Dalawang trabaho ko sa abroad, pagkakaroon ko ng aklat, pagkakaroon ng maraming kaibigan at pag-feature sa akin sa GMA News Online sa kategoryang Pinoy Achievers, lahat nang iyan ay dahil sa internet.

“Hay, naku, Raquel, tigilan mo na ang pagbababad mo diyan sa internet. Hindi ka naman kumikita diyan kaya nag-aaksaya ka lang ng oras.”

Napapansin ko ngayon, masyado nang naaabuso ng karamihan ang paggamit ng internet. Ang mga estudyante, inuuna pa ang Facebook o laro bago gumawa ng assignment. Minsan, ang Facebook, ginagawang diary. Lahat ng emotions, pangyayari sa buhay, kapalpakan, kalokohan at kadramahan ay makikita mo na. Ang iba, nagsasabing ang pangit na ng internet world dahil masyado na raw naaabuso ang freedom of speech kaya kung anu-ano na lamang ang puwedeng ipost at puwedeng mabasa. (Yaiks, sorry! Medyo nakialam sa buhay ng iba).

Hindi ko masasabing ako’y isang eksperto pagdating sa world wide web, ngunit alam kong ginagamit ko ito sa tama.  Una akong nalulong sa paggamit ng internet noong nasa college ako. “In” kasi ang mIRC noon o iyong pakikipagchat. Libangan lang kumbaga, ngunit wala naman akong napapala kundi pambobola lamang kaya naisip ko, bakit hindi ko gawing kapaki-pakinabang ang bawat oras ko?

Nagsimula akong magsearch ng jobsites online. Nandiyan ang jobstreet, jobsDB, workabroad at iba pang may local at international hiring. Gusto ko kaagad makatulong sa nanay ko at mga kapatid ko pagkatapos ng kolehiyo kaya sa tuwing mapupunta ako sa internet shop, sa jobsites kaagad ang tungo ko. Daang mensahe na nga ang natanggap ko mula sa scammers, pero hindi pa rin ako huminto. Pasalamat ako na sa dami rin ng nagpapadala ng scam emails sa akin, walang nakapanloko sa akin kahit na isa. Salamat din sa internet na nagbigay ng sapat na impormasyon sa akin tungkol doon.

Unang nakita ng employer ko sa ibang bansa ang resume ko sa olx.com. Ang olx ay affiliated sa Friendster noon. Sa Friendster ako nakontak ng amo ko at doon nagsimula ang buhay abroad ko. Umalis ako ng Pilipinas nang walang ginastos ni singko maliban sa pagprocess ko ng passport ko. Binayaran pa ako ng unang suweldo ko na ginamit ko naman sa ceasarian operation ng hipag ko. Ang ticket ko, 2-way pa. Puwede raw ako umuwi anytime kung ayaw ko nang magtrabaho bilang tutor ng mga anak ng amo ko.

Pagdating ko sa abroad, hindi naman ako ganoon kagaling sa English. Sa American School nag-aaral ang mga bata kaya kailangan ko ng tamang grammar upang makapagturo ako nang maayos. Dahil doon, naghanap ako sa internet ng puwede kong pagtambayan upang matuto sa English. Salamat sa english-coffee.com na pagmamay-ari ng isang Filipina English teacher.

Sa aking pagkabagot sa buhay abroad ko, naligaw naman ako sa website ng POEA at nang makita ko ang POEA forum, natuto akong magbahagi ng aking karanasan. Doon ko naman nakilala ang mga kaibigan na nagtayo naman ng grupong ang layunin ay makatulong sa kapwa. Mula sa pamilya ng OFW hanggang sa pagtulong sa eskwelahan, sa orphanage at maging sa oras ng kalamidad. Lahat iyan, nagawa ng grupo na sa internet lamang nagsimula.

Doon ko rin nakilala ang tumulong sa akin sa pagpunta rito sa Canada. Taong nagtiwala sa akin kahit sa internet ko lamang siya nakilala.

Sa pamamagitan ng Facebook pages, nagbahagi ako ng karanasan ko hanggang sa makarating ako rito sa Definitely Filipino.  Nahasa ko ang sarili ko sa pagsusulat kahit wala akong karanasan bilang manunulat. Dahil dito, nagkaroon ako ng unang aklat. Dahil na rin sa pagbabahagi ko ng kuwento ko bilang OFW, nailagay ako sa GMA News Online Pinoy Abroad Section http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws at ang interview ay nangyari rin online.

Mula sa simpleng pag-iikot ko noon sa mundo ng internet, nakarating ako ng Canada at mula rito, naabot ko ang mga OFWs sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, maging ang mga Pilipino na hindi nauunawaan ang buhay ng mga nakikipagsapalaran sa ibayong dagat.

Payo ko sa karamihan, gamitin sa tama ang internet. Marami kang matututunan dito kung ito’y iyong gagamitin sa makabuluhang bagay. Naturingan man akong adik  sa mundo ng internet, masasabi kong ang bawat oras ko ay naging kapaki-pakinabang.  ^__^