Winner (Credits: socialsistersblog.files.wordpress.com)

Ano ba ang sukatan mo ng tagumpay?
Tagumpay na bang maituturing kung ang isang tao’y maraming posesyon? Mayaman? Makapangyarihan? Matalino? Mataas ang pinag-aralan? Sikat na personalidad? Sagad sa papuri? Maraming tropeyo, medalya o may nakamit na mga karangalan?

 

Ayon sa UP Diksiyonaryong Pilipino na aking napagtagumpayan sa patimpalak ni G. J.Kulisap, ang kahulugan ng Tagumpay ay ang katuparan o kaganapan ng anumang plano o balak kabilang dito ang pagkakamit ng yaman, katanyagan at iba pa. Kung ito na nga ang batayan natin ng tagumpay marami palang tao ang naging matagumpay sa buhay! Ngunit sapat ba ang ilang mga “tagumpay” upang mapunan nito ang kaligayahang hinahanap nating mga tao?

 

Ang susi ba sa kaligayahan ay ang katagumpayan? O ang susi sa pagtatagumpay ay kaligayahan? Magkadugtong ba sila na hindi maaring paghiwalayin? Maari ka bang maging matagumpay ngunit hindi lubos na maligaya o maari kang lumigaya ngunit kapos sa nakamit na tagumpay? Isasakripisyo mo ba ang iyong kaligayahan para magtagumpay o ibubuwis mo ang iyong tagumpay para sa wagas na kaligayahan?

 

Hindi maitatanggi na hindi lahat ng matagumpay ay maligaya at hindi lahat ng maligaya ay matagumpay; kung gayon hindi sila palaging magkadugtong dahil ang tao’y maaring maging maligaya nang walang tagumpay at maari kang maging matagumpay nang hindi maligaya.

 

Ang kabaligtaran ba ng tagumpay ay kabiguan?
At ang kawalan ng tagumpay ng tao ay kasawian?
Kung hindi mo ba napagtagumpayan ang isang minimithi ay isa na itong kabiguan? Paano mo sasabihin na ikaw ay isang matagumpay na tao o isang sawi?

Sa aking pananaw, ang kawalan ng tagumpay ay hindi isang lubos na kabiguan. Mas kabiguan ang paglamlam ng pagmamahal sa mga bagay na nasa iyong paligid at ang kakulangan sa pagtanggap sa mga bagay na nangyayari’t nagaganap sa kabila ng mga bagay na tinatamasa. Mapanlinlang ang tagumpay maari kang dalhin nito sa kapanatagan o maari kang malulong sa hatid nitong kapalaluan. Kadalasan sa paghahangad ng tagumpay o pagnanais na mamintini ito ay nasasakripisyo ang ilang mahahalagang bagay sa buhay, ang atensyong kailangan para dito ay nababaling sa pagkakamit ng minimithi. Sana’y matutong magpasalamat sa Diyos sa anumang biyayang dumadating dahil hindi lahat ng ating nanaisin ay kaya nating mapagwagian at mapagtagumpayan.

 

 

Nakakalungkot malaman na ang sukatan ng tagumpay sa panahong kasalukuyan ay ang pagkakaroon ng maraming salapi – nakuha man ito sa hindi magandang pamamaraan. At kasabay ng pagkakaroon ng maraming salapi ay ang pagkakaroon ng karagdagan o labis na pagtitiwala/pagkabilib sa sa sarili at ang sa iba naman ay kayabangan o kapangyarihan. Kayabangang nagpupunla ng inggit o galit sa mga tao, kapangyarihang paikutin ang mga taong salat sa tagumpay at yaman. Mga taong alipin ng yabang at kapangyarihang kayang paboran ng pagkakataon. Sino ba naman ang hindi maghahangad na magkamal ng maraming salapi? Ang mabili ang anumang naisin sa buhay, gawin ang gusto ng walang sagabal na suliranin sa pera, makarating saan mang lugar na ibigin at walang pangamba sa anumang problemang pinansyal. Isang tagumpay na panandalian, isang mapakunwaring tagumpay.

 

Ngunit ito na ba talaga ang tagumpay na hinahanap natin?
Bakit ang maraming may pera na itinuturing nating matagumpay ay mayroon pa ring hinahangad o may maligalig na pag-iisip?
Matagumpay na ba sila’y matatawag?
Sasapat na ba ang “tagumpay” sa buhay ng tao?

 
Ngunit isa lang ang tanging sigurado ang tao’y hindi kailanman makukuntento. Anuman ang mayroon ka ngayon ay nakatakda mong palitan, anuman ang napagtagumpayan mo’y nanaisin mong madagdagan, anuman ang nakamit mo ay maari mo ring matalikdan…lalo’t kung ang mga ito’y pawang hinangad ng dahil sa huwad na pangarap. Sa kabila ng pagtingin at paghanga ng mga tao sa isang matagumpay na personalidad masasabi kaya nating sila’y may lubos na kagalakan sa buhay?

 

Ang sukatan ng tagumpay ng bawat indibidwal ay magkakaiba. Maaring ikaw ay matagumpay sa paningin ng ibang tao ngunit sa sarili mo ay kabiguan ang iyong nadarama; maaring ikaw ay matagumpay na sa iyong napiling larangan ngunit sa ibang mapanghusga at may utak-talangka ay hindi ka pa rin matagumpay. Minsan ang iyong tagumpay ay nakasalalay sa mga inampalang may kakaibang batayan at hinahanap.

Ngunit higit sa tagumpay mas mahalaga na ikaw ay may kagalakan sa iyong puso.

 
Dahil hindi sasapat ang mga karangalan na nakamit o ang dami ng salaping nasa bulsa kung kalungkutan ang nananahan sa iyong dibdib. Ang pagmamahal sa mga bagay na iyong ginagawa; trabaho man ito o libangan ay maari ding tawaging Tagumpay. Magkamit ka man o hindi ng parangal, magtamasa ka man ng yaman o hindi kung pagmamahal ang naghahari sa bawat bagay na iyong ginagawa; mahal ka ng iyong pamilya hindi dahil sa palamuting nakamit mo, naalala ka ng mga tao dahil sa mga bagay na iyong ginawa ay isa ring Katagumpayan.

 

 

Aanhin mo ang tagumpay kung isa kang mandarambong sa paningin ng madla? May maruming pangalan at may kasaysayan nang panggigipit at pagiging ganid.
Ang karangalang napagtagumpayan mo ba’y lubos mong ikakasiya kung sa pandayara mo lang ito nakuha? Darating ang araw na ikaw ay babagabin nito.
May halaga ba ang tagumpay kung nasakripisyo mo ang oras at kasiyahan ng iyong pamilya? Kung masyado mong naging prayoridad ang pag-asam sa katagumpayan sayang ang mahahalagang oras na nawala, hindi na ito kayang ibalik pa. Importante din ang parangal at pera ngunit mahalaga rin ang pamilya, ang sariling kagalakan at ang kapakanan ng mga nangangailangan ng kalinga ngunit paano ba ito titimbangin? Ang tagumpay minsan ay nasa isip lang, ang parangal ay iginagawad ng mga huradong may iba’t ibang panglasa at pamantayan.

 

 

Huwag magpatali sa paghahangad ng tagumpay ng parangal baka ito ang maging balakid sa paggawa mo ng iyong mga naisin sa buhay, sa halip na ito’y makatulong baka makasama pa ito dahil sa labis na ambisyon at paglagpas sa limitasyong kaya mong ibigay. Hindi madali ang kumilos sa pamantayang inilatag kung taliwas ito sa iyong kakayanan, kalayaan, layunin at naisin.

 

 

Huwag isara ang paniniwala na ang pagkakaroon ng yaman ay katuparan ng tagumpay hindi maikakailang marami ang nalunod at nalubog sa ganitong paniniwala. Kayamanan kapalit ng dignidad at pangalan. Dignidad at pangalang tila winawalang-bahala na sa isang modernong panahon. Datapwat ang yamang ito’y ‘di nadadala sa pagpikit ng mata, pagpantay ng mga paa, sa pagtawid sa kabilang buhay.

 

 

Hindi masama ang makatanggap ng mga papuring galing sa mga taong niyakap at tinanggap ang iyong ginawa perpekto man ito o hindi; masarap ang ganitong pagkilala, nakapagpapaluwag ng dibdib at nakapagpapataba ng puso. Kusa itong maglalagay ng ngiti sa labi dahil sa hatid nitong inspirasyon ngunit ‘di dapat ito maging dahilan upang magmalaki, huwag itong limusin dahil kusa itong iginagawad sa mga taong nararapat.

 

 

Karangalan, salapi at papuri lahat ito’y mahalaga, ito ang magbibigay kahulugan sa higit na tagumpay na hinahangad ng mundong mapagnasa kung makakamit mo ang isa sa mga ito o lahat ng ito’y mapasaiyo sana’y magsilbi lang itong pabuya sa mga nakamit mo sa buhay at hindi ito ang mga dahilan kung bakit ka nabubuhay.

Enhanced by Zemanta