OFW  Funny Photos (Photo credit: all-pinoy-jokes.blogspot.com)

OFW Funny Photos (Photo credit: all-pinoy-jokes.blogspot.com)

Marami ang nahihikayat mag-abroad dahil na rin sa pang-eengganyo ng ilan. Madali kang yumaman. Mas malaki ang sweldo. Mas makakatulong sa pamilya. Mas makakaipon.

Sana nga ganun ang buhay ng bawat OFWs. Sana sa kanilang mga trabaho, nasusuwelduhan sila nang maayos, hindi minamaltrato ng mga amo, hindi bugbog sa trabaho, nasusunod kung ano ang nakasaad sa kontrata, nabibigyan ng off at hindi nabubulyawan ni Sir at Madam at sana hindi namomolestya ng amo. Pero hindi e, dahil ang totoo, kabaliktaran ang nangyayari sa ilan. Bugbog sa trabaho ang mga empleyado, wala pang sampung libo minsan ang sahod, naabuso sa pamamagitan ng sobra-sobrang oras ng pagtatrabaho, nasisigawan at nasasaktan ni amo.

Masaya sana kung ang OFWs ay natutulungan ng gobyerno dahil kung tutuusin, malaki ang naiaambag ng bawat perang naipapadala sa Pilipinas. Pero hindi eh. Ang ilang embahada ng Pilipinas, hindi umaaksyon sa tuwing kailangan ng tulong ng ibang OFWs. Kung hindi umalma ang mga OFWs, may 50$ pa na dagdag singil noon pati na rin ang usapin sa PhilHealth ngayon.

Maganda sana kung ang mga pamilya, kamag-anak at kaibigan ng OFWs ay nauunawaan sila. Yung hindi iisipin na mayaman ang OFW at hindi hingi dito, hingi doon. Kaso, kapag hindi mo napagbibigyan, ikaw ang masama. Kapag sinabi mong wala kang pera, madamot ka na. Kapag sinabi mong wala kang ipon, ang ilan ay sinasabing “nag-abroad ka pa”. Ang ilang mga anak, hindi pa nag-aaral mabuti. Ang ilang asawa, naghahanap pa ng kalinga ng iba.

Pinakamaganda sana sa lahat, ang mga OFWs ay matutong magpahalaga sa kanilang kinikita. Matuto sanang turuan ang kanilang pamilya kung paano sila pahalagahan upang hindi masayang ang pinaghihirapan sa abroad. Matuto sanang labanan ang homesick at kalimutan ang init ng katawan upang hindi masira ang pamilyang iniwan. Matuto sanang mag-impok upang hindi na tumagal sa abroad. Matuto sana lumaban kung kinakailangan. Matuto sana tumingin nang pantay-pantay sa kapwa OFW at h’wag maging mayabang dahil sa abroad, tayo dapat ang nagtutulungan.

Higit sa lahat, maging matatag sana sa lahat ng pagsubok na pinagdadaanan sa abroad habang nag-iisa. H’wag sanang sumuko dahil wala naman nagtatagumpay na hindi dumadaan sa kabiguan.

Isang pagsaludo po sa bawat OFW kahit saang sulok man ng mundo.

Enhanced by Zemanta