Sunset by the road (Photo Credit : Flickriver)

Nakakainis isiping ang daming walang kuwentang anak, ang daming anak na binalewala ang paghihirap ng mga magulang nila para sa kanila.

Nung college ako, araw-araw nang tanawin sa akin ang mga matatandang nagkalat sa kalye, mga nagtitinda ng sigarilyo na pilit na hinahabol ang mga sasakyan sa kabila ng matinding sikat ng araw. Kung minsan naman ay ulan, sabayan pa ng iniindang rayuma. Sa kabilang panig naman ay mga nakaupo sa gilid ng simbahan o ng kung anu-anong establisyamento kaharap ang plastic na baso at naghihintay na may kumalansing tanda ng may naghulog na ng barya dito.

Mayroon ding pinipilit maglakad katulong ang tungkod para makapanlimos sa mga taong ni ayaw silang tingnan para lamang may maipanlaman sa sikmurang ni hindi ko maisip kung kailan pa huling nasayaran ng normal at masustansyang pagkain.

Hindi ako iyaking tao, hindi mo nga ako basta-basta mapapaiyak sa mga drama sa tv o sa pelikula, pero ang senaryong ito… mga matatandang araw-araw na namumuhay sa kalye para mabuhay, habang inaangkin ang polusyon na dala ng hangin at ginagawang bubungan ang sinag ng araw at haligi ang buhos ng ulan ang siyang dumudurog sa puso ko.

Sa tuwing makakakita ako ng ganito, naglalaro na sa isip ko kung masama ba silang magulang para iwan ng walang kuwenta nilang anak o sadyang nabalewala ang pagpapalaki nila sa kanilang mga anak at nakalimutan na sila.

Anong klaseng tao ka, o anak ka kung maaaatim mong pagtrabahuin sa kalye ang taong ni hindi na yata maigalaw nang maigi ang kanilang paa? Sana pinagsusumikapan nilang kahit na papaano, kahit na kumportableng higaan sa gabi at sapat na pagkain lamang ay maibigay nila sa kanilang magulang. Ang kati sa mata, ang hapdi sa puso yan ang madalas kong maramdaman kapag kaharap sila, nakatingala ang palad sa langit, nagsusumamo ang matang halos butil na lang ng luha ang nagpapakinang at mga labing nagpipilit handugan ka ng ngiti habang sinasambit ang, “anak, pahingi naman ng kaunting barya”.

‘Pasensya na po, mga lolo at lola, na ang kaya ko pa lang ibigay ay baryang piso, limang piso o kung susuwertehin ay sampung piso’t mga dasal na sana maging magaan at masaya ang pamumuhay ninyo sa mga nalalabi pang oras ninyo dito sa mundo, na hindi kayo sa kalye abutan ng pagbaba ng araw kundi sa komportableng higaan na nararapat para sa inyo, kasama na din ng pangakong hinding-hindi ko hahayaang dumagdag pa sa inyo ang aking mga magulang. Madrama, oo, pero yun ang totoo. Ibibigay ko sa kanila ang nararapat na gaan ng buhay. Utang ko sa kanila yon. At ikasisiya ng aking kalooban ang makitang sila ay panatag at masaya.