Desperate Love (Photo Credit: Layoutsparks)

Hidden beauty lies behind the foolhardy mask.

Isang kasabihang pangarap ko na kanyang maintindihan. Di naman lahat nakukuha sa ganda, puwede namang ugali lang, di ba? Mahirap ang balewalain, sabi nga nila masakit sa damdamin. At sa katagang “Palimos ng pag-ibig, naramdaman ko kung paano maging Pulubi. Namamalimos na sana ay pansinin at mahalin.

Bakit nga ba natin pinagdaraanan ang bagay na ito? Minsan, may gusto tayo, ayaw naman sa atin. At kung sino ang ayaw natin, siya naman ang lapit nang lapit sa atin. Alam ko naman na mahirap ipilit ang gusto ko.  Sabi nga nila pag hinog sa pilit, sadyang mapakla. Mahirap turuan ang puso, kahit maghubad ka pa.

Marami na kayang namatay dahil sa kawalang pag-asa, piniling tapusin na lang kaysa maghirap pa. Sana lang may kabuluhan din ang ginawa nila.  Magiging importante kaya ako sa kanya kung ako ay wala na?

Parang sasabog ang dibdib ko, gustong-gusto ko siya, ngunit sadyang matigas siya. Ilang taon na ba akong naghihintay, malapit nang maging lima. Pero hindi pa rin mawala-wala. Bakit kaya ganun noh?

Minsan naisip ko, ang haba ng buhok niya, akala niya kung sino siyang guwapo, pinagtatawanan na ako ng mga kaibigan ko dahil sa paghahabol ko sa kanya.
Parang wala na raw natirang lalaki sa mundo at eto ako naghihintay sa kanya.

Eh ano naman ngayon, bakit, bawal ba magpakita ng nararamdaman sa ibang tao? Di naman ako naghuhubad sa harap niya, Di ko rin naman siya sinusundan na parang aso, paminsan-minsang text lang at pinaparamdam na nandito ako.

Minsan, nakakawalang-gana din, nakababagot pa, paano naman kasi pakiramdam ko wala akong silbi. Oo nga at ‘di ako maganda, pero naman… mayroon naman akong halaga, kahit piso lang yun, ok na.

Alam ko naman na nakaiirita ang aking ginagawa, ang magtext ng paalala, bumati ng good morning, good evening at good night sa tuwina.

Minsan kinukuwentuhan ko pa nga siya, pero sadyang balewala sa kanya. Tanga nga talaga yata ako. Di nag-iisip ng kahihiyan ko. Sukdulang lumuhod pa ako.

At makiusap.

Pansinin mo naman ako oh..palimos ng pag-ibig mo.