jovelynbayubayfacebook

Minsan ko na kayong pinaluha at pinatawa sa aking mga likha, mga kuwentong ipinagkatiwala na maisulat ng isang babaeng walang natapos na pinag-aralan at isang presong Inday sa Gitnang Silangan.

Minsan ko nang ibinahagi ang aking buhay sa mga kuwentong aking naisulat. Sino nga ba ako sa likod ng bawat kuwentong inyong nabasa?

Isa ako sa mga babae na hindi naranasan ang buhay dalaga, dahil maaga akong nag-asawa! Sa edad na 17 naging ganap akong ina!

Tama…Di man pinalad sa na makatapos ng pag-aaral pero mas naging mapalad dahil naging isa akong ina at asawa!

Isa ako sa mga babae na dumaan sa maraming pagsubok sa buhay! PAMILYA! PAG-IBIG! at BUHAY ABROAD..Sa bawat tinik na tumusok sa aking talampakan, sa bawat sugat nito at pilat ang bakas ng mga pagsubok ay mananatili sa pagkatao ko.

Isa ako sa mga babae na mababaw ang luha at kaligayahan! Pero, palaban pag karapatan ang naapakan ng mga taong huhusgahan ang panlabas kung kaanyuan. Taas noo akong KIKAY at PROBINSYANA na minsang naging katawatawa sa mata ng iba!

Isa ako sa mga babae, na mataas ang paniniwala na kaya kong sungkitin ang aking mga pangarap! Di hadlang ang aking kakulangan sa edukasyon at ang pagiging isang DOMESTIC HELPER ng ilan nang taon! Di man ako magaling mag-English pero, kaya kong isulat ang bawat kuwento ng buhay ninyo! Dahil, ito ang sinisigaw ng puso ko; ang ilabas ang nakatagong talino para maibahagi sa kapwa ko OFW!

Sa katuparan ng isang pangarap, isang librong aking naisulat, MASAYA DIN, MALUNGKOT DIN ( KARANASAN NG OFW) Ang makatanggap ng pagbati mula sa mga batikan at respetadong mga manunulat ay isang pagpatunay na hindi ko ihihinto ang nabuksan nang pinto ng isang Tsimay na kagaya ko.

Isang taos-pusong pasasalamat dito sa Tagpuan at sa mga miyembro ng page na ito, kayo ang nagbigay  liwanag sa bukas ng isang babaeng minsan nang nawalan ng pag-asa! Kaya ipagpapatuloy ko ang bawat pagmarka sa pluma at pagagalawin ko lagi ang tinta para sa mga kabanata ng buhay pakikibaka.

MABUHAY TAYONG MGA OFW!