Embarrassing Moment (Photo Credit : Visualphotos)

Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ito sisimulan. Naalala ko kasi ang mga sitwasyong pinagdaanan ko na talaga namang nakakahiya pero kung babalik-balikan mo ang ala-ala nito, matatawa ka sa sarili mong kahihiyan.

Naranasan mo na ba ang pumasok sa inyong eskwelahan na hindi nakapagsuot ng underwear? Ako, oo.  Nasa elementarya ako noon nang hindi ko namalayan na nakaalis ako ng bahay nang walang saplot pang-ibaba.  Buti na lang mahaba ang palda ko at walang nakapansin. Nakakahiya talaga.  Kaya dapat laging  icheck ang sarili pati na ang mga gamit bago umalis ng bahay at upang maiwasan ang ganitong bagay sa gabi pa lang ihanda na lahat ang gamit at susuutin para hindi ginagahol sa oras.

Naranasan mo na ba ang kumulo ang tiyan habang nasa klase, sa trabaho, sa daan o kahit saang lugar na napakakomplikado? Sa daming beses na naranasan ko masiraan ng tiyan, nakakawala ng poise talaga. Kung malalaman ng ibang tao baka pandirihan ka pa. Pero hindi mo naman maiiwasan ang karanasang ito.  Katulad na lamang noong high school pa ako, habang nasa klase ako bigla na lang kumulo ang tiyan ko, hindi ko alam kung ano nakain ko.  Dahil nasa public school ako, hindi ko maatim na gumamit ng CR dahil sa masangsang na amoy at hindi kaaya-aya ang kalinisan (hahaha).  Nakakapanlambot, nakakakilabot, pinagpapawisan ka ng malapot, nakakahilo ang pakiramdam, hindi ko na mapigilan, malapit na talaga.. naisip ko magpaalam na sa titser ko. Uuwi na lang ako, pero bago ka makalabas ng gate hindi ka makakalagpas sa malaking taong, mukhang baboy na malaki din ang tiyan sa pagtatanong kung ‘bakit ka lalabas?’.  (Sorry sa words, ganoon talaga description ng guard noon sa aming school, kakatakot) Nagmakaawa na lang ako kailangan ko na umuwi. Hindi ko na matandaan kung sinabi ko ba na nadudumi na ako.

Basta ang alam ko lang malapit na siya lumabas. Ang layo pa man din ng bahay namin, 30 mins ang biyahe sa traysikel. Nagmadali akong sumakay ng traysikel paglabas ko ng gate, nagpahatid sa sakayan naman ng traysikel din pauwi  sa amin, isang napakahabang oras para sa namamalipit sa sakit ng tiyan.  Nang makasakay ako, napipigilan ko, pero nang malapit na ako sa amin, saka naman hindi na napigil. Buti na lang sa likod ako nakasakay, kung hindi maaamoy pa ng kasabay ko.  Simula noon, pinagtatawanan na ako nila Nanay.  Pero lumipas din naman at nakalimutan din ang nakakahiyang pangyayari.

Pero hindi lang pala iyon ang una’t huling mararanasan ko ang masiraan ng tiyan,  parang sakit ko na yata ito, sa tuwing umaalis ako ng bahay, saka naman ako aatakihin ng pagsakit ng tiyan, at kahit nga ngayong nagtatrabaho na ako, madalas akong hilahin ng CR. May time pa na pauwi na ako at nakasakay sa jeep, kung kailan malapit na ako ay hindi ko na rin napigilan ang tawag ng kalikasan. Dali-dali akong bumaba at lumakad nang matulin, nagkataon pa na may santacruzan.  Sumingit na ako dahil hindi ko na talaga mapigilan..  Ang hirap ng ganoon!

Alam ko naman na hindi lang ako ang may ganitong kuwento, kahit sinong babae, lalaki, bata, matanda, bakla at tomboy ka pa, kapag binigla ka ng sumpong ng tiyan, kahit nasaan ka pa, sorry ka na lang, nakakawala ng ganda at pogi points. Nakakahiya!

Sabihin nyo nang ang baho at baboy ng kuwentong ito pero ito ang katotohanan ng buhay. May mga karanasan tayong hindi mo talaga mapipigilan. Ito ay katotohanang kung minsan ay talagang kahiya-hiya pero kalaunan pagtatawanan mo na lang.