The Voice (Photo Credit: photo.net)

The Voice (Photo Credit: photo.net)

(Sam)

Nagsisimula ang lahat sa pagkilala ng sarili. Tuloy-tuloy ang pag-usad ng buhay ko. Maayos akong nagtatrabaho. Maaga nagsimula ang buhay sa ‘kin. Naalala mo ba sa tabing dagat ako lumaki? Marami na akong taong nakilala, marami na akong taong nakasama at nakasalamuha. Pinagkatiwalaan ko sila, minahal pa higit sa  buhay ko. Pero dumadating sa punto na kailangan ko silang iwanan. Mahirap mang aminin, pero ang lungkot ng buhay ko noon.

(Mila)

Ako naman, ang buhay sa akin ay parang isang malaking palaisipan. Malakas ang paniniwala sa hula. Nagbabakasakali na baka sana gumanda ang kapalaran ko. Lulusong ka sa kahit ano at susubukan ang lahat ng makakaya. Ayaw ko ng masyadong nag-iisip. Baka mabaliw lang ako kapag iisipin ko lahat ang problema ko, tiwala lang sa pakiramdam. Ayoko din ng maraming drama. Cool lang dapat at matutong maghintay. Basta kung saan ako masaya, kung saan masarap ang pakiramdam ko, kung saan wala kang tinatapakang ibang tao. Doon ako, game ako.

(Sam)

Minsan ko syang nakita sa tabing dagat kasama ang kanyang mga dalang kamote’t saging. Inalok n’ya ako, nakipagkilala s’ya sabay nakipag-kamay ako sa kanya at kinamayan din naman n’ya ako ng may pisil at diin. Parang simula na yun ng mas malalim naming pagkakakilala at pagkakaibigan. Akalain mo yun magkalapit-bahay lang pala kami. Kakaiba s’ya. Nahihiwagaan ako sa kanya. Parang okay naman s’ya pero may pagkamalandi nga lang. Dala siguro ng responsibilidad n’ya sa buhay. Pero okay s’ya ah. Sarap kausap, masayang kasama. Basta okay s’ya.

Nakilala ko s’ya, out of school youth pala. Hindi dahil hindi niya kaya. Ayaw lang talaga n’ya. Walang hilig sa pag-aaral pero hindi naman bobo. Minsan nga may mga hirit s’yang kinagugulat ko.  Masaya nga ako kapag kasama ko s’ya. Magkasundo talaga kami pero medyo madaldal lang. Pero nakahanap ako ng katapat. Sa bokahan medyo lumalamang s’ya sa akin. Ang dami dami kong natututunan sa kanya.

Dahil sa kanya napaisip ako. Bakit nga ba hinayaan kong maging boring ang buhay ko? Dahil sa kanya nabago ko ang kawalan ko ng direksyon. Dahil sa kanya nawala ang mga galit ko sa mga ex ko. Dahil sa kanya nalagpasan ko ang takot sa commitment at relasyon. Dahil sa kanya nagmahal akong muli. Dahil sa kanya, masaya, maligaya at natuto ako magtiwala. Walang makakapag sabi kung ano kami. Hindi naman namin kailangan ng salita. Basta nangyari na lang.

(Mila)

Tumigil na ako sa kakaisip. Tumigil na ako kakapahula. Dahil ang hula ay nagkatotoo na. Tanong ko kaya sa sarili ko, masaya ba ako? “oo naman masaya ako, masaya ako dahil ang dating pinapangarap kong hula ay nagkatotoo.”

(Sam)

Mula noon ewan ko ba. Parang hindi na namin kayang mawala ang isat isa.

(Mila)

Swak talaga kami eh. Parang gusto ko laging nandyan s’ya, magkasama kami.

(Sam)

Sabi nila ang relasyon  ay isang working progress, kaya naman pinagsisikapan, pinagtatrabahuan ang bawat sandali. Dito sa realsyong ito natutunan ko ang ibig sabihin ng respeto at malasakit. Ang pagbibigay ng sarili ng buong-buo. Ang pag-aalaga at tunay na laya. Isa itong pangakong tunay na pinatotohanan at pinangangatawanan. Sana noon palang si mila na lang.