Woman on Cellphone (Photo Credit: Colourbox)

Alam mo ba kung gaano kahalaga ‘yang cellphone na hawak mo?  Alam mo ba na maaaring buhay ang katumbas ng cp mong yan?  O kaya’y kaligayahan?  Kapanatagan ng isip? 

Baka naman puro kilig lamang o kaya’y panloloko ang hatid ng cp sa buhay mo?  Chizmax gadget o kaya’y pangkalap lang ng mapagkakatuwaang textmate na puwede mong i-eyeball?

Naku…puwede bang pakibasa ito?  Baka naman makalabit ka ng ilang kuwento dito; malaman mo ang lalim ng kahalagahan ng load mo at cellphone.  Mas mabuti na ang napaaalalahanan kaysa sa dumating ka sa panghihinayang o pagsisisi at maibato mo pa ang cp na hawak mo!  ^_^

Ang Kuwento ni Monet

“Bakit ka ba tawag nang tawag???  Nakaiirita ka na, Nay!”  Ito ang agad sinabi ni Monet sa kanyang nanay na DH at nanny sa ibang bansa.

Gusto ko lang marinig ang boses mo, anak!  Bakit ka ba nagagalit?” ang may himig-tampong balik-tanong ni Nanay.

Kasi, Nay, ang kulit n’yo.  Puwede ba namang araw-araw kayong tumatawag?  Manghinayang naman kayo sa load n’yo?  Nakaiirita na talaga eh, para kayong imbestigador na tanong nang tanong kung nasaan na ako.  Eh nasa Pinas lang naman ako, saan pa ba naman???” ang sarkastikong sagot ni Monet sa ina.

“Anak naman, inaalam ko lang kung nakauwi ka na ba, masama ba yun?  Me inilaan naman akong budget sa pagtawag.”

“Wala namang nababago sa sagot ko eh.  Nandito lang ako sa school o kaya nasa bahay.  Nakasasawa na kasi ang tanong n’yo!” ang walang pakundangang tugon ni Monet.

“Ay siya, ‘wag ka nang magalit.  Kumain ka na ba, anak?  Ano’ng ulam n’yo ngayon ng mga kapatid mo?”

“Naku namannnn… pati ba naman ulam, itatanong n’yo pa?  Basta nakakain, kinakain namin. Sige na ho, babye na!”

At naiwang mag-isang nagsasalita ang kawawang nanay sa kanyang cellphone.

Ang Kuwento ni Angela

“Wow!  Ang gara ng cp mo!  Ikaw na!  Ikaw na ang me mudra sa London!” ang madalas sabihin ng mga kaibigan at kamag-anak ni Angela.  Aba’y me IPhone4S ka ba naman sa edad na trese?

Pero tumalikod lamang si Angela upang hindi makita ng kaibigan ang luhang namumuo sa kanyang mga mata.  Birthday niya kasi at malapit nang gumabi pero hindi pa niya naririnig ang ring na sana’y mula sa kanyang Mommy sa London.  Mukhang hindi na naman ito tatawag kagaya noong graduation niya noong Marso.   Hindi na yata natatandaan ng kanyang Mommy ang kanyang birthday o  anumang mahalagang araw sa kanya. Karaniwan nang tumatawag lang ang kanyang Mommy tuwing mayroon itong ipinadalang box o package o pera.

Alas dose na ng gabi.  Hawak niya ang magara niyang cellphone.  Umaasang tutunog pa rin ang kanyang cp, ngunit tahimik lamang ito.  Tuluyan nang umiyak ang batang si Angela.

Ang Kuwento ni Papang

 “Hello, Pang, how are you?  We had delicious kare-kare for dinner,” ang sabi ni Sherald  sa kanyang Papang.

Wow, ang sarap n’yan ah.  Eh di naparami ka na naman ng kain n’yan?  Huwag ka agad matutulog ha,” sagot ni Papang sa anak.

“Nope, I’m doing my homework, Pang.  My sister is watching TV and she said she’ll call you tomorrow.”

“Naku, ang tamad talaga n’yang makipag-usap. Sige, bukas kamo ha, tumawag siya, wala akong trabaho bukas.”

“What are you doing now, Pang?”

“Well, as always, scratching my butt while watching some news and having my dinner alone, hehehe, what’s new?”

Blah-blah-blah…..  nagpatuloy ang usapang kahit ano lang…hanggang sa nagpaalaman na ang mag-ama.

At nakangiti nang hihiga si Papang.  Panatag, masaya, mapapahimbing ng tulog.

Araw-araw yan.  Iisa lang ang kahilingan ni Papang sa kanyang dalawang anak; ang tawagan siya araw-araw kahit sandali.  Magkaibang bayan sila dahil naghiwalay ang mag-asawa, may sampung taon na ang nakararaan.  Minsan sa isang buwan at kapag pinalad ay dalawang beses kung dumalaw ang kanyang mga anak sa kanya.  Nakatira kasi ang mga ito sa kanilang ina, ayon sa napagkasunduan sa korte.  Alaga niya ang mga ito sa sustento at maayos naman ang kanilang relasyon bilang mag-aama.  Malungkot lamang si Papang dahil mag-isa na lang siyang namumuhay dahil hindi na niya ninais pang muling mag-asawa.  Sapat na sa kanya ang mayroon siyang dalawang anak na araw-araw ay tinatawagan siya at nalalaman niyang maayos ang mga ito.

Ang Kuwento ni Roberto

Lunes ng umaga:     Bippp……”Dad, sa Biyernes na ang bayaran ng tuition ng mga anak natin ha.  Pagkasuweldo mo, padala mo na agad.” (Text message ni Misis)

Martes ng gabi  :           Bippp…. “Dad, kailangan daw ng scientific calculator na Casio ni Argel at saka tester na heavy-duty.  Ipadala mo sa kaibigan mong pauwi.”  (Text message ulit ni Misis)

Miyerkules ng tanghali:  Bippp… “Wala na kaming lotion at pabango, Daddy, isabay mo na rin sa calculator at tester ni Argel ha.” (Text message ni Doreen, ang kanyang dalagita)

Huwebes ng madaling-araw:   Bippp… “Baka makalimutan mong ipadala yung pera mamya ha.  Hindi sila makakatest.” (Muli, text message ni Misis)

Huwebes ng tanghali :  Bippp…..“Naipadala mo na ba?”

Biyernes ng gabi :   Bippp…. “Ay, nakuha ko na nga pala kahapon ng hapon. Nakabayad  na ako sa school.  Namili na rin ako ng mga bagong plato, pangit na kasi yung ginagamit namin.”

Sabado, Linggo, Lunes, Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado na naman.  Wala nang tunog ang cp ni Roberto.  Napabuntunghininga na lamang siya.  Wala siyang sakit, pero bakit may kirot sa kanyang dibdib?  Sa susunod na suweldo muling tutunog ang kanyang cellphone…hayyyyy, buhayyyyy.

Ang Kuwento ni Josefa

Solo parent si Josefa, may tatlong anak na teenagers.  Kayod-kalabaw siya para matustusan ang pangangailangan nilang mag-iina dahil isa na itong biyuda.  Pero dahil sa mga eksklusibong kolehiyo niya pinag-aral ang mga ito, hindi siguro naiwasan na puro mga may-kaya ang mga kaibigan ng kanyang mga anak at madalas mapasama ang mga anak sa mga out-of-town, sa mga gimmicks, sa pagmo-malling.  Sanay na silang bihirang magkita sa gabi o maging sa weekends man.  Nag-aaral naman nang mabuti ang kanyang mga anak, pero bahagi na ng buhay ng mga ito ang social life kasama ng mga kaibigan.

Ipinaaalam naman ng kanyang mga anak kung saan sila pupunta at kung sino ang mga kasama at kung kailan uuwi.  Maluwag si Josefa sa mga ito dahil hindi na nga siya halos nakapaglalaan ng panahong mailabas o maipasyal ang mga anak dahil sa dalawang trabaho niya.  Pero bukod sa pagpapaalamanan kung saan pupunta, hindi madalas at hindi mahilig magtawagan o magtexan ang mag-iina.

Ang nakalulungkot na bahagi…. Isang Linggo ng gabi ay halos magkakasunod na dumating ang magkakapatid sa kanilang bahay mula sa weekend out-of-town trips.  Nauna lamang ang bunso ng isang oras at agad nitong tinawag ang dalawang kapatid na papauwi na rin at malapit na sa bahay.  Nadatnan nilang nakahandusay sa sahig ang kanilang ina at iba na ang kulay dahil dalawang gabi at dalawang araw na itong walang buhay!  Hawak pa nito ang cellphone na tila nagtangkang tumawag ngunit hindi na nakayanan dahil sa atake sa puso.

—–

Ilan lamang sa kuwentong cellphone ang mga ito.  Marami pang iba.

Si Monet na kay sipag makipagtext at makipag-usap sa kanyang mga kaibigan at nobyo, pero inip na inip at naiinis sa pagtawag ng inang nasa malayo.  Hindi nakaiisip na ang simpleng tawag na iyon ay kapanatagan at kaligayahan ang katumbas sa kanyang ina.  Kaya nga sila pinadalhan ng pinag-ipunang cellphones, upang hindi sila mapatid kahit sila’y magkakalayo, di ba?

Si Angela. Sinisikap punan ng maraming magulang sa pamamagitan ng materyal na bagay ang kanilang pagkawala.  Nalilimutan nila ang aspetong emosyonal na pangangailangan.  Ilang minutong pagkausap man lamang sana; pagpapahalaga sa damdamin ng mga iniwang anak.  Money may matter a lot sa buhay, but love matters most, di ba?

Si Papang na napakasaya, makausap lamang araw-araw, kahit saglit, ang kanyang mga anak.  Panatag na itong nakatutulog at kampanteng pumapasok sa trabaho.  Ang hindi pagtawag ng mga anak sa isang araw ay katumbas ng pag-aalala na baka may sakit ang mga ito o may nangyari.  Peace of mind and happiness ang hatid ang ilang minutong pag-uusap.  ^_^

Si Roberto.  Parang nagsisisi siya kung bakit pa siya bumili ng cellphones para sa kanyang asawa’t mga anak.  Kung bakit naglaan pa siya ng budget para sa family plan kung saan naka-line lahat ang kanyang mag-iina.  Wala rin naman palang tatawag o magtetext sa kanya kung ok lang ba siya, kung nalulungkot ba  siya, may sakit, o kung buhay pa…

Si Josefa.  Buhay pa kaya siya kung isa man lang sa mga anak niya ay nakaalalang tumawag at mangumusta sa inang iniwan nilang nag-iisa sa bahay noong Biyernes ng gabi?  Naisugod pa kaya sa doctor kung batid nilang sumakit pala ang dibdib nito?  Mahirap bang tumawag habang namamasyal?

May mga kabataan na kapag tumatawag ang kanilang magulang ay ino-off ang cellphones.  Mayroong nagdadahilan na nadead batt kaya hindi nakatawag o nakatext na gagabihin ng uwi.  Ang mga kawawang magulang ay gulong-gulo ang isip dahil hindi nila malaman kung nasaan na ang anak sa dis-oras ng gabi o kung may nangyaring masama sa mga ito.  Sino ba ang makatutulog kung wala pa sa inyong tahanan ang mga minamahal na anak o asawa?

Malaking bagay sana ang cellphones kung nagdudulot din ito ng kaligayahan, kapanatagan o kaligtasan.  Huwag sana itong gamitin sa ikasisira ng pamilya o ng mga relasyon.  Huwag gawing instrumento ang inyong mga cp upang makapanakit ng kapwa o makapanloko. 

Tandaan na ang anumang bagay ay maaaring nakabubuti o nakasasama – depende sa gumagamit!!!

Heyyyy…. Pakitignan nga po ang inyong mga sent messages at call history. Baka naman may mga mahahalagang tao kayong nakaliligtaan sa inyong buhay.

Kung wala kayong napasasayang mahahalagang tao sa inyong cellphones..ibato na lang iyan sa pader, baka sayang lang kasi ang load…

Gising, gising…text or call na kasi sa inyong mga mahal sa buhay!

(NOTE:  The stories are based from true events.  Please share this on your walls…baka sakaling may maitulong ito sa mga nakalilimot sa kahalagahan ng cellphones!)

Salamat.

Definitely yours,

MJ