, gawin ko na ngayon, para safe na ako bukas o sa oras ng deadline o kung kailan kakailanganin ito.  Mapa-assignment at project ko noong nag-aaral , hanggang nang ako’y nagkatrabaho na.

Padre at madre-de-pamilya ang papel ko sa buhay, iyon ang madalas na sinasabi nila.  Lalo na noong naging single mother ako.  Halos lahat na yata ng trabaho, puwera “construction worker” ay pinasok ko.  Basta, lahat ng marangal na trabaho, okey lang na gawin ko. Hindi ko lang ginawa noon ay ang tumambay sa Ermita, dahil katwiran ko, hindi pa ako ganoon kadesperado.  Maraming nagpapalabada, bakit ako tatambay sa Ermita eh, ‘di mamasukan na lang ako na labandera kung wala na talaga.

“Jack-of- all- trades din pala ang tawag nila sa lahat ng ginagawa ko.  Doon ko lamang ito nalaman; nang minsan akong biniro ng aking kaibigan. Pero hindi totoo na mayroong “master of nothing”.  Sa halip, “Jack-of-all-trades where I master everything”. 

Masasabi ko na “master” hindi dahil sa naging expert ako sa lahat, kundi napatunayan ko sa aking sarili na kaya ko pala lahat gawin ang mga bagay na akala ng iba ay hindi nila kayang gawain.  OO, tama! Isip ang nag-uudyok para gawin natin, ang mga bagay na gusto nating gawin.  Ngunit ang isip rin natin ang madalas pumipigil sa ating sarili, upang gawin ang mga bagay na gusto nating gawin.

Lakas ng loob, tibay ng dibdib, tiwala sa sarili at tiwala sa lahat ng kakayahan mo. Ito ang susi sa bawat tagumpay ng isang tao. Kahit walang moral support na inaasahan galing sa mga taong nakapaligid sa iyo.  Ikaw at ikaw lamang ang mayroong kakayahang gawin ang mga bagay na magpapaunlad sa iyong sarili.