http://www.fotosearch.com/BLD022/bld041877/

“DON’T WORRY, GIRL, AKO ANG MAGBABANTAY SA MOKONG NA YAN!”

Ito ang linyang umalingawngaw sa aking tainga, bago ko iniwan ang aming tahanan! Isang matalik na kaibigan at malapit sa aming angkan, tawag sa kanya ay GIRLIE! katawang lalaki pero, pusong BABAE!

“Salamat, Girlie, Bantayan mo yan ha! Sumbong mo sa akin!

Ang tangi kong bilin, sabay paalam dahil ako ay pansamantalang lumisan, para mangibang bayan dito sa gitnang silangan…Pero, isang katotohanan na labis akong nasaktan!

Kaibigan! Kadugo! Best friend pati sa puso! Isang pagtitiwala na buo kong ipinaubaya sa taong padre de pamilya. Na akala ko ay hindi ako kayang saktan  dahil sa aming sumpaan na:

“HIHINTAYIN KITA, MHE! ASAHAN MO, HIN DI AKO TUTULAD SA IBA!

Pangakong aking hinawakan dahil sa pagmamahal! Ngunit masaklap ang bumungad sa 3310 na Nokia, ang mensahe ng aking anak!

“MA! SI PAPA AT TITA GIRLIE…NAGTANAN!”

Para akong binagsakan ng langit at lupa sa balitang aking nabasa! Mga katanungan ay nagsilabasan…KUNG TOTOO BA? O ISANG MASAMANG PANAGINIP LANG?

Di mapigil ang pag-agos ng luha sa aking mga mata! Ang sakit ay hindi maipinta; na ang tinuring kung kapatid at kaibigan, inahas ang aking asawa! Mismo sa harapan ng aking mga inosenteng anak!

Naging usap-usapan ang pagtatanan ng dalawang nilalang! Nagtago sa mga mata ng nakakilala sa kanila dahil huhusgahan ang kasalanan na kanilang ginawa! Gusto ko silang sumbatan…Pero, pinaubaya ko na lang sa Maykapal! Di ako ang nawalan kundi ang asawa kong utak talangka! Dahil pinagpalit ako sa isang DARNA na walang BATO!

Kaibigang kalahating ananggal! Asawang malaswa! Sana, maging masaya ang inyong pagsasama! Insulto man sa pagkababae ko na ipinagpalit ako sa hindi buong kabaro ni Eba! Sa isang BADING ahas at taksil! Kung magkrus man ang landas? Liliko ako ng direksyon dahil hindi ko kayang masalubong ang mga taong kinamumuhian ko!

Sa isang beep sa aking BLACKBERRY? Isang mensahe sa istrangherong numero:

“PATAWAD! DI KO KAGUSTUHAN NA MANGYARI ANG DI INAASAHAN! SANA MAPATAWAD MO KO! KATAWANG LALAKI MAN AKO, PERO, DI KO NAPIGIL ANG UMIBIG SA MISTER MO! MAHAL KITA, BESTFRIEND, KAYA IIWAN KO SIYA PARA SA IYO! AT AKO’Y DI MO NA KAILAN MAN MAKIKITA!  PATAWAD!”

Ang huling mensahe na nabasa ko! Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik ang hudas kong asawa at humingi ng tawad! Wala akong sinabi kundi isang malakas na pagsarado sa pinto!   Tanda na wala na siyang puwang  sa tahanan at puso ko!

Paunawa: Ang kuwentong ito ay hango sa tunay na buhay ng isang kaibigan at isinulat ko para maibahagi sa inyo! Salamat.