http://www.fotosearch.com/photos-images/mother-child.html#comp.asp?recid=59993132&xtra=

Isa ako sa milyong mga kababaihan o maging ikaw kabayan! Na naging isang ina nang ilang taon sa tahanan na puno ng pag-asa! Sa isang pakikibaka dito sa dayuhang bansa.

Ilang taon na nga ba ako dito? Naku! WALONG TAON! Tama! Kay laking letrang otso sa buhay abroad ko. Sumagi sa aking isipan, ilang taon ko na palang iniwan ang aking nag-iisang anak sa piling ng aking mga magulang?

Bigla akong naupo, at malalim na buntunghininga ang aking pinakawalan.

“HAY! 13 YEARS OLD NA PALA ANG AKING ANAK!” Parang kailan lang nang s’ya aking iwan! Limang taong gulang pa lang siya! Ngayon, may binatilyo na pala ako sa edad kong TRENTA!

Sa pagsulat ko ng blog na ito, patak ng luha ay nag -unahan dahil isang alaala ang bumalik sa aking gunita. Parang kailan lang nang siya’y aking isilang, andun ako nang una s’yang gumapang at lumakad! Pati ang unang salitang MAAAMAMA ay kahalina halina sa tenga! Parang kailan lang nang huli ko s’yang turuan ng kanyang pangalan! Parang kailan lang nang huli kong nadama ang mga yakap sa aking katawan, ang isang inosenteng bata na aking yaman!

Subalit…

Ang lahat ay naglaho nang pansamantala, dahil nandito na ako sa dayuhang bansa! Sa bawat tingin ko sa mga dayuhang bata? Lagi kong linya ay: “GANITO NA KALAKI ANAK KO!”

Sa bawat tingin at kagat ko sa mansanas? Naisip ko: “ITO ANG PABORITO NG ANAK KO! SANA NANDITO S’YA!”

Sa bawat tingin ko sa mga damit na panlalaki sa mga mall? “KASYA ITO SA BINATA KO?”

Alam ko, hindi lang ako ang nakaranas ng ganito;  halos lahat ng INA! Sa mga nawalang taon bilang isang ulirang NANAY, ang daming mga bagay ang hindi ko nakita at nagawa!

Una: Ang unang pagpasok n’ya sa elementarya! Ang tulungan siya sa mga aralin niya at asikasuhin ang bawat gamit niya. Sana andoon ako!

Pangalawa: Na wala ako sa unang parangal sa kanyang unang medalya na handog sana n’ya sa akin! Sana andoon ako para maisabit ko ang karangalang yun!

Pangatlo: Na wala ako sa tabi n’ya sa mga panahong kailangan n’ya ng suporta ng isang ina!

Pang-apat: Na wala ako sa bawat kaarawan n’ya sa tuwing may wish s’ya! Sana andoon ako!

Pang-lima: Sana andoon ako sa bawat segundo, minuto at oras ng paglaki n’ya kaso di ko nagawa!

Isang anak na lumaki sa kalinga ng isang lola! Isang anak na ang mga kapatid ko ang tinatakbuhan sa tuwing kailangan ng makakausap! Isang anak na hinahanap ang isang ina na sana “ANDITO SI MAMA!”

Sa isang pagsubok na aking napagdaanan? Minsan na sana akong sumuko! Pero, isang makapangyarihan na salita ang tagos sa puso ko!

“NOY? PASOK NA, MATULOG NA TAYO!”

Linya ng aking kapatid sa aking anak! At ang tanging sagot:

“MAMAYA NA, TE! HIHINTAYIN KO ANG FALLING STAR! PARA MAG WISH AKO, NA MABUO ULIT KAMI NI MAMA AT PAPA!”

Walang inang nais tanggihan ang isang kahilingan! Puso ko ay dinurog sa mga katagang yun! Bakit kailangan pang mangyari ang mawalay sa mahal natin sa buhay? Bakit kailangang pamilya ay magdusa kapalit ng dolyar na pera? Alam natin ang mga sagot na iyan!

Ilang taon pa kaya ang mawala? Ilang taon pa kaya ang bibilangin natin bago natin madama ang yakap ng mga taong nangungulila? Ilang taon na lang kaya ang natitira para masaksihan natin ang paglaki nila? Ilang taon pa, kapwa ko OFW?