Stock vector of 'Black and White Wedding Background (Photo credit: colourbox.com)

Stock vector of ‘Black and White Wedding Background (Photo credit: colourbox.com)

“Uy, ikakasal ka na ba talaga? Anong feeling?” Tanong sa ‘kin ng isang kaibigan noong malamang ako ay magbabakasyon sa Pilipinas para pakasalan ang matagal ko nang kasintahan. Naging bukambibig ko kasi ang pagpapakasal ko magmula noong magdesisyon akong magbakasyon. Masarap sabihing, “oo excited na nga ako,” pero sa likod ng aking isipan, nakaka-pressured din pala. Hindi biro ang magpakasal ngayon, lalo na sa mga gagastusin. Nagkataon kasing tinupad ko ang pangarap ng aking ina na makapagpatayo ng bahay. Masarap kasi sa pakiramdam na mapasaya mo sila kahit na maubos pa ang naipon ko na nakalaan para sa kasal.

Gayunpaman, gusto ko pa ring ituloy ang plano naming pagpapakasal. Naghanap ako sa web ng wedding dress, gowns ng mga abay, photographer at videographer, church at venue etc. Aaminin kong medyo perfectionist ako pagdating sa mga bagay na gusto ko kaya inipon ko lahat yung mga informations at photos na nakita ko sa web at pina-develop para ipadala sa aking nanay. At pagkatapos siya na ang nakipag-usap sa mananahi na ganito/ganyan ang gusto kong design ng mga damit at ganito/ganyan ang gusto kong uri ng bulaklak na gagamitin. At ang mga reservations na lang ang ipinaubaya ko na sa aking fiance.

Naalala ko noong minsang tumawag ako sa bahay, ang tanong ng tatay ko, “kaya n’yo ba ang ganyang kasal?” ang tanging naisagot ko na lang ay “oo”. Ayaw ko kasing mag-alala pa sila kaya ganun lang kasimple ang naisagot ko. “Oo,” kahit na alam kong konti lang ang maitutulong na financial ng aking fiance, dahil mayroon pa siyang pinapag-aral na kapatid. At napagdesisyonan din namin na kaming dalawa na lang ang gagastos at huwag nang abalahin pa ang aming mga magulang sa mga gagastusin. Ngunit makailang ulit ding naglaro sa isipan ko na mas mabuti pa sigurong magpakasal sa huwes o di kaya’y mas simplehan ko pa ang pagpaplano ng mga detalye sa kasal? Pero sa totoo lang mura at simple na yung mga napagplanuhan ko, kung tatapyasin ko pa yun magiging “pilit” na lang ang kakalabasan.

Siguro magtataka ang mga makakabasa nito kung bakit ko ipagpipilitan ang tipo ng kasal na gusto ko kung mahihirapan din lang kami? O di kaya’y may magsasabing maging “praktikal na lang.” Nagsimula kasi ang relasyon namin ng boyfriend ko sa text pa lang noon hindi pa masyadong uso ang chat, ipinakilala kami ng mga kaibigan namin sa isa’t isa, nagkita, nagligawan, hanggang sa naging kami. Sa simula pa lang ng relasyon namin ay magkalayo na kami, dahil sa magkaiba ang lugar ng aming mga trabaho. Madalang lang kaming magkita, minsan sa isang buwan o di kaya’y minsan sa anim na buwan. Kung magkita man kami, kulang sa oras kasi lagi akong nag-aalala na h’wag datnan ng gabi para h’wag masermonan. Beinte-kwatro na ako noong ako ay makipagrelasyon sa fiance ko pero para pa rin akong teenager kung ituring ng aking mga magulang, hindi naman sila masyadong mahigpit pero mababasa sa isipan nila ang “duda”, naisip ko na lang ganun talaga siguro ang maging isang magulang. Hanggang sa ako ay nakapangibang bansa.

Ang laki ng pasasalamat ko sa Maykapal dahil binigyan niya ako ng lalaking tapat at mapagkakatiwaalan. Kahit na mag-aapat na taon na ako dito sa ibang bayan, wala pa ring ipinagbago sa aming relasyon. Salamat sa telepono at internet na siyang naging instrumento ng aming komunikasyon. Ngunit sa kabila ng lahat nakakalungkot pa ring isipin na ang aming pag-iibigan ay hindi man lang nakaranas ng “thrill” ika nga. Madalas akong naiinggit kapag may nakikita akong magkasintahan na nakakapamasyal sa ibang lugar o di kaya’y kahit na simpleng “candle light dinner” lang. Sa mahigit anim na taon naming magkasintahan, hanggang sa pamamasyal sa loob ng “mall” lang ang aming napuntahan. Kaya naman naisip ko na sa araw ng aming kasal, gusto ko man lang maging masaya at ma-fulfill yung pangarap ko mula nang ako’y magkaisip na magkaroon ng maganda at maayos na kasal. Hindi ko naman sinasabing magarbo kundi yung tipong bawat detalye ay talagang pinagplanuhan. Siguro kapag natupad na yun wala na akong ibang mahihiling pa.

Sa isang babaeng katulad ko siguro may mga ilan na makaka-relate sa ‘king nararamdaman, iba’t-iba ang dahilan para mabuo ang ating kasiyahan. Pero sa paraang ito ako lubos na magiging maligaya. Para sa ‘kin, ang katuparan nito ay maihahanlintulad sa isang “fairy tale” na kung saan may “happy ending.” Madalas man ang aking pag-aalala, minsan sumagi sa aking isipan, “kung kaya kong ipagkatiwala sa Diyos ang pagdating ng lalaking aking pinaka-mimithi, bakit hindi ko kayang ipagkatiwala sa Kanya ang isang kasal na katuparan ng aking buong pangarap?”