BUNGANGANG BUBUYOG! MAKATING DILA…TSISMISAN NA!

“Oy, Mare, alam mo ba na buntis iyang anak ni Toyang?”

“TALAGA, Mare? Oy, sino ang nakabuntis?  Di ba nag-aaral ‘yan?”

“Ay naku, Mare, tinakbuhan ng lalaki!”

Minsan akong napalingon, sa umpukan ng aming kapitbahay. Umagang-umaga, ang agang nakasagap ng balita! Wala pang mga hilamos sa mukha, dakdak na sa tsimis ang inatupag! Ito naman kasing tainga ko, parang satellite, kay  daling makasagap ng mga mahinang bulong sa mga kapitbahay na istasyon.

“Oy Mare, alam mo ba na iyang si Roberto, iyong mister ni maricar, ay naku!  May kerida daw sa Saudi!”

“Talaga, Mare?? Paano nalaman ni Maricar?”

Biglang napahinto ang dalawang nagbubulunggan nang dumaan ang kinauukulan! Biglang nag-iba ang ihip hangin at kay lapad at tamis ng mga ngiti, ang ginawang pagbati!

Isang hapon, sa harap ng bahay sa hagdang kayawan ay nakaupo ang tatlong reyna ng the BUZZ at STAR TALK sa lugar namin habang panay pagtatanggal ng KUTO sa buhok ng bida, hindi mapigil ang kati ng dila para ikuwento sa mga kaibigan n’yang bubuyog din ang bunganga ang bago nilang nasagap na balita:

“Naku! Alam n’yo ba na mag-ON daw iyang si Dencio at Basyang?

“TALAGA? Di ba ikakasal na iyang babae sa itik na nadagit niya?”

“Ay naku! May nakakita daw na pumasok sa hotel ang mga iyan!  Alangan namang marorosaryo sila doon?” 

Dahil, sa putak ng putak ng mga bubuyog nakarating sa kinauukulan ang panirang-puri na tsimis! Kaya SUMMON sa PUROK, KAPITAN, at MAYOR ang natanggap ng mga taong walang magawa sa buhay kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. Sa ginawang paghaharap? Tulakan at walang aminan kung sino ang nagsabi sa panirang danggal:

“NAKU! MAYOR, WALA AKONG ALAM SA SINABI N’YA AT WALA AKONG SINABING GANYAN!”

Ito ang madalas na linya pag komprotasyon ay nagsimula! Kanya-kanyang ilag sa mga ibinato at binitiwang salita. Hugas-kamay, ika nga! Takot, baka pagbayarin ng danyos kapag napatunayan na talagang may sala, si Kapitbahay sa kanyang kapitbahay! Kaya huling salita SORRY PRESIDENT, KAPITAN, MAYOR!

Akala mo magbago na dahil humarap na sa mga baryo at munisipyo! Kaso, pagkaraan ng ilang minuto? Bumula na naman ang bunganga sa pagkuwento sa nangyari sa paghaharap sa summon na natanggap.

“BAKIT UROY AKO AAMIN?”

Linya ng tsimosa na hiindi mapigil ang bunganga! Bakit nga ba may mga taong ganito? Ito ay sakit ba talaga na di kayang gamutin? O Isang talento na taglay nila, ang maging isang TSISMOSA?

Buhay nga naman! Bakit di na lang magwalis sa kanilang bakuran? At makita nila ang duming kumalat sa sarili nilang tahanan! Ika ng, hindi kumpleto ang buhay ng isang mahalimuyak na bulaklak kung walang bubuyog na  umaaligid -aligid para kunin ang tamis ng katas ng petal na iyan! Kaya kung ikaw ang bida sa kuwento ng mga kontribida na mga Tsismosa? Tatagan ang loob sa mga kontrobersya na ibabato sa iyo!

Sana ay hindi matulad sa aming kapitbahay, na binaril sa bunganga dahil sa galit ng taong kanyangitsinismis; hindi kasi makontrol ang bunganga at kati ng dila kaya buhay ang kapalit ng isang tsismisan na iyan! Hay buhay nga naman! Kaya sa mahilig sa mga bulung-bulungan,  ingat lang po, baka sa pairap-irap at psstt at hoy mo kay kapitbahay at kaibigan, baka buhay mo ay malagay sa peligro! Dahil sa tsismisan ng buhay mo.

Itikom ang  bibig! Tumiingin  ka na lang!  ^_^