Love (Photo Credit : Melissabxoxo.blogspot)

Bakit ba napakahirap ng buhay?  Kung sino pa ang mahal mo, siya pa ang hindi ka mahal.

Yung tipong gagawin mo ang lahat para sa kanya.

 Oo, gagawin ko ang lahat para sa ‘yo.

Sabi ko noon, kahit hindi maging tayo basta mahalin ka lang ng babaeng magmamahal sa  ‘yo, aalagaan ka hanggang sa pagtanda at huwag kang sasaktan.

Ganyan kita kamahal,pero di pa din ako  umaasang maging tayo sa huli.

Pero kahit ‘di magiging tayo, ikaw lang ang mamahalin ko hanggang sa huli.

Nasasaktan ako sa bawat pag-iisip ko na hindi magiging tayo.

Mahihirapan akong mamuhay sa hinaharap kung alam kong hindi ikaw ang kasama ko.

Masasayangan akong humalakhak kung hindi ikaw ang kasabay ko.

Maninibugho ako sa paggising sa umaga kung hindi ikaw ang masilayan ko.

Maluluha akong harapin ang bawat unos ng buhay kung hindi ikaw ang makakapitan ko.

Ngunit sa lahat ng ito handa akong manikluhod sa Maykapal, makamit lamang ang kagustuhang ikaw ang makapiling ko sa bawat bukas ko.

Hinding hindi ako mapapagod sa pagmamahal sa ‘yo.

Mamahalin pa rin kita hanggang kaya ko.

Ibibigay ko pa rin ang buong pagmamahal ko kahit wala nang natira sa ‘kin.

Tutuparin ko ang pangako ko sa sarili kong ikaw lang ang mamahalin ko.

Ikaw ang nagiging dahilan kong bakit pa ako lumalaban sa kabila ng aking paulit-ulit na pagkatalo.

Ikaw lang ang nagiging gabay ko sa pag-usad ko papalapit sa aking minimithing tagumpay.

Simula’t sapul, ikaw na ang pinagkukunan ko ng lakas para magiging matatag sa pakikiharap sa walang kasiguraduhang bukas.

Mahal ko, sana iyong marinig ang hinagpis ko.

 Iyong maramdaman ang pintig ng puso ko.

Na sa bawat pagmulat ng aking mata’y ikaw lamang ang nakikita sa aking balintataw.

Oh mahal na Panginoon, minsan man ay alam kong tinutupad N’yo ang bawat hiling ng sangkatauhan, nawa’y maisakatuparan N’yo rin ang aking kahilingan mula pa noong ako’y paslit pa lamang.

Na maging bahagi ng aking buhay ang pinakamamahal ko.

Minsan napapaisip ako, bakit siya pa rin hanggang ngayon, bakit naghihintay ako sa walang kasiguraduhan,ngunit pinipilit kong isiksik sa sarili ko at pag-iisip na siya ay ang tunay kong minamahal hanggang sa huli.