Batayan (Photo Credit: Pinoyexchange)

Ang batayan ko sa isang tao ay hindi tulad ng batayan ng iba.

Humahanga ako sa mga magulang ng mga nag-aaral ng nursing atbp. Yung mga mahal ang tuition at kailangan ng husay ng estudyante.  Pero hindi ako humahanga sa mga estudyanteng ito.  Hahanga ako sa kanila kung mapapasa nila ang mga board exams nila.

Nakalulungkot isipin na marami ang hindi nakakapasa at masasayang lang ang hirap ng mga magulang nila.

Ang batayan ko naman sa tunay na talino ay hindi ang kanilang kurso o grado kundi kung paano nila gagamitin ang kanilang talino, kung paano sila mag-react at kung paano sila magsalita kapag galit sila.

Dito, mas makikita mo ang taong matalino at ang taong may pinag-aralan. Ang taong may pinag-aralan, kailanman ay hindi padadaig sa biglang bugso ng kanyang nararamdaman.  Ang matalino, sa classcards nila makikita.  Yun lang, doon lang.

Ang batayan ko sa tunay na mayaman ay hindi sa pera lamang. Ang tunay na mayaman ay hindi na kailangan pang magtrabaho.  Hindi na kailangan pang mag-apply sa ibang pang company.  Ang tunay na mayaman ay iyung mga tao na ang inaayos lang at iniintindi ay iyong negosyo nila, wala nang iba.

Ang batayan ko naman sa isang taong mabait ay hindi kung ilang beses siyang nagsisimba; hindi kung ilang beses niyang sinusunod ang mga magulang niya,
kundi ang tunay na mabait ay iyong taong umiintindi sa mga taong hindi na maintindihan ng mundo.

Ang batayan ko sa taong masuwerte, ay iyong taong hindi mayaman, hindi kagandahan at hindi katalinuhan, pero pinagpala ng Maykapal.
Masuwerte ka nang matatawag kung wala kang sakit.  Mahirap ka man, pero wala ka namang karamdaman, laking suwerte mo na kaysa mga mayayaman na kinakain ng sakit ang loob ng kanilang katawan at ang perang hindi mabilang, ay sa hospital at gamot ang pinatutunguhan.

Masuwerte ka kung ikaw ay iyong may buong pamilya; na kahit isang kahig at isang tuka kayo, ang pagsasama n’yo naman ay walang kasing-saya kaysa sa mga pamilyang watak-watak na, magkakagalit pa, kahit pa anong yaman nila.

At ang panghuli, ang batayan ko sa buhay, ay hindi ang kasalukuyan, hindi ang nakaraan; kundi ang hinaharap.  Oo nga’t nagkamali ka sa nakaraan, ang mahalaga ay mayroon ka ditong natutuhan.

Hindi batayan sa buhay ang kasalukuyan. Oo nga at maganda ang buhay mo ngayon, pagbutihin mo, dahil sa mga susunod na taon, malay mo baka iiyak ka at  hindi lamang iisang araw.

Ang hinaharap ang pinakamahalaga.  Kung mahirap ka ngayon, huwag kang malungkot, dahil bukas at sa mga susunod pang araw, may pagkakataon kang yumaman.  Iyun ay kung gugustuhin mo lamang at kung ikaw ay magsisikap.
Kung nakasakit ka ngayon, huwag kang magpatuloy sa pagiging masama at sa pananakit; bukas ay may panibagong araw.  Sige at magpakabuti ka.

Lahat tayo ay iisa ang patutunguhan sa mundo at yan ay ang kamatayan; kaya habang hindi pa Niya binabawi ang buhay mo, umayos ka dahil kung hindi, Siya ang aayos sa iyo.

Isipin mo ito: ang mga ginagawa mo ba ay para sa hinaharap mo o para lamang magmayabang ka? sa mga nakakababa sa iyo?

Tandaan… na sa itaas, hindi mo madadala lahat ng achievement mo.  Bagkus, ang
madadala mo lamang ay ang konsensya mo na naglalaman ng mga nakaraan mo.

Mag-ingat…  minsan ka lang mabuhay sa mundong ito.