http://dante132.deviantart.com/art/Experiment-312948598

Lady (Credits: dante132.deviantart.com/)

Dahil nagka-sakit ako ng matindi noong nakaraang semestre, sinabihan ako nang doktor na huwag kumuha ng maraming subjects. Kaya kahit na hangad ko ring tapusin na ang pagtigil sa paglapa ng mga kapatid ko sa pangangain ng mustasa (dahil napunta sa akin halos ang budget), hindi ko rin magawa dahil nahuhuli na ako.

Kahit na napalayo ako ng bahagya sa mga kaklase ko, hindi naman ito naging dahilan para mas lumiit ang kumpyansa ko sa sarili. Hindi na ito high school, kung saan mukha kang tanga ‘pag wala kang crush o wala kang ka-tropa kasama sa pagkain ng napanis mong kanin sa baunan. College na ito. Bawal ang maging pabigat at magpabigat sa iba para lang makaungas.

Pero siguro, dahil na rin sa nahuhuli na ako sa linya ng mga susunod na magmamartsa sa Marso, ito ang naging daan para makilala ko si Abby (hindi niya tunay na pangalan, dahil sensitibong bagay ang ating pag-uusapan ngayon).

Naalala ko noong una naming pagda-daupang palad.

Maingay ang buong klase. Hindi pa dumadating ang propesor namin noon. Sampung minuto na halos ang nasasayang at pumapatak ang metro ng tuition namin ngunit ‘ni epidermis ng magaling naming guro ‘di namin naaninag. May batas pa man din sa unibersidad namin na pagpatak ng labing limang minuto na hindi pa nagmumulto ang guro ay pwede ng magparty sa labas ang buong klase. Automatic class suspension.

Mukha na akong rebulto sa kina-uupuan ko habang pinagmamasdan ang bira ng mga bunganga ng mga hindi ko kakilalang kaklase. Napansin ko na tila walang imik at tila napapanis na din ang laway ng katabi ko. Tiningnan ko siyang mabuti.

Nakayuko siya at tatalunin ako sa haba ng bangs niya,  na tila gusto na niyang ipantakip sa buong mukha. Maputi, maganda ang pigura ng katawan at sa hinuha ko ay may katangkaran (kahit nakaupo lang siya). Kaso, hindi ko masilayan ang mukha niya. Sarap na ngang kumuha ng gunting at maglunsad nang oplan putol bangs, kung pwede lang.

Napansin niya siguro ang tingin kong parang x-ray machine, kaya’t bigla siyang nagtaas ng tingin at sa wakas, nakita ko rin ang buo niyang kagandahan. Singkit ang mga mata, matangos ang ilong at may lip gloss na pink ang labi. Sa unang tingin nga’y aakalain mo na siya yung isang sikat na artistang binansagang “Chinese Cutie” (madali na yang hulaan ha…use your imagination).

May bahid namang takot ang kanyang mga mata habang nakatitig sa akin. Hindi ko rin alam kung bakit pero nasindak ako sa pagtitig niya sa akin. Hindi naman iyon matalim na pwedeng humiwa ng kalabasa pero parang may kung anong multo siyang tinatago sa sarili na bahagya kong nasilip sa kanyang mga mata.

Agad din siyang lumihis nang tingin habang namumula ang mukha.

Biglang naghiyawan ang mga tao sa paligid ng silid. Tapos na ang 15 minutes. Walang masipag na guro ang nag-alay ng buhay sa aming utak. Isa lang ang ibig sabihin nito…uwian na.

Hindi magkamayaw ang mga tao papalabas sa pinto na akala mo’y LRT ang pintuan ng silid na magsasara ‘pag sumirena ang buzzer sound. Katabi ko siya at kasama kong naiipit na rin sa mga sugapang nais makalabas. Nung kami na mismo ang lalabas, bigla niya akong nasiko habang mabilisang tumakbo palabas ng hallway. At habang tumatakbo siya napansin ko na tila iniiwasan niya ang mga tao sa paligid na animo’y mga zombie sila, at siya na lang ang huling tao sa mundo.

Lumipas pa ang ilang mga sesyon sa klase.

Hindi ko maiwasang obserbahan ang bawat galaw ng katabi ko, na nalaman kong Abby nga ang pangalan dahil ako ang nag-check ng papel niya nung inutusan kaming magpalitan para sa iskoran. Ganun kami katindi bilang magkatabi. Walang imikan. Kahit simpleng “Hi!” hindi namin nasambit sa isa’t isa. Makapal naman ang mukha ko pero parang kapag makikipagbatian ako sa kanya parang may kung anong elemento na uubos nang lakas nang dila ko para makapag-salita.

Nakilala ko na nga ang kalahati sa klase, siya na mismong katabi ko, wala pa rin. Kahit peyborit color, wala.

Hanggang sa dumating ang takdang araw na iyon.

May proyekto kami noon na kilalanin ang isa’t isa at gawan ng isang painting (dahil Humanities subject iyon). Ang painting ay dapat sumasalamin sa isang parte ng pagkatao na hindi alam ng subject na taglay niya.Tig-dalawa sa isang grupo. Naubusan kaagad ako ng mga prospective partners dahil nga naman mas pipiliin nila ang mga kaclose nila sa tunay na buhay, kaysa sa akin na ka-farmville lang nila. Tiningnan ko ulit yung katabi ko, mukhang olats din siya sa pagkuha ng kagrupo.

Kaya sinubukan ko na rin ang tsansa ko. Kahit na alam ko na 100% chance ang pagbasted niya sa akin, kahit hindi ko siya nililigawan at wala akong balak dahil ayokong traydurin ang mga anime imaginary boyfriends ko.

“Ano…pwede ba kitang maging ka-grupo?” (At sa lagay nang pangungusap ko, para nga akong nanliligaw)

Napatingin siya sa akin. Nandoon muli ang kung anu mang kakaibang ewan sa kanyang mga mata. Namumula na naman ang kanyang mukha. Bumukas ang kanyang labi at isang himala ang naganap.

“Kung okay lang sayo.”

Para akong nanalo sa lotto. Maisasalba ko na rin ang proyekto ko. Ayos.

Simula sa ganoong introduksyon ay tila nawala na rin ang hiya namin sa isa’t isa. Nagsimula ng mawala ang malaking harang sa pagitan namin. Kahit sa totoo lang, ako lagi ang panay na nagtatanong. Habang pawang tipid na mga sagot lang ang ginagawa niya, kahit papaano unti-unti ko rin siyang nakilala.

Napag-usapan namin na ipagpatuloy ang usapan pagkatapos ng klase kung saan napagkasunduan na rin namin na kumain ng tanghalian.

Mas ganado ang kwentuhan pagsapit ng tanghalian. Siguro dahil kahit konti, nakukuha ko na ang timpla niya. Kinuwento ko yung mga anime shows na lagi kong pinagpupuyatan at para siyang bata na tuwang-tuwa sa pagsasalaysay ko, siguro dahil nga mukha akong timang na ginagaya ang boses at kilos nang mga karakter.

Lumipas ang ilang mga linggo…

Nagulat din ako dahil madalas na kaming magkasama. Tutal, mukha akong outcast sa mga kabatch ko dahil nga napag-iwanan na ako ng mga subjects, wala rin akong madalas kajamming. Hanggang sa dumating ang panahon na kailangan na naming magsimula sa pagpinta  ng dibuho nang isa’t isa.

Doon ko na nalaman ang madilim niyang mga bangungot na kahit gising siya, patuloy sa paghabol sa kanya.

Nagsimula iyon ng magkwento ako tungkol sa papa ko na inhinyero sa Qatar at kung paano kami nag-aastahan nung hindi pa siya umaalis. Siya ang taga-gawa nang math assignments ko, siya ang taga-drawing nang mga projects ko, siya ang madalas magbigay nang Erap jokes kapag nasa hapag-kainan na ang buong pamilya at siya ang tagakalma sa tigre kong nanay ‘pag nagsabunutan na ang dalawa kong kapatid.

Nagulat siya dahil ganun nga ang turingan namin. Nainggit din siya dahil mukha daw masaya ang pamilya namin.

Nagulantang na lang ako ng inosente siyang magtanong na:

“Hindi ba kayo nagse-sex nang papa mo?”

 

Gusto kong iduwal yung Mcsavers na kinain ko kanina. Hindi ko halos maipinta ang dapat na ekspresyon sa mukha ko. Nauutal ako habang nakatingin siya sa akin, hinihintay ang sagot ko.

“Okay ka lang? Kung gagawa ka nang kababalaghan, hindi sa papa mo…sa boyfriend mo siguro o asawa dapat.”

Medyo kumunot ang ulo niya.

“Bakit? Bawal ba yun?”

Nawala lahat ng lakas ko ng marinig yun. Napagtanto ko na baka ito na nga ang kung anong misteryo na nasasagap ko sa kanya noong una kaming mag-staring competition.

Yun ba ang ginagawa niyo nang papa mo?”

 

Tumango siya. Napalunok ako. Pero, hindi pa pwedeng tapusin ang pagsasalysay doon. Kaya’t kahit na nakakarimarim, buong tapang ko na siyang tinanong sa tunay na relasyon at nagaganap sa pagitan niya ng kanyang ama.

Sinimulan siyang halayin nang kanyang ama noong otso anyos pa lang siya. Noong panahon na iyon, umalis patungong ibang bansa upang makipagsapalaran ang kanyang ina. Tinakot siya nang kanyang ama na may gagawing hindi kaaya-aya sa ina kapag nagsumbong siya. Kaya’t kahit labag sa loob niya, pinabayaan niya ang mura niyang isip at katawan na tuluyang babuyin nito. Hindi na rin siya pinalalabas pa ng bahay. Pinagbawalan din siyang manuod ng telebisyon.

Marahil, dulot ng pagkulong sa kanya mula sa lipunan, hindi niya nawari ang tama sa mali. Sa murang isip niya, naging konklusyon niya na tama ang ginagawa nang kaniyang ama. 

Dumating nga sa pagkakataon na siya na mismo ang mag-aaya sa kanyang ama na makipagtalik. Kapag nandoon naman ang nanay niya sa bahay, nagseselos siya dahil doon nakabaling ang atensyon nang kanyang ama. At sa lalim ng gabi kapag tulog na ang kanyang ina ay patago silang magtatalik.

(Mas explicit pa ang naging pagbubunyag niya ngunit sa tingin ko, tama nang ibuod ko na lamang. Ang nakakatakot kamo, habang nagkukwento siya, para siyang isang babaeng sobrang excited ikwento ang naganap sa Valentines’ date nang kanyang boyfriend. )

“May iba ka na bang pinagsabihan nyan?” tanong ko.

“Wala pa. Ikaw pa lang.”

“Pasensya na ha, pero kailangan na natin itong ipaalam sa awtoridad. May kilala ako pyschology professor baka—”

“Wag! Wag please!” Tonong may pagkagalit na pagkatakot ang boses niya.

Pinakalma ko siya at pinilit kong baguhin ang naging iba niyang sikolohiya sa mga bagay-bagay lalo na sa relasyon nang isang ama at anak. Pero hindi siya nagpatinag.

Kinabukasan, namumugto ang mga mata ko. Hindi ako nakatulog. Nahawaan ako ng latak ng makulit kong imahinasyon habang inuulit ulit ang mga paglalahad ni Abby. Hindi na ako nakatiis. Kahit labag sa loob at tiwala ni Abby, alam kong ito ang makakabuti para sa kanya.

Dumiretso ako sa Pyschology Faculty. Agad kong hinanap ang naging propesor ko sa isang minor subject.

Nangangatog ang buong katawan ko at kahit malamig sa Baguio, pinagpapawisan ako.

Nasindak din sa narinig ang professor ko. Pagkatapos ng expose, dumiretso kami sa sociology faculty kung saan mas lumawak ang diskusyon kung paano maisasalba si Abby. Hanggang sa umabot ito sa mismong faculty ng course ko kung saan isa sa mga propesor ay isang lawyer. Handa raw niyang ipagtanggol si Abby. Ang kailangan lang, sumangayon mismo siya sa tulong.

Humanities class ulit.

Masaya niya akong binati. Hindi ko maiangat ang mga labi ko para suklian iyon. Ilang minuto pa lang ang tinatagal ng guro namin sa lecture nang ipatawag si Abby sa Dean’s Office.

Natapos ang klase…kahit alam kong mukha ko siyang trinaydor, bumaba pa rin ako para pumunta sa dean’s office. Tumambay ako sa harap nito. Nakatingala habang kabado.

Lumabas siya at napapaligiran ng mga nakausap kong mga propesor at pati yung abogado. Halos binawian siya ng kulay sa sobrang putla niya. Nakita niya ako, at muli…nasilayan ko ang mga mata niya. Puno ng galit. Napalabi ko na lang ang isang walang boses na “I’m Sorry”.

Kasama niyang lumabas ng hallway ang masscom prof/lawyer.

Hinatid ko na lang siya nang tingin…

Hindi ko alam na yun na pala ang huli naming pagkikita.

Bago pa pala makaresponde ang mga pulis, wala na ang mag-anak sa bahay nila. Hindi rin malaman nang mga kapit-bahay kung saan sila nagtungo. Nagulat nga sila ng malaman ang maselang kundisyon ni Abby. Hindi na natapos ni Abby ang semestreng iyon. At iyan na lamang ang mga huling balita ko sa kanya.

Kaya sa huli, pinagawa na lang ako ng isang special project nang prof ko, ayun ay magcritique nang mga pelikula ni Lino Brocka (na nagustuhan ko naman).

Pero hanggang ngayon, iniisip ko kung paano nga kaya kung natuloy namin ang pagpinta sa isa’t isa. Ano nga kaya ang ipipinta ko bilang repleksyon ni Abby na hindi niya namalayang taglay niya?

Marahil ayun ay ang dibuho ng isang nakangiting magandang babae kung saan nababalot ng pinagsaboy na magulong mga kulay na nagrerepresenta nang kanyang estado’t kundisyon (na laking pasasalamat ko dahil nakita ko sa deviantart ang katumbas…iyan ang litratong nakapaskil sa blog na ito).

Marahil yung sa akin, kung ipipinta niya ako,isang traydor na binasag ang pinili na niyang tahimik na buhay na naayon sa batas na pinigura ng kanyang ama. Marahil isang balakid sa pinili niyang landas na wala nang takas sa mga bangungot niya.

Enhanced by Zemanta