Holding hands (Phote credit: keenanevans.com)

Holding hands (Phote credit: keenanevans.com)

Umaga na naman, pinananabikan ko itong araw na ito. Makikita na naman kita, magkikita na naman tayo.

Parang kailan lang noong huli tayong nagkita, parang kailan lang noong nagdadasal akong hindi sana  magtagal at magkita na naman tayo. Ngayon ay heto at nakaporma na naman ako at aalis upang makita ka. Pumipili na naman ng damit na maisusuot, nag-aayos na naman ng buhok, naglalagay na  naman ng pabango.

Sobrang nananabik akong humakbang paalis, saglit na oras na lang ang bibilangin at makakausap na naman kita. Makikita ko na naman ang mga ngiti mo, matititigan ko na naman ang mga mata mo.

Pababa na ako ng sasakyan, hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Pabilis nang pabilis ang kabog sa dibdib ko, palakas ng palakas habang hinahanap ko ang mukha mo sa gitna ng napakaraming tao. Nang mamukhaan kita, biglang tumalon ang puso ko sa tuwa. Hayon ka at nakatingin sa ‘kin, naghihintay. Hindi ako p’wedeng magkunwaring hindi natuwa nang makita kita. Hindi ko maaaring itago ang nararamdamang tuwa.

Isa lang ang hiling ko ngayon habang naglalakad tayo at kinakausap kita. Sana ay hindi na matapos itong araw na ‘to, sana huminto ang ikot ng mundo upang maghapon akong nakatitig sa mga mata mo. Hinawakan mo ang mga kamay ko, naramdaman kong muli ang palad mo. Sobrang pinananabikan ko iyon ng matagal na panahon. Tinapat mo ito sa dibdib mo, hindi ko alam ang gusto mong sabihin, nais mo bang maramdaman ko na parehas tayo ng nararamdaman? Ngunit wala akong pakialam, ang alam ko lang ay hawak mo itong muli at ayoko nang mabitawan mo iyon, kahit na saglit.

Wala akong pakialam kahit pagtinginan tayo ng mga tao dahil sa lakas ng tawanan natin. Wala akong nakikita kundi ikaw at ang mga ngiti mo. Wala akong pakialam kahit anong itsura ko sa sobrang paghalakhak o kahit ano pa man ang maging ayos ng buhok ko, dahil isa lang ang alam ko, ang kasama natin ang isa’t isa at iyon ang mahalaga. Wala akong pakialam kahit maligaw tayo dito sa lugarg na unang beses natin puntahan, ang mahalaga ay hawak mo ang mga kamay ko at alam kong hindi mo ako iiwanan saan man tayo mapunta. Wala akong pakialam kahit na saan tayo kumain, ang mahalaga ay kasama kita sa isang lamesa. Wala akong pakialam kahit matapilok, mauntog o madapa ako sa harapan mo dahil alam kong ako pa rin ang pinakamangandang babae para sa paningin mo.

Isa lang ang hinihiling ko ngayon, sana araw-araw ganito. Sana oras-oras kitang makasama. Ayaw ko na ulit mangulila. Pinipilit kong pinapaniwala ang sarili kong masyadong nauuna ang oras sa relo ko. Kahit ano gagawin ko upang mas mapatagal pa ang oras nating magkasama.

Kahit ayaw ko, lahat ay kailangang matapos. Para akong isang katulong na naging prinsesa na kailangang magmadali sa pag-uwi. Ayaw ko man, ngunit kailangan ulit kitang bitawan.

Narito na naman tayo, hinatid mo akong muli upang sumakay sa karuwahe kong yari sa kalabasa. Ayaw ko pang bumitaw pero kailangan na. Tumalikod na ako nang biglang naisip kong kailan ko baunin ang ngiti mo sa pa-uwi ko, kaya nilingon ulit kita upang makita iyon sa huling pagkakataon. Hindi ako nabigo, nakangiti kang nakatingin sa ‘kin, nagpaalam at para bang sinasabing maghihintay kang muli.

Natapos ang araw nating magkasama. Ngayon ay heto ako at inaalala ang lahat, ayaw kitang kalimutan, ayaw makalimutan ang lahat, kahit isang detalye sa lahat ng nangyari.

Pumikit ako upang muling manalangin. Hihintayin ko ulit ang umagang pinananabikan ko. Ang makita kitang muli. Ang magkita ulit tayo.