Labrador (Credits: http:t1.gstatic.com)

Nakataas ang tenga, kumakawag ang buntot, at kung may mas masayang pagsalubong pa na magagawa, marahil ‘di siya magdadalawang-isip na gawin yun.

Bata pa ko, mahilig na sa aso yung pamilya namin, mapa-askal man yan o mga half-breeds, pantay-pantay ang pagmamahal na ibinigay namin sa aso.  Lumaki ako at nakasanayan na tuwing uuwi ako ng bahay, isang halos tumatalon-talon sa saya na aso ang unang sasalubong sa akin dahil nakita n’ya ako. Halos daigin pa ng buntot niya ang wiper ng sasakyan sa pagkawag, minsan didilaan ka pa kapag sobra ka talaga niyang namiss. Ganyan ang mga aso, ang sinasabing “man’s best friend”.

Aaminin ko, noong medyo kabataan ko, inis ako sa aso. Paano kasi, ako lagi ang inuutusang magpakain sa kanila. Sa gabi kasi, itinatali namin yung aso sa may bandang likod ng bahay, kaya no choice ako kundi lunukin lahat ng takot ko na dulot ng panonood ko ng “Magandang Gabi Bayan – Halloween Special”. Minsan pa nga, hindi ko na ma-i-shoot yung pagkain nila sa lalagyan nila, dahil mabilis akong tumatakbo pabalik sa liwanag. Pero may isang pangyayari na hanggang ngayon, nagpatibay sa paniniwala ko na sa lahat ng nilalang sa mundo, walang papantay sa loyalty na ibibigay ng isang aso.

Kung hindi ako nagkakamali, onse anyos ako noon.  Ang kapatid kong bunso ay wala pang isang taon. Nagtatrabaho ang magulang namin pareho, kaya pag bakasyon, ako, bilang panganay ang nag-aalaga sa kapatid ko. Kung tama ang memorya ko, summer noon, walang pasok kaya kaming tatlong magkakapatid ang naiiwan sa bahay at hinihintay ang pag-uwi ng aming magulang. May aso kami noon, isang puting-puti na aso na may kalakihan. May lahi daw itong labrador, pero hindi nga lang puro, pero matikas pa din siya, sobrang lambing at amo. Naalala ko na tinawag namin siyang Papi, isang kolokyal na pagbaybay sa katumbas sa Ingles ng salitang tuta (puppy.)

Tuta pa lang siya noong una naming nakasama. Kasama pa nga namin siyang lumipat sa bagong bahay namin sa siyudad. Galing kami sa medyo probinsyang parte noon, kay nung lumipat kami sa siyudad, wala akong gaanong makalaro kundi siya. Naalala ko pa nung tuta lang siya, kung paano ako magpahabol sa kanya, kung paano siya tumahol na parang sinasabi na “huwag mo akong iwan” o kung paano niya pabirong kinakagat ang paa ko.

Mabilis siyang lumaki, at halos ‘di ko nga namamalayan. Sino nga ba kasi ang taong buong pag-oobserbang titingnan ang aso nila, susubaybayan ang paglaki? Naalala ko noong panahon na ito, madalas akong humiga sa sahig na sa kanya nakaunan. Aaayos pa siya nang higa o dapa para mas makaunan ako, o kaya ay didilaan ang bandang noo ko. Malinis siyang aso, halos araw-araw siyan kung maligo, minsan nga, sabay pa kami sa banyo. Hindi siya takot sa tubig kaya walang hirap siyang mapapaliguan kahit ng bata lang. Minsan nga, umaakyat pa siya sa kama ko, lalo sa umaga. Sa gabi kasi nasa labas siya, at sa oras na papasukin siya sa loob ng bahay, yung higaan naming magkakapatid ang pupuntahan niya. Didilaan kami sa tenga, na wari ay sabik na sabik dahil sa ‘di kami nagkita nang nagdaang magdamag.

Naalala ko pa, bumibili ako noon ng “Pork and Beans”, at sa sobrang pagmamahal ko kay Papi, kalahati noon ang ilalagay ko sa kainan niya, habang ang matitira ang magiging merienda ko. Minsan, pasimple akong kukuha ng pagkain o tirang ulam sa ref para pakainin siya, lalo sa gitna ng gabi. Madalas din siya sakyan ng bunso kong kapatid noon, na para siya yung hinuhulugan ng token sa mall. Kailanman, di siya nagalit.

Hanggang isang araw, nagdala ng tuta ang tita ko; dalawang sobrang cute at sobrang tabang tuta. Siyempre, dahil may bagong aso, doon lahat nabuhos ang atensyon naming lahat. Hindi namin napansin na parang tumamlay si Papi, marahil siguro, kahit sila nakakaramdam ng selos. Nagpatuloy ang kawalan namin ng atensyon sa kanya dahil sa mga bagong dating na tuta, ilang araw pa ang lumipas at talaga namang tumamlay si Papi. Lalapit pa din siya pag tinawag mo, kakawag pa din yung buntot, pero parang bawas na yung saya sa bawat galaw niya.

Hanggang isang umaga, ‘pag gising ko, nakita ko na lang na warak ang sapatos ko. Literal itong sira-sira, may mga bakas pa ng kuko at ngipin. Nakita ko si Papi sa malapit, at marahil dahil sa nakasanayan, masigla siyang lumapit sa akin para batiin marahil ako ng mgandang umaga. Pero naasar ako sa nakita ko, sinira niya ang halos ilang buwan pa lang na sapatos ko, at sa galit ko sa ginawa niya, ibinato ko yung isang pares ng sapatos. Sapol siya sa mukha, alam kong malakas ang pagkakabato ko. Halata sa bawat ingit niya na nasaktan siya, bahag ang buntot na lumayo sa akin at sumiksik sa ilalim ng maliit na lamesa sa harap ng bahay namin. Nagpatuloy pa ang asar ko sa kanya, kaya di ko siya pinakain ng araw na yun. Kahit na umiingit siya at umiiyak, di ko pinansin.

Matapos ang ilang araw, napatawad ko din siya. May nakapagsabi kasi sa magulang ko na, kaya daw kumukutkot ang aso at ngumangatngat ng gamit ay maaring sa dahilan na kinukulang ito ng atensyon. Bumalik naman sa dati si Papi matapos ang ilang araw, at siguro dahil din sa nagsawa na kaming magkakapatid sa paghawak at pagkarga sa dalawang bagong tuta.

Hanggang isang araw nga, bakasyon noon, kaya nasa bahay kaming tatlong magkakapatid, habang nasa trabaho ang magulang namin. Tanda ko na, inutusan ko ang kapatid ko na bumili sa tindahan, habang ako naman ay busy na nakikipaglaro sa bunso namin na noon ay wala pang isang taon. Nang biglang marinig ko na umiiyak ang mga tuta, hindi lang basta iyak, kundi halos alulong na may pagmamakaawa. Kinilabutan nga ako, dahil parang kinakatay ang tunog ng bawat hiyaw nila. Dali-dali akong lumabas, hawak ko pa ang kapatid ko noon, habang isang manipis na patpat ang nasa kanang kamay ko. “Lagot sa akin si Papi kung inaaway na naman yung dalawang tuta”, yun ang nasa isip ko.

Paglabas ko ng pinto, nasindak ako sa nakita ko. Literal na wasak ang katawan nung isang tuta, habang ang isa ay buhay pa, pero kagat-kagat ng isang may kalakihan ngunit galisin at payat na aso. Tumutulo ang laway nito at wari isang halimaw na galing sa panaginip mo. Kasabay na tumutulo ng laway nito ang dugo ng pobreng tuta na nasa bibig niya. Asong ulol, yun lang ang naisip ko, at sa buong buhay ko, di ko makakalimutan ang itsura ng asong yun. Lumingon ako sa gate, at tama ang hinala ko, naiwan itong bukas ng kapatid ko, kaya malamang nakapasok ang aso na ito at marahil ay kaya wala si Papi sa harap ng bahay namin.

Nataranta ako, nakita ko kasi na lumalaban pa ang tuta at pilit kumakawala sa pagkakaipit ng pangil ng asong ulol. Idagdag pa ang malakas na pag-iyak ng tuta na animo ay humihingi ng tulong dahil sa sobrang sakit na nararamdaman niya. Ibinaba ko ang kapatid ko at dali-dali akong lumapit sa aso, gamit ang bata kong boses, binugaw ko ito. Pero walang epekto, marahil para sa kanya, hindi dapat katakutan ang maliit kong boses. Umiyak na ang kapatid ko, marahil ay takot na din ito kaya lumapit siya at nagtago sa likod ko.

Sa kawalan ng maiisip pang gawin, buong lakas kong inihampas ang patpat na hawak ko sa asong ulol, naputol ito sa lakas ng hampas ko, at tumalab ang sakit sa aso. Umungol ito at binitawan ang tuta sa bibig niya. Kaso, hindi ko inaasahan ang sumunod na ginawa ng aso. Humarap ito sa amin ng kapatid ko, sa tingin ko sa kanya, walang pag-aalinlangan sa desisyon niya na kaming dalawa naman ang lapain. Napalunok ako ng laway, naging malikot ang mata ko sa pwedeng ipanghampas o ipangsangga sa papasugod na aso. Wala kaming kalaban-laban sa pangil ng asong maghahatid ng rabies sa bawat kagat na gagawin nsa amin. Inisip ko ang kapatid ko, kung makakagat man ako, sana ‘wag madamay si bunso.

Malapit na akong mawalan ng pag-asa noon, hindi ko na nga din naisip pa na tumakbo dahil siguradong aabutan din ako. Basta naisip ko lang, ‘pag sumugod yung aso, kamay ko na lang ang ipapakagat ko, tapos papatakbuhin ko kapatid ko (ang aga kong morbid noon). Nagsimula na nga humakbang yung aso, humigpit ang hawak ni bunso sa short ko, kahit sa mura niyang isipan, alam niyang hindi maganda ang paparating na pangyayari. Bahala na, yun ang nasa isip ko.

Pero bago pa kami tuluyang nawalan ng pag-asa, isang kaibigan ang dumatingl. Aaminin ko na kanina ko pa iniisip kung nasaan ba siya, dahil alam ko na siya lang ang makakatulong sa amin. Dumating si Papi, at halos madapa siya sa bilis nang pagsugod niya galing sa bukas na gate. Walang pagdududang sinakmal niya ang asong ulol na sana ay susugod na sa amin ni bunso. Nakatulala ako, literal na sabong ang naganap, noong una, proud pa ako, sabi ko, ang galing talaga ni Papi. Pero nung nagsimula akong makakita ng dugo, nang makita kong duguan na si Papi, doon ako nagsimulang sumigaw sa kapitbahay.

“Manong! Manong! May asong ulol po dito!!!!”

 

 

Paulit-ulit ko yung sinabi, para akong sirang plaka. Nakatitig pa din ako kay Papi, na buong tapang na nakikipaglaban. Dumating nga ang kapitbahay namin, may dala siyang pamalo, at ‘di gaya ng kapirasong patpat na dala ko, sa dala ni “manong”, tiyak na masasaktan ang asong ulol kapag tinamaan nito.

“Manong, si Papi po baka tamaan ha…”

 

 

Yun ang bilin ko, dahil sobra-sobra na ang sakit na mayroon si Papi para masaktan pa siya ulit ng pamalo ng kapitbahay namin. Isang palo mula kay manong, at kumaripasng takbo ang duguan asong ulol. Si Papi naman, buong tatag na tumatahol sa tumatakbong aso, kahit na ‘di niya maitukod ng maayos ang isang paa at duguan ang tagliran at mukha niya. Pinapasok na kami ng kapitbahay namin sa loob ng bahay at sila na ang tumingin kay Papi. Sobrang proud ako noon kay Papi, dahil nagawa niya kaming ipagtanggol.

Nang dumating ang magulang ko, doon ko nalaman ang masamang balita.  Maari daw na nahawahan si Papi ng rabies ng asong nakaaway niya, at maaring kailangang patayin si Papi. Umiyak ako, sumigaw at nagalit. Nakatali na nga kako si Papi sa likod, papatayin pa namin. Hindi umiimik si Mommy, pero sigurado ako na nakita ko siyang umiiyak. Ayaw kaming palapitin ng Daddy ko kay Papi, baka daw kasi kagatin kami. Noon, di ko maintindihan, basta masamang-masama ang loob ko, ipinagtanggol kami ni Papi, kahit himas di ko magawa para sa kawawang alaga ko.

Pagkaraan ng ilang araw, tumamlay na nga si Papi, ang sugat niya ay nagsimulang mangitim. Nangayayat siya at pumangit, pero wala akong pakialam. Para sa akin, si Papi pa din ang makisig na asong nagligtas sa amin ng kapatid ko. Pinatay si Papi limang araw matapos ang insidente, nagwawala na siya noon, at naglalaway. Iyak ako ng iyak, ayaw kong patayin nila si Papi. Nauunawaan ko naman ang pangyayari, pero may isang parte ng utak ko na pilit tumututol, isang parte marahil na punong-puno ng guilt. Sa kabila ng lahat ng nagawa niya, wala akong nagawa para bawasan ang sakit at paghihirap niya. Umiiyak ako, kahit himas lang sa isang nilalang na handang magbuwis ng buhay para sa amin, di ko nagawa.

Patay na si Papi nung nahawakan ko siya ulit. Inilibing siya sa harap ng bahay namin. Ginawan pa namin siya ng lapida na gawa sa karton at nagtulos ng krus na gawa sa patpat na pinamalo ko sa asong ulol. Nalaman namin na ‘di lang pala si Papi at yung dalawa naming tuta ang naging biktima ng asong ulol, ilan sa aso ng mga kalapit bahay namin din ang nahawahan ng rabies.

Simula noon, ibang pagpapahalaga at pagmamahal ang ibinigay ko sa aso. Tuwing magkakaroon ako ng alaga, iniisip ko na may parte ni Papi na nasa kanila. Iniisip ko na lahat ng ‘di ko nagawa kay Papi noon, gagawin ko sa kanila. Marahil, kung totoo man na may kaluluwa din ang aso, kung totoo man na pwede din silang maging multo, natutuwa siguro si Papi dahil buong pagmamahal ang ibinibigay namin sa bawat aso na kagaya niya.

Dekada na ang lumipas, maraming taon na ang nagdaan, pero sa alaala ko, hindi mawawala ang isang espesyal na nilalang. Wala man akong maibigay na parangal o rebulto, plaque o kaya ay isang bag na grocery items para alalahanin ang ginawa ni Papi, mananatili akong habangbuhay na nagpapasalamat sa isang buhay na alam kung paano magpahalaga sa ibang nilalang, kahit pa nga di nya kauri ito. Madalas nating marinig ang mapanghusgang salita na “parang kang aso”, naisip kaya natin, na minsan, mas angat pa ang aso sa ibang tao? Pahalagahan ang anumang may buhay, sa dulo, yan lang naman ang summary ng sinulat ko. Dahil hindi natin alam, na ang buhay na pinahalagahan mo ay siya ring pala magpapahalaga sa buhay na nasa sa’yo.