Lonely girl (Photo credit: weheartit.com)

Lonely girl (Photo credit: weheartit.com)

Isa akong dalagang ina, dahil hindi pinanagutan ang anak ko ng kanyang ama. Nagawa n’ya kaming lokohin at iwan noong nasa sinapupunan ko pa lang ang anak ko. Kaya naman pinairal ko ang pride ko. Sinabi ko na kaya kong buhaying mag-isa ang anak ko. Ang masakit nga lang, para siyang bato. Na kahit durugin mo na siya, hindi ka pa rin mararamdaman. Para lang siyang poste na nakatayo at hindi gumagalaw. Sinabi ko sa kanya na hindi ko na siya aasahan. Na kaya kong palakihin ang anak ko na wala siya. Pinakita ko sa kanya na malakas ako. Na kayang kaya ko. Kahit na umiiyak at nagmamakaawa ang kalooban ko na sana, tulungan n’ya ako. Na sana h’wag n’ya akong iiwan at ng magiging anak namin.

Ganoon nga ang nangyari. Hindi na din talaga ako pinakialaman ng ama ng anak ko. Masaya na kasi siya sa bago n’ya, at balewala na ako sa kanya. At para masupurtahan ko ang pangangailangan ng anak ko, lumayo ako. Umalis ako ng Pinas upang magtrabaho sa lupang banyaga. Kahit masakit na iwanan ko ang anak ko, tiniis ko yun dahil mas naaawa naman akong wala akong maipapagatas sa kanya habang magkasama kaming dalawa. Wala na kasi akong trabaho noon, at ayaw ko din naman umasa sa mga magulang ko.

Habang nasa ibang bansa ako, gabi-gabi ay umiiyak ako. Namimiss ko nang sobra ang anak ko. Minsan hindi na din ako nakakakain dahil iniisip ko ang kalagayan naming mag-ina. Halos nauubos ko yung kalahating sahod ko ng isang buwan, pantawag lang sa ‘min para makumusta ang kalagayan ng anak ko. Hindi ko maiwasang isipin kung ano ang magiging bukas naming mag-ina. Nasasaktan pa rin ako ako noon dahil sa ginawa sa ‘min ng kanyang ama. At dahil wala akong ibang mapagsabihan ng sama ng loob ko, sa facebook ko lahat ito pinapakawalan.

Hanggang sa bigla na lang ako may nakilala at naging kaibigan dito. Isang lalaki na noong una, hindi ko alam kung ano ang magigimg papel n’ya sa buhay ko. Bigla na lang kasi siyang dumating noong mga oras na kailangan ko ng taong masasandalan. Bigla na lang kasi siyang dumaan sa harapan ko noong mga araw na ang mga mata ko ay luhaan. Para bang binigay siya ng Maykapal para magsilbing sandalan ko. Ibinigay siya para magsilbing lakas ko. ibinigay siya para tagapahid ng mga luha ko.

Mula noong dumating siya, masasabi kong nag-iba ang mundo ko na dati balot na balot ng kalungkutan. Nagkaroon ng kulay ang bawat araw ko na dati hindi mo na mailarawan sa kakupasan. Matagal na naging kabigan ko siya. Naging karamay ko sa lahat ng problema. Naging kakulitan, kaasaran at minsan naman kami ay nagbabanatan. Para lang kaming magkakilala sa totoong buhay. Araw-araw nag-uusap kami, kwentuhan ng kanya-kanyang buhay, kanya-kanyang pinagdaanan, kanya-kanyang kahinaan. Kaya naman sa tagal na ng pagkakaibigan namin, masasabi kong kilala na namin ang isa’t-isa kahit na hindi pa kami nagkikita.

Sa tagal ng pagkakaibigan namin, naikuwento ko ang lahat sa kanya. At doon siya lalong naawa sa ’kin. Ayaw kong isipin na kinaaawaan n’ya ako, pero ramdam ko yun. Damang-dama ko ang pagdamay n’ya sa sakit at lungkot na aking nararamdaman noon. Tandang-tanda ko pa nga noong tinanong niya sa ’kin ang totoong pangalan ng ama ng anak ko. Kakausapin n’ya daw siya at gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para daw hindi na ako malungkot.

Hinanap nga niya ang ama ng anak ko sa Facebook. Nagpanggap pa siyang babae para lang hindi siya mahalata, kasi alam kong iniiwasan kami ng ama ng anak ko. Hanggang sa siya na mismo ang nagsabi sa ‘kin na hindi ko na nga dapat asahan pang babalikan kami ng ama ng anak ko. Mas lalo lang daw akong masasaktan habang naghihitay at umaasa sa wala. Umiyak ako noon pero pinatahan n’ya ako. Pinawi n’ya ang lungkot na nararamdaman ko.

Sabi n’ya, nandito lang daw siya. Laging handa para damayan ako. Kapag may kailngan daw ako, h’wag daw mahihiyang magsabi sa kanya. Dahil hindi lang daw kaibigan ang turing n’ya sa’kin. Kapatid na din daw n’ya ako. Napaluha ako sa tuwa dahil mayroon akong isang katulad n’ya.

Sa paglipas ng buwan, hindi ko maitatago na napalapit na ng sobra ang loob ko sa kanya. Dahil sa kabaitan n’ya at pagmamahal bilang kapatid na ibinibigay n’ya sa’kin. Naramdaman ko noon na nahuhulog na ako sa kanya. Pero itinago ko yun. Hindi ko yun ipinahalata sa kanya dahil alam kong, malabo. Dahil may anak na ako, at siya naman ay binata pa. At ayaw ko din na baka ‘pag inamin ko, iyon na ang dahilan para layuan n’ya ako.

Hanggang sa dumating yung araw na nararamdaman kong parang nahuhulog na din ang loob n’ya sa ’kin. Hindi ko alam kong tama nga yung pakiramdam ko noon. Hanggang sa dumating kami sa punto na hindi na naming mapigilan pareho ang aming nararamdaman. Nagkasalubong ang aming mga puso na matagal nang nag-iiwasan.

Tinanong ko siya,

“Bakit ako?” Bakit ako pa?” Marami naman d’yang iba. Marami naman d’yang dalaga at wala pang lamat sa buhay. Hindi tulad ko na may anak na.”

Heto ang sagot niya,

“Noong nakita kitang nalulungkot, nilapitan kita. Mula noong pinangarap kong maging masaya ka. Nakipag-kaibigan ako sa ’yo. Naging masaya ka nga. Pero habang tumatagal, parang nararamdaman kong mayroon pa ring kulang. Itinuring kita bilang isang tunay na kapatid. Ganoon pa rin ang nangyari, naging masaya ka nga, pero habang tumatagal, nakikita ko pa rin ang kalungkutan sa iyong mukha. Napaupo ako sa isang sulok. Tulala, napapaisip at nagtatanong sa sarili ko, “ano pa ba ang kulang?” Wala akong malamang sagot. Wala akong mahanap na sagot, maliban lang sa kabog ng dibdib ko. Kung nakakapagsalita lang ang puso ko, “mahal kita” iyan ang maririnig kong sasbihin nito. Kaya naman pinagbigyan ko. Ngayon, mahal na mahal na kita. Kung ako ay mahal mo din, ipagkakaila mo pa ba? Kung ito ang makaapgbibigay sa’yo ng saya, tatanggihan mo pa ba? Kung nagyon sinasabi ko na MAHAL KITA, bibiguin mo ba?”

Hindi maipaliwang na kilig at saya ang naramdamn ko noon. Parang hindi pa rin ako makapaniwala na may lalaki pa palang katulad niya, na matatanggap ang isang dalagang ina, na tulad ko. Sa kanya ko naramdaman ang tunay na pagmamahal. Dahil sa kanya, unti-unti kong nakalimutan ang mapait kong nakaraan. Dahil sa kanya, unti-unting bumabangon ulit ang mga pangarap ko na noon ay natumba na dahil sa mga pinagdaanan ko sa buhay.

Siya ang kauna-unahang lalaki na ginuhit ko ang mukha niya. Siya ang lalaking laging nagpapaiyak sa’kin, hindi dahil sinasaktan niya ako, kundi dahil sa saya na ibinibigay niya sa’kin araw-araw. Siya ang lalaking hindi ko inaasahang darating sa buhay ko. Siya ang lalaking nagmamahal sa’kn ngayon ng tapat at totoo. Siya ang lalaking walang mukha na matagal nang dumadalaw sa panaginip ko.

Tao ka ba o angel. Iyan ang palagi kong tinatanong, kapag tinititigan ko ang larawan niya. Iyan ang tanong na laging nabubuo sa isip ko sa gabi habang iniisip ko siya. Lagi kong kinakausap ang larawan niya. At habang ginagawa ko yun, lagi namang lumuluha ang aking mga mata. Lalo na kapag nakasentro na ang aking paningin sa kanyang mapupungay na mga mata. Parang nagsasalita sila, parang naiintindihan ng mga mata niya ang nararamdaman ko, parang naririnig niya ang mga sinasabi ng puso ko.