Love, Beach and Sunset (Credits: www.muslimmatters.org/)

Masakit. Hindi niya eksaktong alam kung ano yung masakit, pero hindi maganda sa pakiramdam. Habang nakasubsob siya sa balikat ng ate niya, habang nanginginig ang dibdib niya sa pagpigil na lumakas ang paghugulgol niya, pilit niyang pinapakiramdaman yung sarili niya. Gusto niyang sapukin ang sarili, ingudngod sa matigas na gawa sa Narra na lamesa niya hanggang mabunot lahat ng ngipin niya, para lang mapaniwala niya ang sarili niya na dapat siyang tumigil masaktan. Pero masakit talaga. Pinakiramdaman niya yung sarili, hindi na maabutan ng kamay niya yung bilis ng pumapatak na luha sa magkabilang sulok ng mata niya. Basa na ang kaliwang parte ng t-shirt na malapit sa balikat ng ate niya, na walang reklamo na sumalo ng lahat ng butil ng hinanakit niya. Maya-maya, pinakiramdaman niya yung sarili niya, ayaw pa din niyang mag-angat ng mukha, nahihiya siyang humarap sa ate niya. Ramdam niya ang bawat pagtapik nito sa balikat niya, na parang sa pagtapik na yun pinaparamdam ng ate niya na pinapahid nito ang anumang masakit na nararamdaman niya.

 “Tama na yan, Pot.”

Nanibago si Stephen sa boses na narinig niya. Hindi ito ang tipikal na boses ng ate niya. Nagsimulang kabahan si Stephen, boses lalaki ang narinig niya. At kung di siya nagkakamali, ang kuya niya ang nagsalita. Umangat ang mukha ni Stephen, bakas ang pinaghalong pagkagulat, pagtataka at pagkatakot habang unti-unting sinisilip ang taong nasa tagliran ng Ate niya. Huwag naman sana, huwag naman sana na ang mapang-asar niyang kuya ang nakakita sa kanya habang nag-a-ala “John Loyd” siya na eksena. Parang namutla siya ng makita si Red na nakatayo sa may pintuan niya. Anak ng amag, huling-huli siya nitong umiiyak, at malamang ay magsisimula na itong magbukas ng aklat nito na may title na “101 Paraan Para Asarin Ang Asar Mong Kapatid na Masarap Asarin dahil Asar Sa’yo”. Tiningnan niya si Red, sa oras na bumuka ang bibig nito at magsalita ng kahit anong may kinalaman sa pag-iyak niya, nangangako siyang bubuhatin niyang mag-isa ang kama niya at ipapakat sa tonsils ng kuya niya.

Red:    Ano bang problema, Pot?

Nanibago na naman siya. Hindi ito ang usual na tono ng boses ng kuya niya, hindi ito ang boses na nakakairita sa umaga, ang boses na nagsasabi ng isang libong pang-aasar na kinalakihan niya. Punong-puno yun ng pag-aalala, kahit ang mismong mukha ng kuya niya, ngayon lang yata niya nakita na sobrang seryoso.

Amber:   Yung ikinuwento ko sa ’yo, Red.

 Bigla siyang napatingin sa ate niya. Tama ba yung narinig niya, ikinuwento ng ate niya yung napag-usapan nila dati. Tumingin siya sa ate niya, sa mata niya bakas ang pagtatanong kung totoo ba na alam ng kuya niya lahat. Tumango ang ate niya, nakumpirma ang takot niya. Dahan-dahan siyang lumingon sa kuya niya, anumang oras ay bubuhatin na niya talaga ang kama niya at ipapasak sa ngala-ngala ng kuya niya. Pero nagulat siya, walang bago sa nag-aalalang ekspresyon ng kapatid niya. Teka, nanaginip ba siya. Totoo ba na pinalagpas ni Redentor Domingo Jr. ang pagkakataon na asarin siya?

Red:    Ano bang problema, Pot? Puwede mo namang i-share sa amin para hindi ka mag-isang nagdadala niyan.

Amber:   Matagal na niyang alam yung tungkol sa nararamdaman mo kay Jenny. Ang totoo Pot, mas nauna pa niyang nalaman kaysa sa akin, nung kinuhanan ka niya ng video nung nagsayaw ka, nagtataka na yung kuya mo kung sino o ano ang dahilan para magawa mo yung bagay na pinakaisinumpa mo.

Matagal na pa lang alam ng kuya niya, pero wala itong sinabi kahit ano. Parang naguilty bigla si Stephen sa mga naisip niya dati, na paniguradong pagtatawanan siya ng kuya niya, aasarin siya, nun pala, kahit paano, alam ng kuya niya kung kailan dapat irespeto ang nararamdaman niya.

Red:  Ano ba talaga ang problema Pot? Makikinig kami ni Ate.

 

Nagsimulang magkwento si Stephen, mula sa simula kung paano siya nagplano na magtapat kay Jenny, hanggang sa ilang ulit na naramdaman o ipinaramdam ni Jenny kung gaano kahalaga sa kanya si Nico, kung paano kayang magsakripisyo ni Jenny kay Nico. Kung paano handang iwan ni Jenny ang ibang tao para kay Nico. Lahat-lahat ng nasa isip ni Stephen, pinakawalan na niya, ang hirap kasi, parang nakakabaliw, paulit-ulit na lang niyang naiisip. Hindi ka makakain, parang walang lasa kahit gaano kasarap pa yung nakahain. Sa gabi, pagpikit mo, bakit yung alaala pa ng nangyari ang maaalala mo, yung nag-iisang bagay na pilit mo sanang kinakalimutan ang siya pang multong magpapagising ng diwa mo. Ang katotohanan na di pa siya nagsisimulang lumaban para kay Jenny, mukhang talo na siya.

Amber:  Tatanungin ulit kita, anong plano mo ngayon?

 

Stephen:  Hindi ko alam, wala siguro.

 

Red:  Anong wala?! Ano ka ba naman tol, papatalo ka ba?

 

Natingin siya sa kuya niya, ewan kung ano ba yung naging dating sa kanya nung sinabi ng kuya niya. Parang naasar siya kasi parang sa kabila ng ikinuwento niya, hindi pa rin siya naintindihan ng kuya niya, pero para sa kabilang parte ng utak niya, natutuwa siya na may nagtutulak pa din sa kanya na gawin yung isang bahagi ng pagkatao niya na nanatiling nakatayo at buong tatag at pagmamalaking iwinawagayway ang bandilang may larawan ng nakangiting si Jenny.

Stephen:   Eh, ano ba dapat ang gagawin ko?

Red:   Simple lang, dapat—– (naputol ang pagsasalita ni Red ng biglang sumagot si Amber)

Amber:  Ikaw dapat ang sumagot sa sarili mong tanong, dahil ikaw ang kikilos at magpapasya sa susunod mong gagawin. (natahimik na si Red sa sinabi ng ate niya).

Stephen: Hindi naman niya ko tatanggapin eh.

 

Red:   Paano mo nalaman?

 

Amber:  Nagtanong ka na ba?

Stephen:   Kahit naman hindi ako magtanong alam ko si Nico ang gusto niya.

 

Red:  Pot, hanggang hindi nangyayari ang bukas, lahat ng gusto mo ngayon ay plano pa lang. Kahit na gaano kalaki ang kasiguraduhan at pag-aalinlangan mo, hanggang hindi pa nangyayari, lahat ay nakasalalay pa din sa pagkakataon.

 

Amber:  Sinabi ba niya sa iyo na gusto niya si Nico?

 

Stephen:  Hindi ako nagtanong.

 

Red:   Bakit hindi ka nagtanong?

 

Amber:   Kasi natatakot ka sa isasagot niya?

 

Stephen:  (tumango) 

 

Red:  Teka, bakit mo ba pinoproblema kung mahal niya si Nico?

 

Stephen:   (nagtaas ng mukha si Stephen at buong pagtatakang tumingin sa kuya niya) bakit? Hindi ba dapat?

 

Red:   Hindi! Ang dami mo kasi masyadong iniisip kaya ka naguguluhan sa buhay mo eh.

 

Amber:  Tama si kuya mo, sa ngayon, dapat, hindi muna yun ang isipin mo. Take it one step at a time.

 

Stephen:  Ano’ng ibig nyong sabihin?

 

Red:  Ano bang problema mo ngayon?

 

Amber:  Yung pinakaproblema?

 

Stephen:  Naiinis ako kay Nico?

(umiling yung dalawa)

Stephen: Nagseselos ako kay Nico?

 

Red:   Tama yun pero hindi pa din yun.

 

Amber:  Dahil totoo man o hindi yung pagseselos mo, mawawalan pa din ito ng halaga, dahil sa ngayon, wala ka pang karapatan sa salita na yan. (natahimik si Stephen, tama yung ate nya, sa sitwasyon ngayon, kahit katiting, hindi dapat siya magselos, dahil wala siyang karapatan.)

 

Stephen:  Nagagalit ako kay Jenny?

 

Red:   Hindi pa din.

 

Amber: Nagagalit? Baka nagtatampo, pero hindi siguro galit.

 

Stephen:  Naiinggit ako kay Nico?

 

Amber:  Bakit ka naiinggit?

 

Stephen:  Gusto ko, ako yung nasa kalagayan niya pagdating kay Jenny.

 

Red: Tama. Anong dapat mong gawin para mangyari yun?

 

Stephen:  Kailangang malaman ni Jenny na gusto ko siya.

 

Amber: Na mangyayari lang kapag….?

 

Stephen: Nagtapat ako sa kanya.

 

Red/Amber: Hay salamat!

                 

Red: Nakarating din tayo.

 

Amber: Nabubulagan ka lang at naalilito sa mga emosyong nararamdaman mo, pero ang sagot sa problema mo ay nanatiling yung unang hakbang na dapat una mong gawin.

 

Red:    Magtapat ka sa kanya Pot. Ano man ang maging sagot niya, ginawa mo na lang yung kaya mong gawin.

 

Stephen:   Paano kung…?

 

Red:   …kung di ka nya gusto? (tumango si Stephen) Bumabalik ulit tayo sa kanina.

 

Stephen:  Sige, paano kung buo na yung loob ko na magtapat, tapos di nya pala ako gusto?

 

Red:  Di panindigan mo yung ginawa mong desisyon.

 

Amber:   Mahal mo lang ba siya dahil mahal ka din nya? (umiling si Stephen). Yun naman pala, walang ibang paraan Stephen para malaman mo ang sagot sa tanong mo kundi bitawan ito sa kanya, sa nag-iisang tao na sasagot nyan.

 

Stephen: Natatakot pa din ako.

 

Red: Pot, naramdaman mo ng masaktan ngayon di ba? Huwag kang matakot masaktan, kasama yan sa pagiging buhay, matakot ka na habang buhay na magtatanong ng “ano kaya kung…?” o ng “naging ok kaya kung…?” Kung may bagay sa mundo na hindi na talaga maibabalik kahit ano pang gawin mo, yun ay nasayang na oras at panahon.

 

Amber:   Madaming tao na ang naduwag sa una, ang sumubok pero natakot sa gitna, ang sumubok pero di sumapat ang katatagan, ang sumubok pero nabigo. Kung sakaling mabigo ka, hindi lang ikaw ang nabigo, madaming nabigo at piniling bumangon ulit, pinilit hanapin yung nakalaan talaga para sa kanya. Hindi ko sinasabing magaan at maliit lang ang nararamdaman mo ngayon, siguro ang gusto ko lang sabihin, kung magmamahal ka, hindi sapat na sabihin, iparamdam o pakita mo lang ito. Madalas ang pagmamahal, may kasamang pakikipaglaban, na kung susukuan mo, malamang sa dulo, hindi talaga ito mapapasaiyo.

 

Red:   Ngayon, kung natatakot ka pa din talaga, hindi mo naman kailangang pwersahin ang sarili mo. Takot ka eh, walang makakasisi sa iyo kahit sarili mo pang kuya, kahit tawagin pa kitang “torpe” at “mahina” (literal na tumawa si Red na parang nang-iinis, sumimangot si Stephen), seryoso Pot, kahit ano pang sabihin ng tao, ikaw pa din ang nakakakilala sa sarili mo. Ikaw lang makakapagsabi kung kailan ka handa.

 

Amber: At masasabi mo lang na handa ka na, pag nagsimula kang maniwala sa sinasabi mo na handa ka nga. Bata ka pa, yun ang totoo, sa mga ganitong pagkakataon, mahirap maging masyadong seryoso. Hindi ko sinasabing laro-laro lang ang nararamdaman mo, kahit na sinong tao, walang karapatang husgahan yung nararamdaman mo, sana lang, kung sa palagay mo mahihirapan ka sa papasukin mo, isipin mong madaming dekada pa ang maaring dumaan sa buhay mo. At kahit anong mangyari, may mga taong kakampi mo sa kahit anong laban na mapapasukan mo.

 

Red:  Kakampi mo, tama o mali ka man, basta kampi kami sa iyo.

Natahimik si Stephen. Nakangiti ang ate niya habang tumatango-tango naman ang kuya niya. Hindi niya alam kung ito din yung mga salitang gustong bitawan ng kuya niya kanina, pero nagpapasalamat siya na di basta-basta pumayag si Amber na manggaling kay Red ang gagawin niya. Pinaunawa sa kanya ng dalawang kapatid niya ang mga bagay na kailangan niyang gawin. Kung gusto niya talaga si Jenny, magtapat siya. Kung natatakot siya, hindi naman din masamang maghintay, pero habang naghihintay, huwag masyadong seryosohin lahat ng bagay.

 

Lumabas na ang dalawa niyang kapatid. Nahiga si Stephen sa kama niya habang nakatingin sa kisame. Ilang oras din siyang nasa ganung posisyon. Ang daming naglalaro sa isip niya pagkatapos ng pag-uusap nilang magkapatid. Nagpapasalamat na din siya, wala man yung magulang niya, hindi maikakaila na napakalaking tulong na magkaroon ng kapatid na kagaya nila. Ang sarap ‘pag nakakausap mo ang pamilya mo.  Nakita niya ulit ang gitara, sa pagkakataon na yun, gusto na naman niyang tumipa at kumanta. Ewan ba niya kung anong meron sa gitara, na ang bawat salita na gumugulo sa isip niya, basta naikanta niya, nagiging maayos na.

 

Isip ko ay gulo, ‘di alam ang gagawin

Kung ako’y iiwas at sa ‘yo ay sasabihin

Na ako sa ‘yo’y may pagtingin

‘Di mo lang ito napapansin

 

Meron bang makapagsasabi iniisip kita

At meron bang may alam na laging hinahanap ka

Kung ako naman ay iiwas, malalaman mo ba

Na ako ay may lihim na pagsinta….

 

Alam mo ako’y mayro’n ding gustong sabihin

‘Wag ka na magtaka, ‘pagkat mayro’ng aaminin

Na ako sa ‘yo’y may pagtingin

‘Di mo rin ba ito napapansin

 

Meron bang makapagsasabi iniisip kita

At meron bang may alam na laging hinahanap ka

Kung ako naman ay iiwas, malalaman mo ba

Na ako ay may lihim na pagsinta

 

 

Natigilan si Stephen sa pagkanta dahil sa ilang mahihinang palakpak na narinig niya. Nagmamadali siyang nagtaas ng mukha mula sa pagkakayuko sa gitara upang mamasdan kung sino ang di niya inaasahang tagapanood.

                “Aminin mo na kasi, (sabay ngiti) …yung lihim na pagsinta na yan…”

 

Gulat na gulat si Stephen. Nakangiti sa kanya ang maamong mukhang ni Aya habang patuloy ang mahihinang palakpak.

Enhanced by Zemanta