Mother and daughter (Photo credit: blindgossip)

Mother and daughter (Photo credit: blindgossip)

Anak mo ba yan, ate? Akala ko pamangkin mo”. Sabay tawa at sabing, “mas maganda ka pa sa kanya!

Pwede nang talian ang nguso ko dahil sa mahaba na nga, lalo ko pang pinahahaba kapag naririnig ko ang mga papuri o pamimintas na ‘yun. Hindi ko tuloy mawari kung matutuwa ako para sa nanay ko o maiinis dahil lalo tuloy nadadagdagan ang pagka-insecure ko sa aking ina. Gusto kong itago ang aking mukha kapag may kausap siya at bigla akong ipakikilala. Sariwa pa sa aking isipan ang mga sinabi ng ilan noon, lalo na ang kanilang mga reaksyon. Halos matunaw ako sa titig nila, pakiwari ko’y naghahanap ng ebidensiya kung saan at paano ako naging anak ng aking ina. Kung naging mas maldita lang siguro ako e masasagot ko sila ng, “oo na, mas maganda na siya! So? Anong paki mo?

Noong bata pa ako ay madalas ikumpara ang mukha ko sa nanay ko, dahil malayo nga naman talaga ang itsura ko sa aking ina. Maganda si mama – may kaputian, singkit ang mga mata, medyo matangos ang ilong at laging nakangiti. Maganda rin ang katawan niya noong siya’y dalaga pa at hanggang ngayon ay napanatili niya ang kanyang magandang pangangatawan. Hindi siya mataba at hindi rin payat, katamtaman lang. Sa katunayan, mas bata siyang tignan kaysa sa tunay niyang edad. Samantalang ako’y lumaking parang tomboy, madalas nakasimangot, dagdag pa ang sungki kong ipin sa harap. Hindi rin ako naging pala-ayos, hindi rin naman masasabing ako’y gusgusing bata. Sa katunayan, madalas akong purihin ng aking mga guro noong ako’y nasa highschool dahil “neat and clean” daw ako magdala. ‘Yun nga lang, hindi ko nakahiligan ang mag bestida o maglagay ng mga kolorete sa buhok at mukha, tama na sa akin ang suklay at polbo.

Gayunpaman, hindi ko rin sigurado kung kawangis ko ang tatay ko. May itsura din naman siya noong kabataan niya. Ang sabi nila, nagmana daw ako sa mga kamag-anak ng tatay ko. Hindi ko man alam kung kanino, hindi na ako interesado. Madalas akong nagse-self pity noon kapag maaalala ko ang mga sinasabi nila. Lalo na kapag teenager ka at nagkaroon ng mga crushes at malalaman mong meron siyang crush na iba. Ang lagi kong nasasabi sa sarili ko, siguro kung naging kasing-ganda ko lang si mama, magiging crush din niya ako. Kawawang bata, bakit pa kasi nauso ang “crush”.

Ipinagtatanggol din naman ako ni mama kung sinasabi nilang mas maganda siya. Pero dahil sa ako’y isip bata pa, nagkaroon ako ng inggit at selos sa aking ina. Madalas kapag kami’y may pinupuntahan at kailanganng magbihis ng maganda, lagi niya akong tinatanong kung ayos na daw ba ang kanyang damit, ang kanyang buhok, o ang kanyang make-up o lipstick. Ang paumay kong sagot ay, “ayos na” sabay dagdag, “mapula naman yata masyado ang lipstick niyo”. “Maganda nga ang mapula”, sagot naman niya sabay tanong, “Ikaw, bakit ayaw mo mag-lipstick kasi?”. “Ayaw ko nga, kapag nadilaan ko wala na, useless din”, pabalang kong sagot.

Alam kong gusto niya akong ayusan at makitang hindi nalalayo sa mga nagdadalagang kabataan. Late bloomer kasi ako, lumaki akong mahiyain at walang  tiwala sa sarili dahil na rin sa mga pamimintas na naririnig ko. Lumaki akong humihiling na sana ako at si mama ay magka-mukha.

Lumipas ang panahon at salamat sa Diyos ay naging malawak ang aking pang-unawa. Nagkaroon ako ng pagkakataon na makapangibang bansa. Dito ko mas nakilala at naunawaan ang aking sarili. Naging mas maayos na ang aking pananamit, pananalita at pakikisalamuha. Nagkaroon din ako ng sapat na pera para mapalagyan ng braces ang sungki kong ngipin. Ngayon halos papuri na lahat ang aking naririnig o nababasa kapag nag-post ako ng aking mga larawan sa aking facebook account. Pero aaminin ko man o hindi, talbog pa rin ako kay mama. Di bale, ano pa man ang sasabihin nila ay hindi na ‘yun mahalaga. Dahil ang pinupuri nila ay ang aking ina, na siyang nagpalaki, nag-aruga at nagmamahal sa akin ng lubos. I must be very proud to say, siyempre nanay ko yan eh!