Illustration - An image of a palm reading palmistry. (Photo credit: http://www.123rf.com)

Illustration – An image of a palm reading palmistry. (Photo credit: http://www.123rf.com)

H’wag kang maging TAMAD, dahil walang mangyayari sa buhay mo.  MAGSIKAP KA!

H’wag kang REKLAMADOR, dahil kahit ano pa ang gawin mong reklamo ‘di ka aasenso. KUMILOS KA!

H’wag kang PALA-ASA, dahil mamatay ka sa gutom kapag wala na sila. KUMAYOD KA!

H’wag kang ABUSO, dahil walang mararating ang buhay mo.  AYUSIN MO ANG BUHAY MO

H’wag kang maging EASY GOING, dahil hindi puro sarap ang buhay mo. MAG-IPON KA!

H’wag kang GASTADOR, dahil hindi sa lahat ng oras may pera ka. MAG-INVEST KA!

H’wag kang SUMUKO, dahil kaya mo yan at hindi totoo na hindi mo kaya lahat. MAGPAKATATAG KA!

H’wag kang TUMIGIL, dahil ang buhay sa mundo, kapag tumigil at sumuko ka wala ka. HUWAG KANG SUMUKO, LUMABAN KA!

H’wag kang PABAYA sa TRABAHO. Hindi lahat ng tao ay meron MATATAG NA TRABAHO TULAD MO!

H’wag kang SUMUKO. Alalahanin mo katawan mo lang ang NAPAPAGOD!

H’wag kang kang maging MAHINA. Tandaan mo MALAKAS KA!

Marami pa dapat ‘yang mga sasabihin ko, kaso baka magalit ka na sa ‘kin.

Sige kwentuhan na lang kita,  namnamin mo ang bawat mababasa mo.  Huwag kang mag-alala short-cut naman ito, pero ‘yon nga lang sa dami ng karanasan ko sa buhay, hindi na rin ito summary kong tatawagin ko.  Ilang beses ko rin itong ginawa, kaso laging naghahang ang computer ko.  Sabi ko baka hindi ko na kailangang e-share sa’yo ito, pero nanaig pa rin ang kagustuhan kong ibahagi ito sa’yo.  Gusto ko kasi meron kang matutuhan kahit papano, alam ko kasi mayrooron kang pinagdadaanan sa ngayon. At dahil sa’yo, muli kong bubuksan ang aking nakaraan.   Sundan mo ang mga sumunod dito ha? Alam ko hahangaan mo ako.  At iyon ang iyong alamin kung  BAKIT?

Isang pagbabalik tanaw sa aking nakaraan, pero ipagpaumanhin mo dahil kailangan kong itago  ang tunay kong pagkatao, baka kasi ma discover pa ako eh!  Ayaw ko maging artista, kaya ipagpaumanhin mo ulit.

Ipinanganak ako sa liblib na lugar sa isang mahirap na probinsya.  Mula sa isang mahirap na pamilya, na nakaranas kumain na walang ulam. Nakaranas na niyog lang ang ulam at asin. Nakaranas na saging o kamoteng-kahoy lang ang hapunan.  Walo kaming lahat na magkakapatid, at ako ang panganay na nabubuhay dahil ang nauna ay namatay noong dalawang taon pa lamang ito.  Ang buhay sa probinsya ay sobrang mahirap, kailangan mo pa ang maglakad ng mga ilang bundok o ilang kilometro, para lamang mag-igib ng tubig pang-luto at inumim.  Banat na ang buto at kailangan nang tumulong sa mga magulang sa paghahanap-buhay.  Dati ay medyo maalwan ang buhay namin kahit papano, dahil pinasok ng tatay ko ang pagtitinda ng marbol sa Maynila; pero noong natuto magbisyo ang aking ama, ay biglang nagbago ang lahat.  Umabot din sa puntong nanakit na ang aking ama, naranasan naming magkapatid kung paano kami kastiguhin, iyong napapaihi ka pa dahil sa sobrang hirap at sakit.

Naranasan ko ang tumalon sa bintana sa pag-iwas lang na masaktan ulit, at matanggal na naman ang laman sa puwet ko bunga ng palo ng “uway.”  Naranasan ko rin ang ako ay paluin sa gitna ng kalsada, gamit ang panggatong kong dala, dulot ng kasalanan ng iba. Ipinapahiya ako ng tatay ko, namimilipit ako sa sakit sa tuwing tatama iyong panggatong kong dala.  Panggatong na kung saan ay kinukuha ko tuwing sabado para pangluto ko sa bayan habang nag-aaral ako ng elementarya.  Umabot din sa puntong pati ang nanay ko ay kanyang sinasaktan, nandun ang suntukin sa ulo o di kaya ay iuuntog ng ama ko ang ulo ng inay ko sa dingding ng bahay namin. Wala kaming magagawa, dahil ang tatay ko ay malaking tao at nakakatakot.  Nanlilisik ang mga mata at talagang sagad kung magalit.  Mabait ang tatay ko kapag wala sa impluwensya ng alak.  Katunayan, para siyang santo kapag hindi nakainom, tahimik lang at nakikipagkwentuhan din naman.  Ang dinig ko noon, natuto ang tatay ko gumamit ng marijuana dahil ang mga barkada niya ay mga PC o pulis kung tawagin ngayon.  Fourteen years old lang ang ama ko at eighteen naman ang inay ko nang sila ay aksidenteng naipakasal.  Ayon sa kwento, napilitan lang dahil nanguha ng kahoy, hindi na sila nakauwi.  At ang talagang gusto ng ama ko ay ang kapatid ng inay ko.

Kuripot ang tatay ko, pero marami siyang pangarap sa buhay para sa amin, pero mas kinakitaan ko nang pagsisikap ang aking inay.  Ang inay ko ang mas kumikilos, masipag at maalalahanin, katunayan isusubo na nga lang ni inay ay ibibigay pa sa amin.  Active na Baranggay Health Worker ang aking inay, at sa kunting sweldo at supply na skim milk noon at mais, nakakain kami ng masarap na mga imbentong luto ng nanay ko.  Nag-aral ako sa bayan, kahit butas ang aking tsinelas at mayoron lang isang pares ng uniform, sige lang ang pasok ko.  Hindi ako nakikisalamuha sa aking mga kaklase na alam kong  mayaman o may kaya.  Nagtatago ako sa gilid ng grandstand kapag oras na ng reces, nahihiya kasi ako na ang ulam ko ay bukayo o minsan ay balitsaw o bagoong isda.  15km ang kailangan kong lakarin, balikan araw-araw, para lamang makapasok sa eskwelahan.  Puro galing sa kawang-gawa ang aking sinusuot, pati ang aking mga panloob na damit ay bigay din.  Ang aking sapatos ay iyong usong itim na tela at goma ang apakan nito. Butas na nga ang dulo at labas na ang aking hinlalaki.  Nakikipagpalit ako ng kamoteng kahoy sa klasmeyt para lamang magkaroon ng papel.  Nagtitinda ako ng luto namin ng inay ko na suman tuwing linggo, para lamang mayroon kaming pantustus sa pag-aaral at pagkain na din minsan, lalo na kapag ang aking ama ay walang kita.

Ang iba kong mga kapatid ay kinuha ng aking lola at tiyahin.  Payag naman ang aking tatay katwiran n’ya ay para mayoong makasama ang lola at tiyahin namin.  Grade-six ako ng hindi ko na natiis ang pananakit ng tatay ko.  Alam ko na napakabait kong anak, masunurin ako at sobrang masipag daw at magalang pa, ayon sa mga tiyuhin at tiyahin ko.  Kaya naman noon kapag kinakastigo ako o kaming magkapatid ng aming ama, lagi nila itong pinangangaralan.  Umiiyak na lang ang aking lola, kapag nakita niyang naihi na ako sa sobrang sakit.  Naransan ko ang habulin ako ng “sanggot” at salamat nakakatakbo ako ng mabilis sa mga kakahuyan.  Naranasan ko ang ako ay batuhin ng palakol, at tinamaan ako sa aking gulugod, dahilan para ako’y halos himatayin.  Doon ako nagsimulang nagkaroon ng sama ng loob sa aking ama, at doon ko rin unang binalak na magpakamatay. Naririnig ko lang ang iyak ng lola ko, nagmamakaawa habang tinatawag ang aking pangalan sa kakahuyan.  Alam n’ya na nandoon ako, at alam ng lola ko na maglalason ako, dahil naririnig ko habang nagtatago ako na, alam nila na kinuha ko ang panglason o insecticide.  Lalo akong naghimagsik tuwing nakikita ko ‘kung paano n’ya bugbugin ang aking inay, para kasing abogado ang tatay ko. Gusto n’ya siya lagi ang tama at hindi p’wede mangatwiran ang aking ina, kahit sino pa man na mga kainuman n’ya o mga kamag-anak namin, pati na rin ang kanyang mga kapatid.  Pero, uulitin ko napakabait ng tatay ko kapag hindi siya lasing.

ITUTULOY……