(Photo Source:  Wikimedia)

Dinar… unang nahawakan ng aking misis sa bansang kanyang napuntahan, baon ng kanyang paglisan ang isang pangarap sa aming tahanan, ang magkaroon ng magandang kinabukasan ang bunga ng aming pagmamahalan; ang tatlo naming mga anak!

Sa kanyang pakikipagsapalaran, tiwala ay aking hinawakan na hindi n’ya ako pagtataksilan. Isang pakikipagsapalaran na ang padre de pamilya ay naiwang mag-isa sa tahanan na buo sana.

Tama ka, kabayan, isa ako sa mga mister na naiwa.  Insulto man sa pagkatao ko na si Misis ang naghahanapbuhay para sa pamilya ko! Pero ito ay sinuklian ko ng tapat na pagmamahal sa kanya kapalit ng Dinar na kita n’ya ay ang malinis at tapat ako sa kanya!

Dalawang taon akong naghintay, pati mga anak ko na nangungulila sa kanilang ina! Isang pagkikita na labis naming pinanabikan ang yakap ng pangungulila at linyang:

“NA MISS KA NAMIN NANG SOBRA, GHA!”

Sa kanyang pagbalik, ako naman ang umalis para gampanan ang isang responsibilidad bilang haligi ng tahanan. Kaya isang pamamaalam ang aking iniwan:

“ALAGAAN MO ANG MGA ANAK NATIN! MAMIMISS KO KAYO! MAHAL KITA, GHA!”

Sa bansang Arabo ang naging destinasyon ng bagong buhay ng isang Tatay, hawak ko na ang RIYAL na kapalit ay libong halaga sa peso na pera! Buwanang padala sa pamilya, tiwalang ibinigay sa aking asawa ay sandaang porsenyento talaga.

Ngunit..

Tila kita ko ba ay hindi sapat? Dahil muli itong nagpaalam na bumalik sa bansang kanyang napuntahan at muling hawakan ang DINAR na yan! Kahilingan ay aking pinagbigyan kahit lapag sa aking kalooban na iiwan naman n’ya ang aking mga anak! Talagang nagpupumilit kaya pinalipad ko ulit!

DINAR at RIYAL yan na ang aming income! Bigatin sa mata ng karamihan, akala ng iba dolyares ang laman ng savings sa bank book! Pero, iba ang naging istorya ng buhay ng inyong kuya.

“GHA! PADALHAN MO KO NG PERA DITO SA KUWAIT!”

Ultimatum ang hingi, dahil misis ko nga at ako ay nagtiwala, hala, sige, pirma agad kay Western Union!

Naging buwanan na ang hingi, kesyo ganito at ganun ang rason! Pag ako’y nagtanong kung nasaan ang iyong ipon? WALA ang laging salitang isasagot! Kaya duda at pangamba ang aking nadarama na.

Di niya natapos ang kontrata, umuwi na walang dala, ako ay nagtaka? Pero, dahil misis ko nga, ako ay naniniwala sa kanyang salita. Naiwan ako dito sa Gitnang Silanggan, hindi ako nagkulang sa aking pamilya! Pero, bakit kailangan pang dumaan sa sitwasyon ng isang OFW ang lokohin ang mga taong nagsasakrapisyo?

Dahil si Misis ko ay nalulung sa bisyo! Inuman dito kasama ang kaibigan n’ya kuno? Yun pala ang naging kaibigan ng kanyang puso! Nang aking mabalitaan, ako ay umuwi dala ang sakit sa puso! Pero, humingi ng patawad dahil wala naman daw talaga! Tiningnan ko ang kanyang cellphone isang txt mula sa kanyang katxtmate:

“MAGTIPID-TIPID KA DIYAN SA PERA!”

Agad kong kinumpronta, sagot n’ya TEXTMATE LANG NAMAN YAN!

Tindi ng aking misis! Pinatawad ko para sa mga anak ko, dahil ina nga s’ya ng mga ito!

Ngunit…

Ang kati ay hindi talaga magamot dahil sa aking pagbalik dito sa SAUDI! Isang balita ang aking natanggap: SI MISIS KO AY SUMAMA KAY KAPITBAHAY DAHIL BUNTIS NGA DAW! PINALAGLAG!

Kinamumuhian s’ya ng aking mga anak; hindi man lang nahiya na may dalaga na kami! Ano ba ang aking nagawa? Dahil hindi ako guwapo at walang porma kumpara sa kerido niya? O sakit talaga ng isang di makaiwas sa tukso?

Kung kapalan nga daw ng mukha patok! Dahil bumalik at humingi ng tawad sa nagawang pagkakasala! Puso ko ay gustong magpatawad, pero, mga anak ko ay ayaw tumanggap! Utak ko ay natuliro kung ano ang dapat gawin! Dahil sa DINAR at RIYAL, SANA NAGING PISO NA LANG!  Hindi sana nasira ang aking pamilya.

Note: HANGO SA TUNAY NA KUWENTO NI KUYA, IBINAHAGI NIYA PARA MAISULAT KO ANG KWENTO N’YA SALAMAT MGA KATAGPO!