Pansit (Credits: www.filipinofoodstore.com)

Hindi masasagot dito ang dahilan kung bakit ko paborito ang pansit. Wala lang gusto ko lang na ganito ang title ng sinulat ko o baka kayo na mismo ang makaalam kung bakit paborito ko ang pansit? O siya kain kain muna ng mainit init na canton na niluto ni Aling Maria habang kinukuwento ko sa inyo ito.

Looking back to my younger days…. noong bata pa ako. Kung saan uso ang patintero, tumbang preso, luksong baka, luksong tinik, follow the leader, ninja ninjahan, nanay nanayan, tatay tatayan, langit lupa impyerno, step yes step no, nanay nanay gusto kong tinapay, tanching , teks, pogs, and so many more na may interaction sa mga bata. Kung saan nauso ang game n watch, view master, at family computer. Kung saan nauso sila Voltes V, Maskman, Shaider, Ultraman, Si Sarah ang munting prinsesa, Si Cedie ang munting prinsipe, Si Heidi ang batang inampon ni Lolo Alps at kung sino sino pa. Hindi ko napansin or maaring nakalimutan ko na ang dahilan ko ng pagkagusto sa pagkain ng pansit.

Marahil noong  nauso ang mga nauso noong bata pa ako,  pansit ang nilalantakan ko. Hmmm maaring napanood ko ang commercial ng isang brand ng pansit na ini-endorso na sobrang ganda ng pagkakaendorso,  natakam ako sa magaling nilang pambobola. Ganun naman talaga ang mga commercial minsan kahit malayo na sa produkto nila ang pinapakitang istorya  patuloy lang. Kahit na biscuit lang ang ibinebenta ang daming pang dramang nagaganap. Kahit na kape lang ang iniindorso may halikan pang nangyayari. Minsan itong mga commercial na ito  unfair din. Bakit pag toothpaste ang commercial ngipin pinapakita? Bakit pag shampoo buhok  ang pinapakita? Bakit pagnapkin ang commercial hindi pinapakita ung ano alam mo na yun ehehehe. Protesta ng mga babae at mga baklita, bakit ung commercial ng condom hindi pinapakita si patotoy? Ganyan ang mundo ng advertising minsan totoo minsan hindi totoo, siguro isa na iyon sa dahilan kung bakit nahumaling ako sa pagkain ng pansit hmm… hindi siguro baka lang.

Tradisyon na sa ating mga Pilipino ang may hain laging pansit sa mga mahahalagang okasyon ng buhay Pilipino. Mula birthday ng miyembro ng pamilya hanggang sa namatay na miyembro ng pamilya ipaghahanda pa rin ng pansit. Minsan hinahainan ng pansit or kahit anong pagkain ang picture ng namatay na hanggang sa nabulok na ung pagkain nandun pa rin yung pagkain. Sabi ng matatanda, kakainin daw ng namatay yun sa kung nasaan man sila naroroong lugar ngayon. Mapa-fiesta, pasko, bagong taon, graduation, pasiyam, o 40 days nandyan si pansit. Minsan pagtrip-trip lang ng mga tropang nag-iinuman pwedeng pansit rin ang pulutan.

Naging pambansang pagkain na rin ng masang Pilipino ang pansit or instant pansit canton(pag walang budget). Murang mura lang kasi bukod sa madaling iluto  hindi pa mabigat sa bulsa. Sabi nga ng friend ko, “naku ingat ka sa mga ganyan daming betsin nyan”. Tanong ko, “alam mo ba ung lasa ng umami?Hindi.. sagot nya sa akin. Ang umami ay iyong 5th taste na kelan lang natuklasan, savory, flavorful ayon ang umami. Iyan ba ang dahilan kung bakit favorite  mo ang pansit or dahil wala ka lang makain noong bata ka kundi pansit lang? hmmm hindi ko alam talaga, hindi ko alam…. sagot ko sa kanya.

Ang pansit pampahaba ng buhay. Minsan na isip ko magpanukala sana ng batas ng pagbabawal sa mga pulitiko na kumain ng pansit. Bakit? siyempre pagmahaba ang buhay mahaba rin ang taon na ilalagi nya sa posisyong iyon. Kumbaga hanggang may hininga go lang ng go. Kung hindi na carry  di ipasa sa mga kamag anak na kahit walang kaalam alam ok lang basta mabuhay lang ang dynasty ng pamilya nila sa larangan ng pulitika. Teka gagawin ba nila kung saka sakali ito malamang hindi dahil parang kinalaban na nila mismo ang sarili nila. Sino ba naman ang ayaw sa mga limpak-limpak na mananakaw sa kaban ng bayan. Kung pagbawal na lang sa mga magnanakaw, mga rapist, mga terorista, mga manloloko, at kung ano pang kagaguhang magagawa ng tao ang pagkain ng pansit. Ok pa siguro.

Minsan na isip ko na rin na sana gawing alternative medicine ang pansit. Ipakain sa mga may taning na, mga taong malapit ng malagutan ng hininga, mga taong nasa I.C.U. Ganda siguro nun, mura na abot kaya pa ng masa. Wala na sigurong mamatay agad agad dahil sa kakulangan ng pera dahil walang pampa ospital. Malamang lumakas ang kita ng mga taga luto ng pansit, mga karinderia, mga restaurant. Maaring magkaroon na rin ng Cooktor (doktor na cook ng pansit) or marami ang nurse na magpapalit na ng propesyonal papuntang cook, dadami na ang mga estudyante na mag-aaral ng culinary arts major in magpapansit at magsusulputan na rin ang substandard na school ng culinary arts na tanging hanggad lang ay kumita kahit na walang kakuwenta kuwenta at walang kakalidad kalidad ang pagtuturo.

Ewan ko ba kung sadyang makulit o malikot lang talaga ang isip ng mga Pilipino. Tuwing mababanggit kasi ang salitang canton eh nagtatawanan sila. “birthday mo ngayon di ba pacanton ka naman”. Biruin mo pati ang pansit canton nagawan ng kalokohan. Ganyan ata talaga ka versatile ang pansit. Pwede mong ikumpara sa kuwento ng buhay. May ibat ibang uri ng pansit… may bihon, misua, sotanghon, miki, lomi, at canton. Parang tao na may ibat ibang uri ng pag-uugali, katayuan sa buhay, pananaw, relihiyon, kulay, at lahi. At syempre hindi sasarap ang pansit kung wala ang pinagsasama samang rekado na nagpapalinamnam sa pansit gaya ng mga pagsubok sa buhay, halo halo man ang problema basta sama sama kayang kaya, tulad ng pansit na buhol buhol man sasama sama sa linamnam ng buhay. Kaya kung may gusto man akong manatili  sa mga gusto nilang i-boycott na mga produktong intsik ito ay ang PANSIT.