Gold-digger ( Photo Credit: odditycentral.com )

”I LOVE YOU, BABE….”

 ”I LOVE YOU, TOO!” 

Palitan ng matatamis na salita ng mag-asawang Carlo at L0vely. Sa araw-araw na pagpasok ni Carlo sa trabaho, baon nito ang matatamis na salita, paglalambing at pag-aalaga ng kanyang ubod na gandang asawa na si L0vely. Siya’y nagtataglay ng kagandahan at mala- porselanang kutis, sexy, makinis, at kaakit-akit. Masuwerte si Carlo sa kanyang asawa.  Maliban sa maganda,  mabait pa. Pero kahit ganito ang napangasawa niya, tinutulan pa rin ito ng kanyang mga magulang.  Hindi sila boto dahil mahirap lang ito samantalang si Carlo ay mayaman at galing sa pamilya ng mga Doktor at Abogado. Ayon sa Mommy niya, pera lang daw niya ang habol ng babaeng si L0vely. ”Carlo, nakakahiya! Hindi ko matatanggap ang mapapangasawa mo!  Isa siyang hampas lupa ambisiosang taga bundok!!! Ito ang masasakit na salita na narinig mismo ni L0vely ng minsang dinala siya ni Carlo sa bahay nila upang magpaalam na magpapakasal na ang dalawa. Nasaktan man si L0vely sa narinig, tiniis niya ang lahat ng ito.

Dahil na rin sa sobrang pagmamahal sa kanya ni Carlo, panatag ang loob niya na kailanman ay hindi siya iiwan ng binatang magbibigay sa kanya ng magandang kinabukasan at mag-aahon sa kanya sa kahirapan. Sa unang tingin, mapapansin kaagad ng tao ang kaibahan ng mag-asawa dahil si Carlo ay hindi gwapo at ibang iba sa itsura ni L0vely. Siya ay pandak,maitim, mataba at sa edad na 30, unti-unti ng nakakalbo. Kung batayan rin lang ng itsura ang sukatan ng isang relasyon at pagmamahal, si Carlo ay walang laban sa mga naging karibal niya sa puso ni L0vely. Marami itong naging karibal na gwapo, bata, matikas at macho.

Pero naging mautak si Lovely sa pagpili ng lalaking mamahalin niya at makakasama habang buhay. Bagamat hindi gwapo si Carlo, nabiyayaan naman ito ng katalinuhan at kayamanan. Madalas na bulong-bulongan ng mga tao. ”Hindi sila bagay!” Pero para kay L0vely, balewala ang pangangatiyaw ng iba basta ang mahalaga, hindi na siya magtitiis sa gutom.Busog na ang tiyan,busog pa ang bulsa.Pagkalipas ng anim na buwan ng kanilang pagpapakasal, napagpasyahan ng dalawa na sabihin ito sa pamilya ni Carlo. Dahil inisip ni Carlo na baka sakaling matatanggap din ng parents niya si L0vely kapag nagka-anak na sila. Sa sobrang pagmamahal ni Carlo sa asawa, hindi niya ito hinayaan na magtrabaho pa.

Dahil na rin sa matinding selos nito na nararamdaman sa tuwing may umaaligid na kalalakihan sa asawa,  inilayo niya ito. Bumili siya ng isang malaking bahay sa isang tagong lugar,malayo sa komiyunidad. Up and down, limang kuarto, tatlo sa taas at dalawa sa ibaba. Napapaligiran ito ng iba’t ibang puno,bulaklak at nasa paanan ito ng bundok sa kabilang banda naman ay makikita ang ilog. Ito ang ginawang paraiso ni Carlo at L0vely namuhay sila na parang si Adan at Eva. Sa paraisong ito walang ibang makakagalaw at makakaangkin sa pinakamamahal niyang asawa.

Noong una, masayang-masaya si L0vely sa ganitong pamumuhay dala marahil ng pananabik nito na magkaroon ng magandang buhay kaya niya ito na e-enjoy. Sa umpisa, wala na siyang mahihiling pa.  Napuntahan na rin nila ang magagandang lugar sa loob at labas ng bansa. Parte ng panliligaw noon ni Carlo sa kanya, nagpakitang-gilas ito ng husto sa lahat ng kapatid, kamag-anak at malalapit na kaibigan ni L0vely.  Naambunan rin ito ng grasya na bigay niya. Sino pa kayang babae ang tatanggi sa ganitong suwerte?

Sa tuwing umaalis si Carlo, si L0vely lang at hardinero nitong si Alan ang kasama niya maliban sa kasambahay.  Sa Sabado at Linggo lang pumupunta para maglinis at maglaba.  Tanging si Alan lang ang pinagkatiwalaan ni Carlo na maiwan para samahan ang asawa nito maghapon. Si Alan ay malayong kamag-anak ni Carlo at malapit ito sa kanya.  Halos magkasing-edad ang dalawa. Kabaliktaran ni Carlo si Alan.  Si Alan ay guwapo.  Sayang nga lang at hindi ito nakapagtapos ng pag-aaral kaya ito ang naging kapalaran ng binata, ginawang bodyguard ni L0vely. Sa araw-araw na magkasama ang dalawa nagkapalagayan ng loob si Alan at Lovely. May mga pagkakataon na kinukuntsaba ito ni Lovely.  Sinasama niyang mamasyal sa labas, maligo sa ilog at manguha ng mga prutas. Dahil ang tanging bilin ni Carlo kay Lovely ay huwag lumabas ng bahay. Sa bahay lang dapat siya at hindi maglalabas-labas. Sa sobrang pagmamahal ni Carlo sa asawa, nagiging strikto na ito at hindi niya namalayang nasasakal na pala ang asawang si Lovely sa ginagawa nito.

Hindi na rin nila namalayan na mabilis ang takbo ng oras. Limang taon na silang kasal at wala pa ring anak.  Hindi malaman kung sino sa kanilang dalawa ang may diperensya. Pero siguradong-sigurado si Lovely na hindi ito baog, dahil minsan na pala itong nagdalang-tao sa una nitong naging nobyo. Sadya niya itong pinalaglag. Tatlong buwan bago sila ikasal ni Carlo, nabuntis pala ito sa unang lalaki na inalayan niya ng kanyang pagkababae. Sa loob ng mahabang taon, inilihim niya ito kay Carlo Hindi alam ni Carlo na may itinatago palang kamandag ang babaeng inakala niyang mabait,tahimik at hindi makabasag-pinggan.

Si L0vely pala ay nababalutan ng misteryo ang kanyang pagkatao. May tago itong kalandian sa katawan. Isang araw maagang umuwi si Carlo para surpresahin ang asawa.  Makulimlim na at tila nagbabadyang uulan.  Pagdating niya ng bahay , hinanap niya ang asawa. Tinatawag niya at hindi niya ito makita.  Naisip niyang siguro’y hindi siya naririnig dahil sinabayan ng pagkulog at kidlat ang pagtawag nito sa asawa.  Hanggang sa narating niya ang kabilang kwarto na katabi ng kuwarto nila.

Bubuksan na sana niya ang pinto nang may narinig itong nagtatawanan, nagkikilitian at naglalampungan.  Boses ni Lovely ang naririnig niya. Umuungol ito at para bang nasasarapan sa kung anong ginagawa sa kanya ng lalakeng kasama niya. Lumakas ang pintig ng puso ni Carlo, nanginginig ito at ang sama ng kanyang kutob. Isa lang ang pumasok sa isip niya niloloko siya ng kanyang asawa. Pumasok ito sa kwarto at kukunin ang baril upang patayin ang asawa niya at kalaguyo. (ITUTULOY)