Gandma's writing a letter (Photo credit: wetcanvas.com)

Gandma’s writing a letter (Photo credit: wetcanvas.com)

Dear mga apo,

Alam kong malalaki na kayo ngayon, marami na ang mga nagbago sa inyo. Minsanan na lamang kayo kung dumalaw sa ‘kin. Naiintindihan ko kayo, alam kong masaya kayo ngayon at tuluyan na nga kayong nakapaglakbay sa totoong buhay at sa malawak na mundong ito. Minsan mga apo, ay dalawin nyo naman ako. Namimis ko na kayong aking mga apo. Namimis ko na ang inyong mga kakulitan at ang mga walang katapusang ingayan dito sa bahay, na ngayon ay pinaghaharian na ito ng nakababaliw na katahimikan. Minsan ay tawagan nyo naman ako, para makausap ko kayo at marinig ko naman ang mga boses ninyong madalas na pumipiyok, sa tuwing nagjo-joke kayo sa ating mga pag-uusap.

Alam kong malayo na kayo ngayon sa aking piling at sa tahanang kinalakihan nyo. Nagbago na ang inyong mga mukha sa mga larawang ipinadala ninyo sa ‘kin, at ito nama’y madalas kong pagmasdan sa tuwing mag-isa akong kumakain. Sana ngayong malalaki na kayo ay ‘wag sana ninyong kalimutan ang mga aral na itinuro ko sa inyo, nang kayo’y nasa akin pang piling at ako pa ang nagpapakain sa inyo, habang nagpapahinga ang inyong mga ina.

Kilala ko kayong lahat. Alam ko ang mga ‘sungay’ ninyo at ang mga kakulitan ninyo. Alam ko ang inyong mga hinaing at ang mga pangamba, habang nagdadahan-dahan kayo sa patugpa at pagharap sa mga tunay na landasin ng buhay. Mga apo, inuulit ko na naman sa inyo na okay lang ang kulitin nyo ang Lola ninyo sa mga kabalbalang pinagsasasabi ninyo. Sana ay maging matatag kayo sa inyong gagawing mga paglalakbay sa marahas at malawak na mundong ito.

Matanda na ako mga apo. Hindi ko na kayo kayang habulin at sundan pa kayo, o kaya’y sunduin man, kapag galing kayo sa school. Mahina na ang aking mga tuhod, mahina na rin ang aking pandinig at ang aking paningin. Ngunit, sa kabila ng ganitong aking mga nararamdaman ay kilala ko pa rin kayong lahat. Kilalang-kilala ko pa rin ang inyong mga tawa at ang mga malalakas na halakhak noong kayo’y mga bata pa. Kilalang-kilala ko ang inyong mga yabag, sa tuwing pinagtataguan nyu ako, kapag hinahanap ko kayo, kapag nawawala kayo sa tahanan ng inyong mga magulang. Lahat kayo, kahit ngayong may edad at matanda na ako’y nananatili pa rin dito sa puso ko.

Mapanganib ang landasin ng buhay mga apo, mag-iingat kayo. Papunta palang kayo, pabalik na ang Lola ninyo. Tapos na ako sa pakikipaglaban sa buhay, ang tanging hinihintay ko na lamang ay ang pagkuha sa akin ni Kamatayan. Alam kong masyado na akong madrama dito, ngunit sa huling sulat kong ito sa inyo, sana ay pagnilayan ninyo ang nilalaman nito. Namamaus na ang aking boses at napapagod na ang aking mga kamay, ngunit para sa inyo ay sisikapin kong tapusin ang aking sulat na ito.

Ang mga sulat ninyo’y nabasa ko na pala. Nalulungkot ako sa mga pinagdaraanan nyo ngayon. Nalulungkot ako, sapagkat ayaw kong nakikita o naririnig man lamang kayo na umiiyak, habang pinipilit ninyong nilalabanan ang mga laban sa tunay na buhay. Minsan mga apo ay dalawin nyo naman ako, upang mapag-usapan natin ang mga problema ninyo. Matanda na ako at hindi na kaya ng aking mga paa ang mahabang lakaran. Mahina na ang aking mga tuhod at sana’y pagpasensyahan nyo na lang ang Lola nyo kong madalas na akong ulyanin, at mahirap na ring makarinig sa mga pinagsasabi nyo at hindi ko na rin nasasaway ang mga kakulitan ninyo.

Pagpasensyahan nyo na lang sana ako sa madalas na hindi ko na masyadong naririnig ang inyong mga pagbulong sa ‘kin, sa tuwing natutulog ako sa inyong mga tabi. Pagpasensyahan ninyo sana ako, na hindi ko na kayo nakwekwentuhan ng mga bedtime stories at mga ledyenda. Sana ngayong matanda na ako ay maunawaan ninyo na ito na ako, unti-unti nang nilalamon ang aking katawan ng mga kahinaan at ng hindi matatakasang katandaan. Pagpasensyahan nyo sana ako, kung ang aking paningin ay mahina na rin, at halos hindi ko na maaninagan ang mga mukha nyo. Ngunit alam ko, sa kaloob-looban ng puso ko, kilala ko kayong lahat. Hindi ko  pa rin nakakalimutan ang mga mukha ninyong nagpasaya sa ‘kin at nagpainis ng minsang hinabol ko kayo sa maberdeng damuhan para pakainin lamang ng pananghalian. Hindi ko makakalimutan ang mga mukha ninyo na nagpatawa sa akin ng minsang gumawa kayo ng mga kabalbalan na hindi ko naman sinabi sa inyong mga magulang.

Ngayong matanda ako, ‘wag nyo sanang kalilimutan na dalawin man lamang ako sa aking silid na matagal ng pinaghaharian ng matinding katahimikan. Sana ay hindi nyo kalimutan ang inyong lola na nag-alaga sa inyong lahat nang minsang ang inyong mga magulang ay nawala sa inyong mga tahanan. Pakinggan nyo sana ang aking mga tagubilin at aral, at sana ay isaisip at isapuso nyo ang mga ‘yon upang maging matapang kayo sa pagharap sa tunay na buhay.

Nanghihina na ang aking katawan. Pagpasensyahan nyo na lang sana si Lola kong madalas na nagiging ulyanin na ako, at ‘wag nyo sana akong sisigawan kung minsang hindi ko na marinig ang mga taghoy at ang mga pinagsasabi nyo, sa tuwing dinadala ninyo ako sa ating bakuran. Pagpasensyahan nyo nalang sana ang lola ninyo, kung madalas na ang inyong mga pangalan ang tinatawag ko, kaysa sa inyong mga magulang. Pagpasensyahan nyo na lang sana ako, kung minsang maging makulit na rin ako, at marinig nyo na rin ang paulit-ulit-ulit kong pagtawag sa mga pangalan ninyo, sa tuwing gumagawa kayo ng mga homeworks ninyo.

Intindihin niyo nalang sana si Lola, kung madalas na pinangangaralan ko kayo, sapagkat ayaw kong matulad kayo sa mga kahirapang pinagdaanan ko noon. Alalahanin nyo sana ako, kung sakali mang wala kayong ginagawa, at dalawin nyo na rin ako, dahil matagal ko na kayong namimis. Huwag nyo sanang kalilimutan ang mga ipinangaral ko sa inyo; alam kong magiging ina, ama, lola at lola din kayo, tulad ko. Salamat sa napakahabang pag-unawa ninyo, sa tuwing tinatawagan ninyo ako, at paulit-ulit ko kayong tinatanong kung kumusta na kayo. Gusto ko lamang kasi na bago man ako pumanaw sa mundong ito ay maayos ang mga buhay ninyo. Mga apo, salamat sa pagyakap ninyo sa tuwing tulog ako sa aking tahimik na silid. Tulad noong mga bata pa kayo, ganoon din ang ginagawa ko at ng mga ina’t ama ninyo noong kayo ay mga musmos pa lamang.

Huwag nyo sanang kalilimutan ang mga payo ko sa inyo. Intindihin nyo na lang sana ako ngayong matanda na ako at kayo naman ang aking sasandalan. Alagaan nyo sana ako, kung ako man ay dalawin ng aking mga matitinding karamdaman. Yakapin nyo sana ako ng mahigpit, sa huling makita nyo ang aking bangkay, sapagkat ‘yon na lamang ang huling makapag-uugnay sa ating lahat. Kung ako man ay pahirapan na ng aking matinding karamdaman, huwa nyo sana akong pagkakaitan na alagaan, kagaya ng ginawa kong pag-aaruga sa inyo ng minsang napagod ang mga ina ninyo. H’wag nyo sana akong pagsasawaan, kung minsang hindi ko na maigalaw ang aking buong katawan, kung hindi ko na makita ang mga mukha ninyo, kung hindi ko na marinig ang mga madalas na pumipiyok na mga boses ninyo, at kung hindi na rin ako makapagsalita.

Kung ako man ay mamatay, sana ‘wag niyong kalilimutan na dalawin ang aking libingan. Kung ako man ay maging isip-bata na ay ‘wag nyo sana akong pagsasawaang intindihin. Kung ako man ay hindi na makabangon sa aking kinahihigaan ay ‘wag nyo sana akong pagsasawaang buhatin. Kung ako man ay madalas nang hindi naliligo ay pagpasensyahan nyo nalang sana ako mga apo. Marahil, ganito na talaga ang tumatanda na. Marami na akong mga bagay-bagay na nakaliligtaan. Unti-unti nang nabubura sa ‘king isipan ang mga alaalang bumuo sa aking buhay, pangarap, pag-ibig, pagkabigo, pagtawa at pagmamahal sa inyong mga magulang at sa inyong aking mga apo.

Kung ako man ay umiihi na sa aking higaan, pagpasensyahan nyo na lamang ako. H’wag sana kayong mag-sasawa na bisitahin ako, kung kayo man ay may oras. Alam kong malalaki na kayo ngayon; mga binatilyo, mga binata at mga dalaga na kayo. Pagpasensyahan nyo na lang sana ang lola ninyong sa malaking bahagi ng buhay ninyo ay naging bahagi ako. H’wag nyo sanang iisipin na hindi ko kayo mahal, mahal na mahal ko kayo. Lahat kayo. Pantay-pantay. Dito sa nag-iisang puso ko, kayo ang mga pinaka-dabest na mga apo sa mundong ito. Kahit na hinusgahan na kayo ng mga taong nasa paligid ninyo, kahit na iniwanan na kayo ng mga minahal ninyo, kahit na pinagkaitan na kayo at lahat na ng mga frustrations na naranasan ninyo, isipin ninyong naririto pa rin ako sa tahimik at payapang silid na ito. Hinihintay ko lamang ang pagdalaw ninyo. Hinihintay ko lamang ang mga pagdinig ko sa mga yabag ng mga paa ninyo sa lumang bahay ko. Kung kayo man ay magbabalik, itanda ninyo ito sa inyong mga isipin, sasalubungin ko pa rin kayo, na kagaya ng mga ‘bata’ ko pang mga apo noon. Asahan ninyong sa pagbabalik ninyo sa tahimik at munti kong tahanan, kahit na luhaan kayo at napapagod, asahan nyo pa rin ang haplos ng aking mga ugatin ng mga kamay.

Alam kong napapagod na kayo, at nabigla kayo ng kayo ay sumuong sa digmaan ng buhay. Ngunit, ganyan talaga ang buhay. Kailangan ninyong magpatuloy sa pagsuong. Kailangan nyong magpatuloy sa inyong mga adhikain at mga pangarap. Ano at anuman ang mangyari sa inyo, lagi nyong iisipin, naririto lamang ako sa tabi ninyo. Mawala man ang katawan ko sa mundong ibabaw, mananatili pa rin ako sa inyo, hindi sa inyong mga luhaang mga mata, kundi sa inyong mga puso at alaalang, kayo at ako ay nagsama sa iisang payapa at munting tahanan.

Kung maglaho man ang katawan ko at ako’y pumanaw na, ‘wag ninyo sanang kalilimutan na ipagsindi ako ng kandilang simbolo ng inyong marubdob na pagmamahal sa ‘kin. Sapagkat noong kayo ay mga sanggol pa lamang, ako at ang inyong magulang ay nagsilbing mga ilaw, upang makita ninyo ang landas at ang buhay na ito. Kung pumanaw man ang katawan kong ito, ‘wag ninyo sanang isamang ilibing ang aking mga pangaral sa inyo. H’wag nyo sanang ibaon sa pagsasawalang bahala ang kagandahan at ng halaga ng pagkatao at buhay. Bata pa kayo, para sa akin, ako ang lola ninyo, kilalang-kilala ko kayo. Natatawa pa rin ako sa tuwing naririnig ko sa telepono ang mga boses ninyong madalas na pumipiyok.

Huwag ninyo sanang iiyakan ang sulat na ito. Ayaw kong nakikita kayong umiiyak kayo o nalulungkot man. Ayaw kong nakikita kayong nagluluksa sa aking pagkawala. Ayaw kong nakikitang naghihirap ang mga ‘bata’ pa ninyong mga kalooban. Kung lumisan man ako, kailanman ay hinding-hindi ko kayo makakalimutan. Naging bahagi kayo ng aking makabuluhang pagtanda, naging malaki ang bahagi ninyo sa buhay ko. Matutunaw man ang aking katawan, ngunit patuloy ko pa rin kayong pagmamasdan, kahit na nasa kabilang daigdig na ako. Kung kayo man ay malulungkot, ‘wag ninyong iisipin na iiwanan ko kayo, naririyan pa rin ako sa inyo. Patuloy at patuloy ko pa rin kayong mamahalin at tagos sa puso ko, kayo pa rin ang mga batang pinakamamahal ko at pinakamakulit sa lahat ng mga makukulit.

Sana sa huling sulat kong ito ay maalala ninyo ako. Mahal na mahal ko kayong lahat. H’wag ninyong iisipiin na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kayo naaalala. Sa aking higaan, sa looban ng isang tahimik at bahagyang maliwanag na silid, ako’y naghihintay sa inyo, aking mga apo. Namimis ko na kayong lahat. Dalawin ninyo sana ako sa ating munting tahanan. Hihintayin ko kayo, hanggang sa huling mga araw ng buhay ko. Kahit hindi ninyo sabihin, alam ko, alam ko, darating kayo. Alam na alam kong hindi ninyo ako matitiis, kilala ko kayong lahat. Sa aking isipan ay kayo pa rin ang mga batang makukulit na aking inaalagaan at minahal ng walang hanggan. H’wag kayong humingi ng tawad sa akin, alam ko, alam na alam ko, darating kayo. At hanggang sa mga huling araw ko sa mundong ito, ay hihintayin ko kayo, anuman ang mga sinapit ninyo sa mga pinaglakbayan ninyo, hihintayin ko kayo. Yayakapin ko pa rin kayo. Mahahalin ko pa rin kayo. Para sa akin, kayo ang pinaka-dabest na mga apo (sa kabila ng mga kakulitan at pagiging pasaway ninyo). Kahit anumang araw at ilang minutong natitira sa buhay ko, hihintayin ko kayo. Patuloy ko pa ring papangarapin, na minsan, dadalawin ninyo ako, ngayong matanda na ako’t nag-iisa na sa buhay na ‘to.

Walang hanggan na nagmamahal sa inyo,
NANA LOPE