Two Great Dads, One fate

Breaking news ang hatid ng mga radyo at telebisyon noong ika-18 ng Agosto. 

“Plane carrying DILG Sec. Robredo crashed 150m away from Masbate Airport.”  Nakaligtas ang aide-de-camp ni Sec. Robredo mula sa malagim na pangyayari, ngunit si Sec. Robredo at ang dalawang piloto ay patuloy na hinahanap ng mga rescue teams.

Latest News:

Technical divers have recovered the body of Local Government Secretary Jesse Robredo from the wreckage of the ill-fated Piper Seneca plane in the waters of Masbate at about 7:45 a.m. Tuesday about 180 feet below sea level.

Ilang araw itong inaabangan ng mga tao, lalong-lalo na ng kanyang pamilya; ng kanyang asawa’t mga anak.  Ilang araw din akong nagbantay sa balita.  Nakiabang at nakidalamhati sa pamilya niya at sa pamilya ng dalawang piloto.

Bakit?  Sapagkat ang nangyari kina Sec. Robredo ay naghatid ng isang traumatic memory sa akin.

Pumutok sa balita ang pagcrash ng isang light plane Cessna sa isang madawag at ilang na kakahuyan sa Daet, Camarines Sur noong December 16, 1998.  Lulan nito ang isang foreigner na pasahero at isang Filipinong piloto …  ang aming Daddy Lolo na si Capt. Tony, na 38 years nang nagpapalipad ng eroplano.

Tulad ng mga pamilya nina Sec. Robredo at dalawang piloto, kami din ay nabuhay nang tila nakabitin ang mga hininga dahil sa labis na pag-aalala at pangambang hindi na namin makakasamang muli ang aming napakabait na padre de pamilya.  Naging mahirap ang paghahanap ng rescue team noon.

Liblib at madawag na kakahuyan ang pinaghanapan ng mga rescuers; sa panahong tag-ulan at makulimlim ang panahon.  Tulad nila, dalawang gabi at tatlong araw kaming tulalang nag-aabang ng himala na buhay pa ang aming minamahal na kapamilya.

Tulad din ni Sec. Robredo na nagmamadaling makauwi para sa kanyang bunsong anak na nagwagi sa swimming competition, nagmamadali ding makauwi ang aming Daddy noon; papunta sa amin sa Calamba upang sunduin ang kanyang tatlong apong lalaki para sa taunang Christmas vacation sa kanila.

Tumawag pa ito bago magtake-off, ipinaalam na dala ang napakaraming pasalubong na sugpo’t hipon na nakastyro boxes pa, na paborito ng kanyang pamilya.  At dahil magpapasko na noon, napakaraming planong masasaya ang aming Captain of the Sky; isang kalog at mapagkalingang ama at lolo.  Sabik na sabik lagi ang kanyang mga apo sa kanyang pagsundo dahil kalaro nila at kabonding ang kanilang lolo.  Makailang beses na rin silang naisama nito sa kanyang mga flight at madalas silang mamasyal kung saan-saan.

Ngunit parehong nauwi sa trahedya ang excited na pag-uwi ng dalawang padre de pamilya.  At pareho kami ng kanyang pamilya na nalunod sa dami ng luha na aming pinakawalan.

Napakasakit gunitain, magpahanggang ngayon, ang tatlong araw at dalawang gabi na kami ay naghintay na makita ng mga rescuers ang katawan ng aming Daddy.  Sa kabila ng 90% probability  na sila ay nasawi na, kumapit kami sa 10% chance na sila ay mahimalang nakaligtas. 

Walang makakain, walang makatulog sa amin.  Para kaming may hangin sa ulo ngunit mabigat ang pakiramdam.  Malamang ay ganoon din ang pinagdaanan ng pamilya Robredo sa panahon ng paghihintay.

Kanina, ilang araw mula nang plane crash, ay natagpuan na ang kaniyang mga labi.  Ang aming Daddy Lolo  ay sa ikatlong araw  natagpuan, may mga kulang na bahagi na sa kanyang labi.  Labis-labis ang sakit na aming naramdaman! Siya ang magnet kung  bakit kami ay close-knit na pamilya.  Para kaming nawalan ng kulay sa buhay nang mawala na siya.

At gaya ng kanyang bilin, pinacremate namin ang aming Daddy dahil ayaw daw niyang siya ay ilibing sa malayo.

“Malungkot sa sementeryo. Ayoko doon!  Kapag ako ay namatay, pacremate n’yo ako ha.”  Pabiro niya itong sinasabi, patawa-tawa, pero alam naming paraan lang niya iyon upang huwag maging morbid.

“Kapag ako ay mamamatay, ayaw kong dahil sa sakit o sa aksidente, tapos magiging imbalido.  Gusto ko, biglaan….  KABOOM!  Isang kisap-mata, tapos!  hehehe.”   Ganoon nga ang nangyari sa kanya.  Ayon sa paraan na gusto niya.

Pagkalipas ng mahigit 13 years, narito ang isang pangyayari na nag-trigger sa masakit na alaala.  Ganoon pala iyon.  Kahit pala matagal na, kapag nakalabit ng isang kahalintulad na pangyayari, parang nagrereplay ang malagim na nakaraan.  Nakita ko ang aming sarili sa asawa’t mga anak ni Sec. Robredo.  Naramdaman kong muli ang sakit gaya ng nararamdaman nila ngayon.

The pain never really goes away.  We just learn to live with it.

(Source: Bicoltoday)

Our sincere condolences to the families of Sec. Jesse Robredo, pilot Jessup Bahinting and co-pilot Kshitiz Chand.  May the love of the Lord be your source of comfort in this time of grief.