Nanay,

“You’re the best, Ikaw na! Hindi ka lang naging bayani ng bayan natin.. Para sa akin, isa ka sa natatangi na dakilang ina sa mundong ibabaw.

Ito na yata ang kauna-unahang pagkakataon na masasabi ko sayo ang ganitong mensahe. Alam ko kung gaano kasarap makatanggap ng ganitong klaseng mensahe mula sa iyong mga anak. Lalo na ngayon, Nararamdaman ko ang sakripisyo at pagtitiis mo bilang isang ina na kagaya ko.

Pinagmamalaki kita, hindi dahil napagdadaanan ko rin ang pagiging OFW mo, kundi dahil naging isang ina rin ako na naghahangad ng magandang buhay para sa aking pamilya at maayos na edukasyon para sa aking mga anak.“Like mother, like daughter” daw tayo, Hindi dahil pareho tayong OFW o sinundan ko ang yapak mo.. kundi mag-ina nga tayo dahil pareho tayong matatag… malakas ang loob kahit nanghihina na, lumalaban sa kahit anong hamon ng buhay.. nagsasakripisyo para sa ating pamilya na naiwan sa pinas.Nay, Lungkot na lungkot ako sa bansang aking pinagsisilbihan ngayon, pero kagaya mo noon iniisip ko na lang nga na maswerte pa ako sayo, May FACEBOOK na pwede mag-update sa nangyayari sa panganay ko. kahit patago lang basta madalas ang walang kamatayang COMMENT at LIKE ko sa status ng aking pamilya at mga kaibigan, nagagawa ko ang maging updated din sa kanila. Sa SKYPE at YM na pwede ko na  makausap ang aking mag-ama, maging ang makita ang kanilang mga galaw sa videochat ay ginagawa na rin namin, para mabawasan lang aking pananabik na makasama na sila. Pero nakakaranas pa rin ako ng kalungkutan.

Samantalang ikaw noon, kung balewalain ka namin sa pagsisikap mong makatawag lang sa amin sa pinas kahit mahal ang bawat patak kada minuto, Dahil di uso pa ang DOTDOT ng cellphone, ginagawa mong pumila sa TELEPHONE BOOTH gamit ang card para maghintay sa amin kung sino ang kakausap sayo, dahil para sa iyo, ang tinig namin ang nagmimistulang musika na sa iyong nakakabinging kalungkutan.. sadyang nakakatanggal ng pagod.. nakakatanggal ng lungkot.. Pero lahat ng iyon, pinagkait pa namin sayo noon.

Ang pananabik ng isang ina na mayakap kaming magkakapatid… Binalewala lang namin. Kung noon nag-uunahan pa kami sa bawat LONG DISTANCE CALL mo ng may pananabik, Halos nag-aagawan pa para lang makausap ka.. Ngunit nang lumaon, halos nagtuturuan na at nagpapasahan kung sino ang pwedeng kakausap sayo dahil may kanya-kanya nang pinagkaka-abalahan.

Sa VOICE RECORD TAPE mo na madalas padala mo noon sa amin na inaabot ng isang buwan bago pa namin matanggap at ma-play sa CASSETTE TAPE, talaga namang nakakaiyak kapag marining namin ang boses mo..dahil nagsisimula ka narin kasing umiyak at suminghot ng iyong luha at sipon, Siguro naiisip mo talaga kami nasa harapan mo lang kunwari o baka dahil sa background music ni ka-freddie aguilar na “ANAK.”o “MISS NAMISS KITA” Kung kaya’t nag-iiyakan din kami. At matapos marinig yun.. asahan mo, kung gaano katagal ang nilagi sa post office ng voice tape mo, isang iglap lang, ang voice tape mo nanay, nilalaro at sinisira na ng iyong bunsong anak at kinagat kagat pa dahil nag-ngingipin na sya matapos ang ilang buwan palang nang sya ay iyong iwanan.

Sa bawat paalala mo, sermon mo, bilin mo, ang layo na ng distansya mo sa amin pero daig mo pa si tatay mag-RONDA, mag-MONITOR, magpamemorized ng mga dapat gawin, mga wastong asal, mga bawal na halos kulang nalang ipa-tarpaulin at ipaskil sa pader ng bahay. Para lang maturuan kami ng tamang leksyon at mabigyan ng gabay at paalala. Ngunit lahat ng iyon, minamasama ka pa rin namin noon.

Kapag sasapit na ang sweldo mo, nalalaman ng buong barangay dahil sa DOOR TO DOOR REMITANCE na lalaking naka-motor na pumupunta sa bahay. Kaya ang kamag-anak natin di maiiwasan na manghingi at maningil kaagad sa utang kapag kinakapos. Ang isang buwan na paghihirap mo, kay dali lamang naming gastusin. kaya ang perang padala mo dumadaan lang sa kamay ng nakatatanggap. Kaya magrereklamo pa si tatay sa ‘yo.. kasi kulang ang padala mo.

Pero ngayon naisip ko, na kahit HIGH TECH na panahon na tayo ngayon, Hindi pa rin ako nakaliligtas sa KALUNGKUTAN, sa MGA AMO NA MALULUPIT, at SA MGA ANAK KONG kagaya rin namin noon..

Kahit MODERN na, madalas nakikita nila ako sa FACEBOOK ko.. Maayos ang aking kasuotan, maganda ang hubog ng ngiti sa aking labi, maganda ang BACKGROUND sa aking likuran, kung minsan may kasama pang masasarap na FOOD sa aking larawan, pero kagaya mo nanay, Hindi nila alam kung gaano ang LUNGKOT na nakikita nila sa likod ng mga ngiti ko sa aking larawan.

Kagaya mo rin, Malulupit din ang amo ko, halos kapos na sa liit ng sahod ko, halos ginugutom pa ako dito. Sobrang nagtitipid ako na kahit nga pagkain nila sadyang kinukupit ko ng patago para lang makatipid sa aking pagkain at nagagawang magsinungaling kapag may aminan portion na para lang maka-menos sa pagbili pagkain at maibsan ang kumakalam na sikmura ko sa trabaho at sunod sunod na utos ng aking amo na inutil para sa akin.

At kapag nakatipid na ako,una ko kaagad iniisip, ang maidagdag ang halagang naipon ko para sa aking mga anak. Kasi hirap ng buhay sa pinas, kung lalagi at mananatili ako dyan, hindi sila makakain ng gusto nila at makakapasok sa eskwela ng sabay sabay silang magkakapatid. Maibibili ang kailangan nila. Kaya nga nanay kapag nababalewala ako ng mga anak ko, Naalala kita noon, unti unti nalalaman ko, kung PAANO MO KAMI NAUUNAWAAN NG LUBOS sa pangrereject namin sayo, kapag ikaw na ang nalulungkot, paano mo natitiis ang lungkot at pangungulila mo sa min na ginawan mo nalang ng paraan sa ibang bagay pero pagkakait lang ang naipapalit namin.

Nanay, ang hirap maging ina at mas lalong mahirap maging isang ina na malayo sa kanyang mga anak. Kagaya mo noon, naglakihan kami na ibang bata ang iyong inaalagaan, at ibang pamilya ang iyong pinagsisilbihan, Ngayon kagaya mo, ibang bata ang aking sinusuklayan, pinaliliguan at pinatutulog ng mahimbing. Samantalang ang mga anak ko, nasa pangangalaga ng kanilang ama, kung minsan sa kamag-anak. Basta matugunan ang kanilang pangangailangan kahit magsasakripisyo pa ako..pagtitiisan ko ang lungkot dahil umaasa ako darating ang araw magkakasama at mabubuo kaming muli, kagaya ng ating pamilya noon.

Ngayon, alam ako ginagampanan mo pa rin ang pagiging ina mo kahit nasa piling ka na ng amang lumikha, talagang hindi natatapos ang iyong pagiging ina sa amin, ginagabayan mo pa rin kami.

Sarap pakinggan masabi ng isang anak sa kagaya mo na isang simpleng dakilang INA na “YOU’RE ONE OF THE BEST MOTHERS IN THE WHOLE WORLD” kasi ngayon madalas,“ MOM penge ng pera o bili mo ko ng ganito.” Hindi man ako dakilang ina na masasabi ko.Ngunit AKO, bilang isang ina na matatag at di matitinag para sa aking mga anak .isasakripisyo ko kaligayahan ko kahit mabalewala pa ng mga anak ko ang paghihirap at sakripisyo ko para sa kanila,di bale na kahit masakit pa sa loob na minsan hindi nila napapahalagahan ang bawat pawis at sakit ng katawan na nararanasan ko sa ibang bansa. Masaya na akong malaman na kagaya mo nanay, sila na aking mga anak, ang aking natatanging KAYAMANAN ko.”

Maria
-Little Gab
MMNoriega
Enhanced by Zemanta