Cheating (Credits: www.techbuzzonline.com)

Kabit! Yan ang bansag nila sa akin. Ambisyosa, mukhang pera, malandi, mang-aagaw, puta at marami pang malalansang mga salita ang aking naririnig. Bakit kapag tinagurian kang ‘third party’ o ‘kabit’ ang tingin ng tao sa iyo ay isa kang ‘kontra-bidang ahas’ na pinandidirian ng ilan. Minsan ay sinusumpa pa.

——

Sa tuwing may nakakasalubong akong mag-asawa o magkasintahan, ang unang hakbang ng babae ay hinihila ang kanyang asawa o kasintahan palayo sa akin. Para bang may taglay akong nakakahawang sakit.

——
Bakit at paano ako naging kabit ay hindi ko na halos matandaan. Bawat lalaking dumaan sa aking mga kamay at nakikilala ko ay madalas halos may mga sabit na at nakatali na. Bakit sa pagdaan ng panahon sa mga ganitong tao ako nahuhulog–o sabihin na nating nagpapatihulog? Alam kong mali, kasalanan at marami akong taong masasaktan, pero bakit ang puso ko nagpupumiglas at kumakawala para isampal sa akin ang duguan niyang hitsura para maawa ako at sundin ang dikta niya?(selfish na puso ito).

——
Hindi ko makalimutan ang isang eksena noon kung saan sinugod ako ng asawa ng kasintahan ko sa aking pinapasukang trabaho. Pinamukha niya sa akin kung gaano ako kasamang babae, na kung paano ko sinira ang kanilang pamilya, na kung paano ko pinutol ang lubid na nag-uugnay sa kanila bilang isang masaya at kompletong pamilya, at paano ko tinuldukan ang respeto ng kanilang mga anak sa ama nila.

——
Si Edward, ang boss ko, may asawa’t tatlong anak. Isang masugid na tagahanga ko (feeling ko lang pala yun). Noong nakilala ko siya, sinabi niyang single siya at walang anak, tinanggap niya ako bilang secretary niya sa kanyang kompanya. Bawat araw lagi kaming magkasama, nagkakape, kumakain at nakikipag meeting sa clients niya. Dumating ang araw ng nagtapat siya sa akin, pinangakoan ako ng kasal, bahay at syempre wagas na pag-ibig niya. Di umano’y pakakasalan niya ako kahit saang simbahan, pero ngayon, gusto ko ng mailibing ako agad-agad kahit saang sementeryo, please now na!

——
Nagtagal kami ng 2 years, wala akong ka ide-ideya tungkol sa asawa’t mga anak niya, hindi kasi siya nagkulang sa akin. May naririnig akong usap-usapan na kesyo may pamilya na siya, na kesyo mukha akong pera at ganito..ganire ako. Hindi ko ininda dahil mahal ko siya at magpapakasal kami. Isang elusyon na natuldukan nang sugurin ako ng kanyang asawa at itulak ako sa nagliliyab na impyerno ng kahihiyan.

——
Sa kanya lang umikot ang mundo ko noon, yung pag-ibig ko sa kanya ay nanonoot hanggang sa mga buto ko ( mukha kasi akong skeleton noon). Kapag ba naging kabit ka ay masama ka ng babae? Hindi ba pwedeng tanga lang? Bakit kapag nakarinig ka nag salitang ‘kabit’ ay kumukulo agad ang dugo mo? Hindi naman lahat ng naging kabit ay masama o mang-aagaw. Who are you to judge? Oo naging kabit ako, pero hindi naman ako masisisi dahil sinabi niyang wala siyang pamilya at single sya. Ang tanging kasalanan ko lang ay naniwala ako at minahal siya ng buo. Kabit ako, puta na rin ba?

—–
Teka, teka, bakit ako lang yata ang inaway at sinabunutan ng walang hiyang babaeng yun? Dapat yung asawa rin niya. Dahil nagtaksil sa kanya, bakit parang sa akin lang yata siya galit at sa akin lahat ibinunton ang sama ng loob niya? Syet, ano ba yung address nila? Ma-resbakan nga.

—–

Don’t judge the book by it’s cover– dahil minsan ang cover ng book ay madalas ginagamitan ng mapang-akit na desenyo para maging mabenta. Minsan din, kailangan mo talagang silipin ang nilalaman nito bago ka mag komento.